P U T I
"Three things will last forever-faith, hope, and love-and the greatest of these is love. 1 Corinthians 13:13"Iyan ang nabasa ko sa jeep na nasakyan ko noon papunta rito sa Buencamino. Hindi ko alam kung bakit napangiti ako ng mapait pagkabasa ko niyon. Hindi ko maiwasang masaktan.
Love? Ano nga ba ang love? Bakit sa lahat ng bagay sa mundo, ito ang siyang pinaka-tinuturing na pinaka-dakila sa lahat?
Saan matatagpuan 'yun? Paano nakukuha 'yun? Pupwede bang mabili iyon?
Hindi ko kailanman nalaman ang pakiramdam na minamahal ka. Hindi ko alam kung masarap ba sa pakiramdam iyon o sakto lang. Dahil kahit kailan, wala namang nagparamdam sa'kin no'n eh.
Minsan, napapaisip ako, kaya ba hindi ko makuha ang bagay na 'yun ay dahil hindi talaga ako karapat-dapat para roon? Pero ano namang rason? Krayola din naman ako kagaya ng mga kasama ko sa Crayon Box ah. Pero bakit sila nabibigyan no'n habang ako hindi?
Minsan hindi ko maiwasang kwestyunin ang sarili ko kung bakit ba ako naging ganito. Kinamuhian ko ang sariling kulay ko dahil ito ang dahilan kung bakit hindi ako makita ni Nene at ng iba pang tao.
Oo, kulay puti nga ako. Pero hindi iyon ang nakikita ko sa sarili ko eh. Dahil kahit gaano pa man ako kaliwanag sa mga mata ng lahat, pakiramdam ko daig ko pa si Itim dahil sa aming dalawa, ako pa rin 'yung mas hindi nakikita.
Pinilit kong mahalin ang sarili ko. Pinilit kong tingnan ang maganda sa sarili ko. Pero ang hirap pala kapag mismong sarili mo ay ayaw rin sa'yo. Ang hirap ibigay ng isang bagay na una sa lahat, hindi mo pa naman natatanggap.
Ang hirap mahalin ng sarili dahil ni minsan, hindi ko pa naranasang mahalin.
Kaya eto, sinubukan kong maglayas. Dahil nagbabakasakali akong sa paglalayas ko ay mahahanap ko ang isang tao na magpaparamdam sa'kin ng bagay na hinahanap ko.
Iniwanan ko ang mga kasamahan ko sa Crayon Box. Lumabas ako ng bahay sa unang pagkakataon nang hindi kasama si Nene. Napadpad ako sa maisan hanggang sa makita ko ang isang Waiting Shed sa dulo no'n na hinihintuan ng mga sasakyan na patungo sa bayan ng Buencamino.
No'ng una, nagdadalawang isip pa'ko kung tutuloy ba'ko sa pagsakay, dahil inaamin ko, natatakot rin ako. Natatakot akong lisanin ang lugar na kinalakihan ko. Pero sa puntong muling maalala ko ang dahilan ng pag-alis ko, agad din akong nakapagdesisyon. Aalis na ako sa Baryo Helena upang hanapin ang taong magmamahal sa'kin doon sa Buencamino.
At nangyari nga. Nahanap ko siya. Napulot niya 'ko sa gitna ng kalye habang suot-suot ang malawak na ngiti niya. Akala ko noon, nagtagumpay na'ko sa paghahanap ko. Akala ko noon, tama talaga ang desisyong pag-alis ko.
Pero... maling akala lang pala ang lahat ng iyon.
Sa una lang niya 'ko minahal. Sa una lang niya 'ko nagustuhan. Sa una lang niya 'ko pinahalagahan. Dahil matapos niyang malaman na kakaiba ako mula sa lahat ng krayolang meron siya, kaagad din niya akong pinagsawaan at basta itinapon na lang.
Sobrang sakit. Mas masakit pa sa pinamukha noon sa'kin ni Nene. Umalis ako ng bahay nila nang wala man lang kasaplot-saplot at puno ng grasa sa katawan. Halos wala na'kong luhang mai-iyak pa dahil tila naubos ko na iyon noon pa.
BINABASA MO ANG
Operation: Ibalik si Puti sa mga Krayola ni Nene [COMPLETED]
FantasySi Nene ay may sampung krayola. Ngunit may isang naiiba sa kanila... Si Puti. Pakiramdam niya ay wala siyang silbi at halaga dahil kailanman ay hindi pa siya ginamit ni Nene upang kulayan ang mga guhit niya. Kaya naman itong si Puti ay naglayas; sa...