02: Danger in Dumpthon

133 12 0
                                    

Kinabukasan ay maagang nagising si Rael at tumungo sa silid ng kanyang mga magulang, nang nakita niya na wala na ang mga ito ay hindi s'ya nagtangkang pumasok sapagkat iyon ang turo sa kanya ng kanyang ina na si Aloisa.

Matapos niyang mag agahan ng nilagang saging ay nagtungo siya sa kanilang bakuran at doon ay nadatnan niya ang kanyang ama na nagbubungkal ng lupa upang tamnan ng mga halamang gamot at gulay na maibebenta nila sa panahon ng pag ani.

Kumuha ng mga gamit si Rael sa kanilang bodega upang tulungan ang ama sa kanyang gawain dahil hangga't maaari ay ayaw niya itong nakikitang nahihirapan.

"Anong ginagawa mo?" nakakunot ang noo ni Deros nang nakita n'ya si Rael na may dala dalang gamit pambungkal.

"Gusto ko po tumulong Papa, para naman kahit paano gumaan ang trabaho ninyo ni Mama at hindi kayo mahirapan." nakangiting sagot ni Rael sa kanyang ama habang tinutupi ang mahabang manggas ng kanyang kasuotan.

Ngumiti si Deros at nagpasalamat siya kay Bathala na biniyayaan s'ya ng mabubuting anak kahit pa nasa murang edad ang mga ito ay may pagnanais silang tumulong sa kanilang pamilya. Kinuha niya ang gamit pambungkal kay Rael bago pa magsimula ang bata.

"Pa!" reklamo ni Rael sa ama.

"Maglaro ka na lamang doon anak, responsibilidad ko ang tustusan ang pangangailangan natin bilang ama, kahit nahihirapan tayo ay hindi ako papayag na kayong mga anak ko ang umagaw ng tungkulin na dapat ay sa akin." sagot lamang ni Deros kay Rael. Alam niya na kabutihan lamang ang nais ni Rael at layon nito na gumaan ang trabaho niya subalit hindi s'ya papayag na iyon ang maging dahilan upang hindi na sulitin ng anak niya ang pagkabata nito at maubos ang oras ni Rael sa pagtulong sa gawain.

"Sige na maglaro ka na sa labas, huwag kang mag alala sa akin kayang kaya ito ng Papa mo." pagtataboy niya sa anak.

Walang nagawa si Rael kundi ang sumunod sa ama at nagkakamot siyang lumabas ng kanilang bakuran.

"Rael!" isang batang lalake ang tumawag sa kanya sa paglabas niya sa bakuran, may galos ang mga binti nito at magulo ang mga nakatayong buhok.

"Lupin!" nakangiting sinalubong ni Rael ang bata hanggang sa magkalapit na sila. "Kamusta ang pangangaso ninyo kahapon ni Tito Degape?" tanong niya sa kaibigan.

Si Lupin ay pinsan ni Rael at nakababatang kapatid ng kanyang ama na si Deros ang ama ni Lupin. Kung ikukumpara sa antas ng pamumuhay nila ay masasabing bahagyang nakaka angat sina Lupin. Mas maayos ang damit ni Lupin at kung minsan ay nabibigyan si Rael ng kanyang tiyuhin ng mga damit kung nakakaluwag luwag ang mga ito.

"Hehe, ayos naman. Kahit nakakapagod, malalaki ang huli naming usa at naka tatlo kami kaya medyo marami ang karneng naibenta." sagot ni Lupin sa pinsan na kanyang kasing edad. Isang supot ng karne ang iniabot niya kay Rael na ikinasiya naman ng bata.

Matapos ipaalam kay Deros ang karneng ibinigay ni Lupin ay itinago muna nila ito sa kusina at naupo sila sa upuan na gawa sa kawayan na malapit sa kanilang bintana.

"Dinig ko inaway ka na naman daw ni Duvan?" tanong ni Lupin kay Rael nang makaupo na sila.

"Oo, hindi talaga ako tinitigilan ni Duvan kahit anong iwas ang gawin ko, kaya namam ikaw mag iingat ka." babala niya sa pinsan. Alam kasi nilang pareho na sila ang palaging aawayin ni Duvan dahil sa pagkakaroon nila ng dugo ng kanilang ninunong si Odin.

"Kamusta naman ang ipon natin para sa Yggdrasil?" pasikretong tanong ni Lupin nang masiguro niya na sila lang dalawa ang nag uusap sa loob ng tahanan, kasama ni Rian ang kanyang ina na naglalaba sa sapa.

"Wag ka mag alala, nasa ligtas na lugar ang alkansya sa aking baul sa ilalim ng higaan ko nakatago." sagot lamang ni Rael kay Lupin.

Napagkasunduan ng dalawang bata na sa halip na ubusin ang kanilang oras sa paglalaro ay mas mabuti kung gamitin na lamang iyon upang kumita ng salapi, kung minsan ay pasikreto silang tumutungo sa gubat at sa kweba na malapit sa kanilang bayan upang kumuha ng ilang ligaw na halamang gamot at mga itlog ng iba't ibang hayop upang maibenta ni Lupin sa pamilihan kapag sinasama siya ng kanyang ama. Ang salaping maiipon nila ay gagamitin nila upang may pantustos sila sa kanilang pag aaral para sa Yggdrasil.

Grimoire: After LegendsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon