Tatlong buwan na ang mabilis na lumipas simula nang muling isilang si Rael. Nasa pito hanggang siyam na oras na lamang naglalaro ang haba ng oras ng kanyang pagtulog hindi katulad ng mga nagdaang buwan. Bagama't hindi pa rin niya nagagawang magsalita ay nakikita naman sa kanyang mata na kaya na niyang makipagkomunikasyon sa mga ito.
Sa pagsapit niya ng ikatlong buwan ay tila nagkaroon na ng mga bagong tagasilbi ang reyna. Nakikita ni Rael ang takot sa mga mata ng mga dating tagasilbi sa kanya sa tuwing binibigyan nila ng lason ang prinsipe dahil alam ng mga taga silbing ito na alam ni Rael ang kanilang ginagawa sa kanya.
“Riel, anak ko.” tawag ni Reyna Brianna sa kanya at kaagad namang inilapit ng taga silbi si Rael sa kanya. Marahang kinarga ni Reyna Brianna si Rael at isinungaw niya sa bintana kung saan muling nakita ni Rael ang maliit na bahagi ng hardin ng palasyo.
‘Napakalaking lugar’ isip ni Rael habang minamasdan ang mga luntiang bulaklak ng hardin sa ibaba ng palasyo. Maraming magaganda at iba't ibang kulay ng mga bulaklak ang hardin at tunay ngang nanaisin mong maglaro sa ganitong klase ng hardin. Subalit ang kagandahan ng paligid ay tila kulang para sa kanya sapagkat magpasahanggang ngayon ay patuloy parin na sumasagi sa kanyang isipan ang kanyang pamilya sa Dumphton.
“Riel, anak. Sa umagang ito makikilala mo na ang iyong mga kapatid.” iniharap ni Reyna Brianna sa kanya ang tatlong buwang gulang na si Rael. “Gusto mo ba silang makikilala?” nakangiting tanong pa nito sa kanya.
Mula sa kwento ng mga tagasilbi, mga pagpupulong ng ilang mga tao sa kanilang silid at maging ang pag-uusap ng kanyang inang reyna at amang hari na naririnig ni Rael sa mga nakalipas na tatlong buwan ay sapat na upang malaman niyang hindi sila ang maituturing niyang buong kapatid sapagkat si Reyna Brianna ay ang ikatlong asawa ni Haring Sebastian at nagkaroon din ng mga anak ang hari bago pa naging mag-asawa ang kanyang mga magulang.
Tumango lamang si Rael sa kanyang ina bilang pagtugon nito sa kanyang tanong. Hindi na nagulat ang reyna sa pagtango ng anak sapagkat may makailang ulit na niyang ginagawa. Maging siya ay hindi niya masiguro kung tunay nga ba na nakakaintindi na ang kanyang anak sa kanyang mga sinasabi rito. Karga kargang naglakad si Reyna Brianna sa pasilyo habang patuloy namang pinagmamasdan ni Rael ang kanyang paligid sapagkat ito ang unang pagkakataon na inilabas siya ng kanyang ina.
_______________________________
Sa isang bahagi ng hardin ay mayroong tatlong batang makikita na nakaupo sa isang pilak na mesa kung saan mayroong iba't-ibang pagkain ang nakahain sa hapag. Ang tatlong anak ni Haring Sebastian Orani ay tahimik lamang na naghihintay sa pagdating ng bagong reyna na si Brianna Barclay.
Napakaraming paru-paro sa paligid at naggagandahang bulaklak na mahahalimuyak ngunit hindi ito alintana ng mga tao sa paligid. Kasama ang ilang tagasilbi ng tatlong bata ay tahimik din sila na naghihintay sa kung ano man ang iuutos ng kanilang mga pinagsisilbihang prinsesa at prinsipe.
May makailang beses nang itinotoktok ni Savanna Orani ang kanyang daliri sa ibabaw ng pilak na mesa habang maya't-maya siyang umiinom ng tsaa na inihain sa kanila. Maraming mga matatamis na pagkain ang nasa hapag na tatakamin ang iyong paningin ngunit ang halos lahat ng nakahain ay hindi naman nababawasan ng tatlong batang nakaupo sa pilak na mesa.
“Napakatagal.” reklamo ni Savanna, ang unang prinsesa ng Orani. Malayang nilalaro ng dumaang hangin ang kanyang itim na buhok na kitang kita naman ang pagiging makintab at maayos na pangangalaga nito. Si Savanna ng panganay ni Haring Sebastian at kasalukuyang nasa sampung taong gulang.
“Ate, maglalaro na ba tayo?” tanong ni Aves sa kapatid habang tumutulo ang laway nito. Kaagad naman na pinahiran ng isang tagasilbi ang bibig ng prinsipe habang tila umiiling iling si Abes na nilingon ang kanyang ate. “gusto ko nang maglaro.” turan nito na bahagyang hinila ang kulay abong buhok na namana niya kay Haring Sebastian.
BINABASA MO ANG
Grimoire: After Legends
FantasiaIsang taksil sa kaharian ng Alvarez, ito ang pagkakakilala sa ninuno ni Rael na si Odin at sa buong pamilya ng Ambrose. Ngunit sa kabila ng lahat ng hindi magandang pagkilala sa kanila at mahirap na pamumuhay na sinapit nila dahil sa ginawa ng kanil...