Habang tumatakbo nang mabilis ang jeep na sinasakyan ay tumatakbo rin ang isipan. Nakatingin sa mga nadadaanan ngunit wala naman roon ang isipan. Hindi alam kung ano nga ba ang nararapat gawin. Bumalik ang mga katanungan na kagabi pa pilit sumisiksik sa diwa. Natauhan ang naglalakbay'ng diwa nang huminto ang jeep sa tapat ng kanto, sa kantong maghahatid sa pupuntahan. Inabot ng sariling mga kamay ang pamasahe sa isang matandang babae kasabay ng babaeng nag-abot rin ng kanyang pamasahe. Ang gulat ay nadama nang ang init ng kamay ng babae ay naramdaman, at tila nagulat rin ang babae na lumingon sa kinaroroonan at tila nakatingin sa kawalan. Bago tuluyang mamagneto sa naging reaksyon ng babae ay nauna ng bumaba. Nagmamadali sa paglalakad upang makarating agad sa bahay ng kaibigan, dahil gusto ng maglandas ng mga luha sa mga pisngi. Ayaw ng kaluluwang may makakita sa sarili na umiiyak dahil ayaw nitong makita ng iba ang kahinaan. Nang makarating sa bahay ni Michelle, ang tinuring na kaibigan, pumasok sa nakabukas na gate at dumiretso na sa may pintuan. Kakatok na sana nang mapansing nakaawang ang pinto. Dahan-dahang nilakihan ang siwang nito at nagulat sa nasaksihan sa may sala, ang minamahal kong tunay at ang tinuring kong kaibigan, si James at si Michelle sa gawaing hindi normal para sa isang magkaibigan. Tuluyan na ngang naglandas ang mga butil ng luha sa mga pisngi. Paano nila nagawa ito? Durog na durog na ngayon ang puso at ang hapdi ng sugat ay damang-dama, na kahit ata ilang anaesthesia ang itarak sa katawan ay wala ring saysay sapagkat tatagos pa rin ang sakit. Lalo pang humapdi ang puso sa mga narinig mula sa kanilang mga labi, "Kailan mo ba talaga balak hiwalayan siya? Naiinip na ako sa kahihintay sa iyo, James." "Alam mo namang hindi ganoon kadali iyon. Ano sa tingin mo ang mangyayari kapag sinaktan ko ang anak ng taong nagpapaaral sa akin? Mich, please konting tiis na lang. Makakaisip rin ako ng paraan para siya na mismo ang humiwalay sa akin." "And when will that be?"
Sa nasaksihan at sa mga narinig, parang sinaksak ng makailang beses ang puso. Nangalog ang buong katawan. Gustong maglaho na lang bigla. Mawala na parang bula kaya nilisan ang impyernong lugar na iyon. Tumakbo nang tumakbo. Hindi alam kung saan tutungo. Walang direksyon. Nag-uunahan naman sa paglandas sa mapuputlang pisngi ang mga likidong nagmumula sa mga mata. Nang may makitang jeep sa unahan, tinakbo iyon at diretsong pumasok sa loob. Salamat at walang pasahero. Mahahayaan ang sariling damhin ang sakit at ilabas ito sa pamamagitan ng pag-iyak. Kasalukuyang sabog ang utak sa hindi maipaliwanag na sakit.

BINABASA MO ANG
Sulyap sa Kahapon
Short StoryKung magkakaroon ka ng pagkakataon na balikan ang nangyari kahapon, ano ang gusto mong baguhin? Ngunit paano kung sa pagsulyap mo sa kahapon ay wala ka ng mababalikang ngayon?