Ang Bagahe na Pasan

39 1 0
                                    


Heto ngayon, nakatanaw sa kalsadang ang tungo ay sa uuwian.


Pagbaba ng jeep, natigil sandali. Ang bigat ng puso, ng isip. Puno ng mga katanungang wala namang mga sagot o baka mayroon nga ngunit hindi lang mahanaphanap. Saan na nga ba ang tungo? Babalik pa ba? Sa sobrang bigat ng puso at isipan, pati ang mga paa ay hindi na maihakbang. Para bang isang libong taon ng naglalakad nang walang pahinga ngunit wala namang patutunguhan. Sa unang paghakbang ay naapakan ang maliit na batong walang malay. Wala sa isip na sinipa ang naturang bato at naibulong sa hangin, "Sana ay naging bato na lang, walang pakiramdam, walang malay ngunit may silbi sa mundo."


Kasama ang batong naglakbay pauwi, hindi alintana ang mga nanlalaking mata na nakatitig sa batong sinisipa.


Narating din sa wakas ang destinasyon. Kaharap na ngayon ang pinto, ang pinto papasok sa bahay? Sa bahay na dating puno ng saya? Hindi na mawari. Ninanais na ng mga tao rito na mawala ang bunso ng pamilya sa bahay na ito. Natatakot na pinihit ang siradura ng pintuan, binuksan ito at pumasok. Naroon sina Mama at Papa sa may sala, nakaupo lamang at hindi nag-uusap. Tahimik lamang silang dalawa. "Ma, Pa!", pabulong na sambit ng labi. Humalik ang bagong dating sa pisngi nila, gaya ng nakagawian. Ngunit bakit ganoon? Hindi man lang nila nilingon, hindi rin nila nginitian, hindi rin ginantihan ng halik sa pisngi o kundi ay yakapin tulad ng nakasanayan. Galit pa rin sila. Hindi pa rin nila matanggap na bumagsak ang bagong dating sa tatlong sabjek at lumipat ng kurso.


"Mama, Papa, sorry. Matagal ng gustong sabihin sa inyo ito. Hindi po kailanman pinangarap ng puso na magtayo ng mga buildings o ng mga bridges o kahit anumang gusali at mahina po ang utak sa calculations. Ang mahal nitong puso ay ang pagsusulat at iyon ang nagpapasaya sa damdamin.", sambit ng puso. Ang sakit! Ang sakit sakit! Galit pa rin sila.


Dumiretso na sa kwarto, dala-dala ang gamit sa eskwela at ang bigat na pasan-pasan. Tumulo ang mga luhang kanina pa pinipigilan. Sumisikip ang dibdib. Ang luhang hindi na mapigil sa pag-agos ay lalo atang nagpasikip sa damdamin. Yakap-yakap ang unang malaki. Nahiling na sana hindi na magising pa.

Sulyap sa KahaponTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon