Hindi maunawaan ng isip. Lalong naguluhan. Nadaragdagan ang mga katanungan sa isipan. Anong nangyayari? Bakit umiiyak si Vince? Bakit niya kinuha ang larawan? Bakit ayaw niyang kausapin? Bakit hindi niya pinapansin?Lumabas na si Vince at patuloy siyang sinundan ng mg paa kahit na hindi alam kung saan ang kanyang punta. Tinawag siya nang paulit-ulit ngunit hindi siya lumilingon. Nang sumakay siya ng jeep, isinampa rin ang sarili. Hindi man mawari kung ano ang nagaganap ngunit may kabang unti-unti bumalot sa puso. Dumami nang dumami ang mga tanong na naglalaro sa isipan ngunit wala pa ring mahagilap na sagot. Hanggang sa bumaba kami sa hindi inaasahang lugar. Sinundan pa rin siya. Hindi mawari ang bilis ng pagpintig ng puso. Sa bahay na kinagisnan at pinagmulatan ng sariling pakatao ang punta niya. Ngunit bakit? Nagulat nang humagulhol na sinalubong ni Weng si Vince. Inalo ni Vince si Weng at pinapasok sa loob ng bahay. Hindi alam kung ano ang nangyayari. Hindi maintindihan. Bakit maraming tao ngayon sa malungkot na bahay na ito? Pumasok ang sariling mga paa sa loob at laking gulat sa naabutan. Naroon ang mga kasamahan sa Choral, ang mga teachers, ang mga pinsan, ang mga relatives, ang mga malalapit na kaibigan, si Mich at James. Susugurin na sana ang huling dalawang nabanggit na pangalan ngunit napatda sa pagdaan ni Vince sa harapan habang lumuluha. Ngunit mas ikinagulat ang pagkakita sa isang puting rektanggulong kahon na nasa sala ng mas pinalungkot na imahe ng bahay. Nangingimi mang lumapit ngunit inihakbang pa rin ang mga paa. Anong nangyayari? Dumagundong ang puso at halos hindi na marinig ang ingay ng mga tao, ang hikbi ng mga nagdadalamhati. Natigil sandali nang marating ni Vince ang kahong yaon na kinatatakutan bigla ng puso. Malayo nang kaunti sa kanya ngunit tila dumidikdik sa isipan ang bawat katagang kanyang binitawan. "Mahal kita. Dapat noon ko pa ipinagtapat sa iyo ito. Huli na ang lahat at hindi ko na mababago pa." Napaluha ang puso na tumagos pa hanggag sa mga mata sa kanyang sinabi. Naramdaman ang bigat na dinadala sa puso niya. Takot man ang nangingibabaw ay ninais pa ring lapitan si Vince upang tuklasin kung sino ang mahal nito. Ngunit ang takot ay unti-unting lumalamon sa buong pagkatao. At ang kasagutan sa tanong na bumabagabag, "Anong nangyayari?", ay tila binibigyan na ng kasagutan ngunit ayaw taggapin ng puso, ayaw aminin ng isip. Nakatitig lamang kay Vince nang marinig mula sa likuran ang pamilyar na boses, hinagpis ng isang ina, nagulumihang lumingon ngunit tumambad sa harapan ang inang lumuluha. Akmang yayakapin siya ng dalawang braso ngunit nilagpasan lamang niya ang bunso niya, kasunod naman niya si papa na kababanaagan ang mukha ng lungkot at pighati. Gumulantang sa harapan ang katotohanan, ang sagot sa katanungan. Sa pagkakatuklas ng hindi matanggap na katotohanang yaon ay lumuha nang kusa ang mga mata nang tahimik na hindi mawari ang gagawin. Sa litong naramdaman, dinaluhong ang kuwadradong puti at tumambad ang realidad at tuluyan ng ginupo nito ang pag-asang mali ang nahihitang kasagutan sa katanungan. Ang sarili sa loob ng kabaong, wala ng buhay.
BINABASA MO ANG
Sulyap sa Kahapon
Historia CortaKung magkakaroon ka ng pagkakataon na balikan ang nangyari kahapon, ano ang gusto mong baguhin? Ngunit paano kung sa pagsulyap mo sa kahapon ay wala ka ng mababalikang ngayon?