NAKATITIG lang si Roni sa monitor ng computer. Halos tatlong oras na siyang nakikipagtitigan sa nakabukas na Microsoft Word pero malinis pa rin iyon at bukod sa mga salitang "Chapter One" ay wala na siyang iba pang nailagay. Lately, napapansin niyang wala na siyang ganang magsulat. Mas gusto pa niyang tumunganga na lang at isipin si Borj maghapon at magdamag nang walang noon break.
Speaking of that guy, mula nang mag-date sila sa Akira's Kitchen ay hindi na uli niya nakita si Borj. It had been a week since then. Paminsan-minsan ay lumalabas siya ng bahay at dumaraan intentionally sa tapat ng bahay ng lalaki sa pagbabaka-sakaling makita pero lagi siyang bigo. Natuto na rin siyang mag-jogging kahit na hindi iyon ginagawa dahil baka aksidente niyang makita ang binata. Nami-miss na kasi niya si Borj at gusto niyang makita uli kahit isang beses lang.
Ayon sa mga tsismis na naririnig niya ay lagi raw wala si Borj sa village nila. No wonder hindi makita ni Roni. She missed him so much. Kahit kasi tinanggap na niya ang katotohanang hindi sila puwede, gusto pa rin niyang nakikita ang binata.
"Ni hindi nga niya natupad ang usapan naming bibigyan niya ako ng free meal for two weeks," himutok niya. "Dumating na siguro ang girlfriend niya kasi lagi siyang busy." Sinabunutan ni Roni ang sarili. "Aaah! Hindi ko na kaya to! Mababaliw na ako!"
Pinatay niya ang computer at ipinasyang lumabas na lang ng bahay at pumunta sa Coffee Corner. At least doon ay may makakausap siya. Kapag hindi pa siya lumabas ng bahay, pakiramdam niya ay mababaliw na siya. She would just end up thinking of Borj over and over again. At hindi iyon maganda dahil lagi na siyang nawawala sa konsentrasyon. Wala siyang natatapos na nobela. Kinukulit na nga siya ng editor niya.
Nasa kalagitnaan na si Roni ng paglalakad nang makasalubong niya si Basti. May dalang bola ng basketball at idini-dribble habang naglalakad. Nang makita siya ay agad na ngumiti ang lalaki. Huminto nang magkatapat sila. "Uy, Roni! Long time no see, ah? Saan ka ba nagsusuot nitong mga nakaraang araw?"
"Nandito lang ako sa village lagi. Ikaw ang matagal na nawala," pagtatama ni Roni. Nabalitaan kasi niyang wala ang lalaki noong nakaraang linggo dahil may dinaluhang fashion show sa labas ng bansa. Isa si Basti sa mga naging model. "How was the fashion show?"
"Siyempre, successful!" pagyayabang ni Basti. "Ako ba naman ang kunin nilang model, eh. Expected na yon!"
Ngising aso lang ang ibinigay niya bago nagpatuloy sa paglalakad. Umagapay ang lalaki sa kanya kahit hindi naman sila pareho ng daan na dapat tahakin dahil papunta ang lalaki sa daang pinanggalingan niya.
"Saan ang punta mo?" Usisa ni Basti, patuloy pa rin sa paglalaro ng bola.
"Sa Coffee Corner."
"Bakit? Anong gagawin mo roon?" Humarang si Basti sa dinaraanan niya kahit napahinto na rin siya. "Wag ka nang pumunta roon. Maraming tao roon ngayon. Kung gusto mong mag-unwind, tuturuan na lang kitang mag-basketball. Mas okay iyon dahil bukod sa malilibang ka na, mae-exercise pa ang katawan mo."
"Hindi ako marunong mag-basketball," nakakunot-noong sagot niya.
"Kaya nga tuturuan kita, eh."
"Thanks for the offer, Basti," nagtatakang pagtanggi niya. Ano ba ang mayroon at naisipan ni Basti na yayain siya na mag-basketball? "But no thanks. Mas gusto kong kumain ngayon. I'm sure Jelai will make room for me kahit na maraming tao sa coffee shop niya."
"Pero pangit doon ngayon," hirit pa rin ng lalaki. "Hindi mo magugustuhan ang view. Pramis!"
"Ano ba kasi ang problema mo at pinipigilan mo akong pumunta sa Coffee Corner, ha?"
Napansin ni Roni na nandoon na rin sila kaya ipinasya niyang lampasan na lang si Basti pero tila itinulos siya sa kinatatayuan nang mapatingin sa loob ng coffee shop. Finally, after a week, muli rin niyang nakita ang mukha ng lalaking hindi nagpatahimik sa kanyang isipan.
BINABASA MO ANG
Charmed By You
RomanceSi Roni ay isang romance writer na walang panahon sa sariling love life. Pero ginising ni Borj ang natutulog niyang puso. Hindi man naging maganda ang una nilang pagkikita, nagkasagutan sila at muntik na niyang maisama ang lalaki sa listahan ng mga...