CHAPTER 30

807 42 9
                                    

Tila pinipiga ng husto ang kanyang puso habang pinagmamasdan ang pangalan ng ina na naka-ukit sa lapida. It's only been a week since she returned and found out what happened about her nanay Dominga so the pain is still fresh. Halos araw-araw siyang dumadalaw sa puntod nito. Hindi makapaniwalang tuluyan na siyang iniwan nito. Ang kaisa-isang taong kumupkop at nagpamalas sa kanya ng pagmamahal ng isang tunay na ina ay wala na.

"Aba, totoo nga ang sinabi ni Ernesto. Nakabalik ka na."

Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses na iyon. Nakita niya ang kanyang ate Brenda at kuya Ernesto na nakatayo ilang metro lang ang layo sa kanya.

Namilog ang mga mata nito habang pinagmamasdan ang kanyang mukha bago nangisi.

"Nakikita ko ang mga larawan mo sa internet pero iba pa rin pala na makita ng personal. Kamusta ang pakiramdam na maging maganda, Calla? Kamukhang-kamukha mo si Rosanna."

Sa halip na patulan ang sinabi nito, nilapitan niya si Brenda na punong-puno ng pagdaramdam ang mga mata.

"Bakit mo ako niloko ate Brenda? Nakapag-usap pa tayo ilang buwan pa lang hindi ba?! Sinabi mong naggagamot pa si nanay at kaya hindi ko siya puwedeng makausap ay dahil nagpapahinga pa siya!"

Natigilan siya't napasapo sa kanyang pisngi nang dumapo roon ang palad kanyang ate Brenda. Binalingan niya ito habang ang palad ay nanatili pa rin sa kanyang mukha. Nawala na ang ngisi nito at napalitan na ng talim ang mga mata.

"Napakayabang mo namang magsalita! Akala mo naman napakalinis mong tao at walang niloko, Calla! Gusto mo bang ipagsigawan ko sa lahat kung anong ginawa mo noong bigla ka na lang naglaho rito at bakit nawala na ang pangit mong balat sa mukha?" hamon ng kanyang ate Brenda habang dinuduro siya.

"Ano bang pinag-uusapan ninyong dalawa? Alam mong buhay pa si Calla, Brenda? At ikaw Calla, anong sinasabi ni Brenda? Nanloko ka? Bakit nga ba biglang nawala na ang balat mo?" naguguluhang tanong ng kanyang kuya Ernesto habang papalit-palit ng tingin sa kanila.

Napayuko siya at hindi kaagad nakapagsalita. Nangisi si Brenda habang pinagmamasdan siyang hindi makalaban. Ipinag-krus nito ang mga braso at sadyang hindi tinatapunan ng tingin si Ernesto na naghihintay lang sa sagot nito.

"Oh, bakit natameme ka ngayon? Kanina ang tapang mo, ah?" anito. "Pero hindi rin kita masisi. Aba, kung gagawin lang ding ganyan kaganda ang mukha ko at ipakasal ako sa guwapo at mayamang lalaki kapalit ng malaking pera, kahit kaninong pagkatao pa 'yan ay gagamitin ko!"

Nailing siya sa sinabi nito at nagtaas ng tingin dito.

"Ginawa ko lang iyon para kay nanay, ate! Para may pangpa-opera at panggamot tayo kay nanay! Pero..." napahikbi siya. "Wala na palang silbi ang lahat dahil wala na siya! At...at hindi niyo man lang iyon ipinaalam sa akin!"

"Bakit parang ako pa ang may kasalanan, Calla? Huwag ako ang sisihin mo kung hindi ang tuso mong ina na si Rose! Binabayaran lang niya ako! Siya ang nag-utos sa akin na walang sabihin sa'yo na kahit na ano dahil kung hindi ay uuwi ka rito nang wala kaming napapala!" sagot ng ate niya.

"Ikaw ang tumatanggap sa bayad niya, ate?!"

Ang buong akala niya ay iyong pagsisinungaling nito tungkol sa kalagayan ng nanay nila ang pinaka-sukdulan na nagawa nito. Ngayong nalaman niya na sa buong panahon pala ng pagpapanggap niya ay ito ang nakikinabang sa perang ipinapadala ni Rose, lalo siyang nadismaya sa kanyang ate Brenda!

"Bakit, Calla? Masama ba? Malubha na rin ang lagay ni nanay kahit noong pagkatapos pa niyang ipa-opera! Marami na siyang komplikasyon sa sakit niya! Wala na tayong magagawa pa para sa kanya kaya mas mabuting kaming buhay at malusog pa ang matulungan mo hindi ba?! Hindi na sayang ang mga ginawa mo!" dagdag pa nito.

Lips That LieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon