Sa Aking Paglaya-
Patuloy na daraan ang mga taon.
At daraan na lamang din sa isip ko
ang mga alaalang nabuo,
mula sa ating kahapon.
Ang sakit na dinulot ng nakaraan
ay hindi pa naghihilom nang lubusan,
at marami pa ring mga tanong ang naiwan sa isipan.
Maraming oras na rin ang nasayang
at ang mga pagbabago'y hindi na natin mapipigilan.
Nasa gunita ko pa rin ang lahat,
ngunit alam kong ang pag-alala sa nagdaan
ay hindi na magiging sapat.
Kung ipagkakaloob man ng sansinukob
nais ko sanang muli kang mahagkan,
bago kita tuluyang kalimutan,
bago kita tuluyang bitawan.
Ayaw ko pa mang wakasan ang ating aklat,
ngunit hindi ko na alam kung kakayanin ko pa ba ang bigat.
Pagod na akong umasa na maaayos pa ang lahat.
Sawa na rin akong ungkatin ang dahilan nitong aking mga sugat.
Kasalanan ba kung sumuko ako sa halip na lumaban?
Mali ba kung tinapos ko na itong bagay na hindi naman talaga dapat natin sinimulan?
Masama na ba ako, kung paglayo na lang ang naisip kong paraan,
upang pawiin itong hirap na aking nararamdaman?
Nais ko lamang
na mahagkan kita sa huling pagkakataon,
para ibulong ang mga salitang nais ko sabihin at ipabaon.
"Pag-ibig man nati'y parang halik lamang sa hangin,
paglalakbay na pinagsaluhan ay naging masaya pa rin.
Malilimot din natin kalaunan ang sakit ngunit lagi pa rin nating aalalahanin,
na minsan akong naging sa iyo, at minsan ka ring naging akin."
—laia.
05/01/23
BINABASA MO ANG
One Shot (Poems & Stories)
Random- my escape. a safe place for my very random thoughts. coding : ST (Stories) PM (Poems) QT (Quotes)