Ang Matagal ng Umiibig

15 0 0
                                    

Sa paglalakad, nakasunod lamang ang yapak ng mga paa sa kanya. Naghihintay na sambitin niya ulit ang pangalang nais marinig ng teynga. Ni hindi namalayan ng diwa na nakarating na sa bahay ng lalaking ito. Diretso siyang pumasok sa loob. "Nakalimutan na niya atang may kasama siya.", sambit ng isipan.


Hindi mayaman sina Vince ngunit hindi rin sila naghihirap, iyon lang ang sakop ng kaalaman ng utak. Tahimik siyang tao, maprinsipyo at ang opinyon sa buhay ng isa't isa ay laging magkasalungat, iyon naman ang tingin ng isip sa kanya.


Ngayon lang din napasyal ng mga paa sa bahay nila at ngayon lang nabatid iyon. Hindi kalakihan ito ngunit hindi rin maliit.


Hindi na niya nagawang isara pa ang pinto kaya nakapasok sa loob. Sinambit ng labi ang pangalan niya ngunit hindi man lang nilingon ang nagmamay-ari ng boses na tumatawag. Nagugulumihan sa mga pangyayari. Naguguluhan na sa mga ikinikilos niya. Pumasok siya sa loob ng isang silid. Sinundan pa rin siya hanggang doon. At sa pagpasok sa loob, nabatid na sa kanya ang silid na iyon. Nakita siyang pumasok sa isa pang pinto. Nahihita na ng isipan kung ano yaong pinasukan niya kaya nakadama nang kaunting hiya sa sarili at ang hiyang iyon ay lalong lumaki nang maalala ang katotohanan na pumasok bigla sa silid ng isang lalaki nang walang paalam. Lalabas na sana ng silid nang mapansin ang isang pamilyar na larawan na nakakuwadrado at nakalagay sa ibabaw ng kabinet na nasa gilid ng kama. Lumapit sa pinaglagyan ng larawan at kinuha ito. Tinignan nang mabuti ito, sinigurado kung sino ang nasa larawan. Ngunit hindi pwedeng magkamali. Ang nasa larawan ay ang batang anyo ng may hawak nito ngayon, larawang luma na, larawan na kuha pa noong nasa hayskul pa lamang ang nagmamay-ari ng kamay na nakahawak rito ngayon, maikli pa ang buhok at mataba. Ito ang larawang kinaiinisan ng isip at inaakalang naiwala nang minsang umakyat kasama ang mga kabarkada sa isang bundok sa lugar nila.


Nagulat ang humawak sa larawan nang biglang bumukas ang pinto at lumabas si Vince kaya hindi sinasadyang nabitiwan ito at nabasag ang salamin. Nakita ng dalawang mata ang gulat sa mukha ni Vince. Ngunit mas nagulat sa ginawa niyang hindi pagpansin, kinuha niya ang larawan mula sa nabasag na salamin ng kuwadrado at tinitigan ito, at bigla ay bumahid ang lungkot sa mukha niya kasunod nun ay ang pagluha niya.

Sulyap sa KahaponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon