Chapter 9: Flaming Heart

4 2 0
                                    

P U L A

Hindi ako halos makapaniwala nang ibalita sa'kin nina Kahel ang nakita nila kanina. Halos lumutang na ang mga paa ko papunta lamang sa tinuro nilang lugar kung saan nila siya nakita.

Hindi. Hindi ako makapaniwala.

Nakita na rin namin siya.

"Dali guys! Baka hindi na natin siya maabutan!" sigaw ni Lila habang tumatakbo na kami papunta kay Puti.

Sinundo nila kaming tatlo nina Asul at Itim doon sa Kahon para lang sabihin na nakita na nila si Puti. At naiwan naman sa kaniya roon 'yung dalawa ni Dilaw at Berde para bantayan siya.

Pagkarating namin sa lugar na sinasabi nila, mabilis na hinanap ng mga mata ko ang presensya ni Puti. Nilingon ko ang lahat ng dako, nagbabakasakaling naroroon sila.

"Asan sila??" tanong ko kila Kahel.

"Hindi ko rin alam, basta diyan namin sila iniwan kanina eh. Nakaupo pa no'n si Puti sa gater ng kalsada."

"Eh asan na sila ngayon??" takang tanong ko. Napasabunot ako sa buhok.

Mayamaya lang, bigla na lang nahagip ng aming paningin ang humahangos ngayong si Berde palapit sa direksyon namin. Lahat kami napatingin rito.

"Oh, Berde! Sila Puti nasa'n??" kaagad na tanong ko rito pagkalapit nito.

Humugot naman muna siya ng hininga bago kami tuluyang sagutin.

"Tumakbo siya. Hindi ko siya naabutan, pero si Dilaw, oo. Nando'n sila ngayon sa may eskinita malapit sa Botika. Dalian natin, kailangan tayo ngayon ni Dilaw!"

Pagkasabi no'n ni Berde, mabilis na nagsitakbuhan kami papunta sa lugar na tinutukoy niya. Wala na kaming paki kung may makakita pa man sa'ming tao basta ang mahalaga lang sa'min sa ngayon ay ang maabutan namin si Puti bago pa man ito tuluyang makatakas palayo.

Inabot rin ng mahigit-kumulang limang minuto ang pagtakbo namin bago kami tuluyang nakarating roon.

At nang makaapak na kami sa mismong lugar na sinasabi ni Berde, kaagad na bumungad sa'min ang dalawang krayola sa 'di kalayuan na tila nagsasagutan.

Mabilis na nalukot ang noo ko pagkakita ko sa kanila. Lalong-lalo na kay Puti.

Pero hindi na siya kulay puti ngayon, kung tutuusin. Kulay itim na siya.

Lumapit kami sa kanila at narinig namin ang usapan nila.

"Ano ba! Pakawalan mo nga 'ko! Bakit ba nandirito kayo?! 'Di ba sinabi ko naman na sa inyong hayaan niyo na ako sa buhay ko?! Buhay ko 'to, at wala kayong pakialam kung ano man ang gawin ko rito!"

"Pero Puti, kaibigan ka namin. Hindi ka namin basta-basta na lang susukuan. Mahalaga ka sa'min at may pakialam kami sa anumang nangyayari sa buhay mo."

"Hindi ko kayo kaibigan!! At noon pa man, wala na akong itinuturing na kaibigan! Mula ng hayaan niyo akong maghirap dahil kay Nene, hindi ko na kayo itinuring na mga kaibigan! Inalis ko na kayo sa puso ko at binura ko na kayo sa buhay ko!!"

Akmang itutulak na sana ni Puti si Dilaw ngunit mabilis na pumasok na kami sa eksena.

"PUTI!!" sigaw ko para pigilan siya sa gagawin niya. Kaagad na napatingin naman siya sa kinatatayuan ko at ganoon na din sa mga kasama ko na nasa likuran ko.

"Please, itigil mo na lahat ng 'to... nagmamakaawa kami," pagsusumamo ko habang nakatitig sa galit na galit na mga mata niya.

Medyo napangisi naman siya pagkarinig ng sinabi ko. Tumawa siya ng mahina. "Itigil? Huh. Walang ibang dapat tumigil rito kung hindi kayo!" sigaw niya habang nakikipagtagisan ng titig sa'kin. "Itigil niyo na ang paghahanap niyo sa'kin! Ang pagpapakapagod niyo para lang sa'kin! At lalong-lalo na ang pagmamakaawa sa'kin para lang makabalik, dahil una sa lahat, wala na'kong babalikan!! Sirang-sira na'ko. Wasak na wasak na'ko. Kitang-kita niyo naman ngayon sa itsura ko. Hindi na'ko 'yung dating Puti na nakilala niyo. Ibang-iba na'ko. Kaya pwede ba? Tumigil na kayo!? Wala na kayong mapapala pa sa'kin. Wala na kayong mapapakinabang pa sa'kin. Isa na lamang akong hamak na basura na naghihintay na lamang na itapon at sunugin!!"

Operation: Ibalik si Puti sa mga Krayola ni Nene [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon