Dinala ng mga paa sa tambayan ng barkada, sa isang liblib na lugar malapit sa pinapasukang unibersidad, isang lugar na tahimik, maaliwalas, may mga punong nagsisilbing payong ng mga upuang bato at ng mga bulaklak sa paligid. Isang abandunadong lugar na inakala ng karamihan na nakakatakot. Doon ay nakita si Vince, isa sa mga kabarkada. Nakaupo siya sa malaking bato at nakatagilid mula sa sariling kinalalagyan. Tahimik siyang nakatingin sa malayo. Bigla ay may kinuha ito sa bulsa nito at nagsalita. May kausap ito sa telepono nito. Nagdalawang isip na lumapit. Hindi kailanman ninais na makita niya ang pisikal at emosyunal na awra na kinalagyan ngayon.
"What?", natigil ang mga paa sa paghakbang palayo nang marinig ang gulat sa tinig ni Vince. Lumingon sa kanya sa pag-aakalang nakita niya ang dalang katawang ito na nanlalata sa pagod ngunit nagkamali ang paniwala kong yaon. Iba ang nakita ng mga mata. Bakas sa mukha ni Vince ang pagkatigagal, ang gulat. Ang pagbago ng anyo ng mukha nito ay hindi inasahan. May luhang tumutulo mula sa kanyang mga mata. Ramdam ng puso na mayroong mabigat na problemang dinadala si Vince at batid ng isip na may kaugnayan ang natanggap nitong tawag.
Humakbang ang mga paa papalapit kay Vince. Parang may magnetong humihila sa katauhan papalapit sa kanya. May bahagi ng puso na labis ang pagnanais na aluin siya. Lumapit sa kanya. Niyakap siya nang mahigpit, ninais na guminhawa ang kanyang pakiramdam, isang bagay ito na hindi pa nagagawa sa kanya kailanman, at naramdaman ng puso ang pighati at paghihirap niya. Gumaan ang bigat na pinapasan. Nakaramdam ng karamay, ng kasama at ng pagmamahal. Bigla ay nausal ni Vince ang pangalang nagbigay identidad sa pagkataong nakaakap sa nanghihinang katawan niya, "Ivy." Puno man ng hinanakit at lungkot sa kanyang boses nang bigkasin niya ang pangalang yaon ay may naramdaman akong pag-ibig. Napiliting bitawan si Vince ng mga bisig nang bigla siyang tumayo. "Vince, bakit?" Hindi siya sumagot bagkos ay lumakad palayo. Naisip ng diwa na marahil ay dala ng problema nito kaya siya tila wala sa sarili. Nasambit tuloy ng isip, "Magkaibigang parehong may malaking pinapasan." Sinundan lang ng mga paa si Vince. Hinayaan muna siyang manahimik. Makabubuti iyon upang makapag-isip-isip siya.
BINABASA MO ANG
Sulyap sa Kahapon
Short StoryKung magkakaroon ka ng pagkakataon na balikan ang nangyari kahapon, ano ang gusto mong baguhin? Ngunit paano kung sa pagsulyap mo sa kahapon ay wala ka ng mababalikang ngayon?