Chapter One

945 34 7
                                    

NAKASUBSOB si Roni sa ginagawang manuscript. Kasalukuyang nasa coffee Corner ang dalaga, ang coffee shop na matatagpuan sa loob ng village nila. Naisipan niyang lumabas na lang muna para naman maiba ang atmosphere. Nagsasawa na siyang makipagtitigan sa pader ng kanyang kuwarto.

Malakas ang loob niyang tumambay sa Coffee Corner dahil kaibigan niya ang may-ari na si Jelai at alam niyang hindi siya palalayasin kahit magtagal doon.

Nang maisulat ni Roni ang salitang "wakas" ay kontentong sumandal siya sa kinauupuan at ininom ang kapeng lumamig na dahil hindi niya nagalaw mula nang maupo siya. Ayaw naman niyang masayang ang kape kaya ininom pa rin niya.

"Ay, shet, ang lamig!" reklamo ni Roni. Inisang lagok na niya ang natirang kape at hindi napigilang mapangiwi nang malasahan iyon. "Ang lamig na, ang pait pa."

Pag-angat ni Roni ng tingin ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang isang nakakunot-noong lalaki. Hindi pamilyar ang lalaki kaya malamang ay hindi ito sa village nila nakatira.

Napakunot-noo rin tuloy si Roni. Ano'ng problema nito? Nawala lang ang atensiyon niya sa lalaki nang lapitan siya ni Jelai. Nakiusyoso si Jelai sa katatapos lang niyang nobela.

"Aba, Roni, tapos na pala ang isinusulat mo. Magkakapera ka na naman. Iyong porsiyento ko, ha? Ten percent dahil ang coffee shop ko ang ginamit mong inspirasyon para matapos iyan," ani Jelai.

"Pati ba naman ang kakarampot na kita ko, pag-iinteresan mo pa?"

"Aba, business is business."

"Ewan ko sa yo. Pahingi na lang ng mocha frappe at kahit anong cake diyan. Nagrereklamo na ang taste buds ko dahil sa pagkapait-pait mong kape."

"Hoy, huwag mong sisihin ang kape ko. Kasalanan mo iyan dahil hindi mo ininom agad." Tinawag ni Jelai ang isa sa mga crew at pinakuha ng order niya. "Doble ang bayad no'n dahil nilait mo pa ang kape ko."

Ngising-aso lang ang ibinigay ni Roni kay Jelai habang shina-shutdown ang kanyang netbook. Aksidenteng nagawi uli ang tingin ni Roni sa lalaking masama ang tingin sa kanya kanina. May iba nang pinagkakaabalahan ang lalaki dahil nakasubsob na ang mukha sa pagsusulat ng kung ano. Pasimpleng niyang siniko si Jelai at nginuso ang lalaki.

"Sino yon?" tanong niya sa kaibigan.

Tiningnan ni Jelai ang lalaking tinutukoy ni Roni. "That's Borj. Bagong lipat lang siya rito sa village natin noong nakaraang linggo. Nagkakampo ka kasi sa bahay mo kaya wala kang kaalam-alam sa mga nangyayari sa village natin. Bakit? Type mo? Uuuy!"

"Sira. Ang sama kasi ng tingin niya sa akin kanina, eh."

"Baka napangitan sa yo," natatawang kantiyaw ni Jelai.

"Hoy, Jelai! Maganda ako! Sabunutan kita riyan, eh"

Napahalakhak si Jelai. "Baka Akala niya, alien ka. Mukha ka kasing pinagtaksilan ng panahon ngayon, sis! Gosh! Ni hindi ka man lang nagsuklay."

"Masyado akong busy sa pagsusulat kaya wala na akong panahon para asikasuhin ang hitsura ko."

"Na-culture shock siguro nang makita ka niya. Yong mga matagal mo na kasing kapitbahay lang na kagaya namin ang nakaka-tolerate sa kakaiba mong trip sa buhay."

"Ewan ko sa yo."

Dumating na ang in-order ni Roni na mocha frappe at cake kaya iyon na ang pinagtuunan niya ng pansin. Ngayong kaharap na ang pagkain ay saka lang niya naalala na hindi pa siya kumakain mula pa kaninang umaga. Alas-tres na ng hapon kaya hindi kataka-takang nagrereklamo na ang kanyang tiyan. Natuon kasi ang buong atensyon niya sa pagsusulat kaya nakalimutan niya ang kumain man lang.

Charmed By YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon