Natapos ang unang araw ng leksyon ni Magus Reignmar at magtatakipsilim na nang makabalik sa kanyang silid si Rael. Bagama't may pagkakataon na kailangan ng kanyang batang katawan ang magpahinga ay binibigyan siya nito ng pahinga ng isang oras kasama si Fellid ay naging maayos naman ang lahat para sa unang araw ng pagtuturo nito.
Hindi makapaniwala si Rael sa isang importanteng impormasyon na ibinahagi sa kanya ng magus. Ang Yggdrasil ay isang akademya ng mga magi na tumatanggap ng mga batang mayroong potensyal, hindi ito maaaring kontrolin kailanman ng kahit anong kaharian sa Atlas sapagkat maging ang mga hari ay sumusunod sa kung ano ang nais ng Yggdrasil. Subalit sa kabila ng lahat ng ito, ang Yggdrasil ay tila hindi intersado sa kahit na anong kaharian ng Atlas at tila ito mayroong ibang mundo.
Si Magus Reignmar, bagama't nagmula sa Yggdrasil ay isa lamang sa mga napakaraming naging mag-aaral nito na kusang itinigil ang pag-aaral sa loob ng akademya dahil sa sobrang karahasan ang nagaganap dito. Maituturing man siyang makapangyarihan na magus ng Orani ay para lamang siyang isang insekto kung ihahambing siya sa napakaraming magi na naroroon at naghahangad ng kapangyarihan na higit pa sa kung ano ang mayroon sa labas ng Yggdrasil.
“Ang mga kayamanan at kapangyarihan ng bawat kaharian sa labas ng Yggdrasil ay basura para sa maraming magi ng akademya.”
Ito ang salitang naiwan sa isipan ni Rael na binanggit ni Magus Reignmar. Hindi man ito maintindihan ni Rael ay nalalaman niyang may napakalaking sikreto ngang itinatago ang akademya.
Nagpakawala na lang ng malalim na paghinga si Rael habang nakahiga sa kanyang kama habang tahimik lamang na inaasikaso siya ng isang tagasilbi.
“N-Novish, Mat-tel, Glan.Mat-tel, King, Empe.lol...” wala sa loob na nabanggit ni Rael habang nililinisan siya ng tagasilbi.
“Kamahalan, ang binabanggit mo ba ay ang mga rank?” malumanay na tanong nito kay Rael.
“Alam. M-Mo?” utal na tanong niya sa kanyang taga silbi na tumango naman.
“Novice, Master, Grandmaster, King at Emperor...” pagsisimula ng tagasilbi. “Ang mahal na hari at ang reyna ay sinasabing nasa Master rank, habang ang magus naman ay may mataas na porsyento ng mana particles.”
Ting!
‘Nahahati ang bawat rank ng isang magus sa iba't-ibang antas o level.’Singit ng Athena's mind kay Rael. Inuulit lamang nito ang impormasyon na nakuha niya mula kay Magus Reignmar.
‘Para sa novice rank,nahahati ito sa tatlong level. Level one hanggang level three. Matutukoy ang isang nilalang na nasa level one kapag nakikita o nararamdaman na nito ang mana sa paligid. Tinatawag ang level na ito bilang Mana awareness stage. Ang level two naman ay tinatawag na Mana absorption stage kung saan ang mga mana na nasa paligid ay hihigupin at aangkinin bilang sariling mana na siyang pinaka-karaniwang ginagawa ng maraming mga magi. Ang ikatlo naman ay ang Mana pool creation stage. Isang napakaimportanteng level para sa mga novice dahil sa ang paggawa ng mana pool ay ang magtatakda kung ano ang magiging kinabukasan mo sa larangan ng salamangka.”
‘Masasabi mo na ba kung nasa anong level na ako, Athena?’ tanong ni Rael sa kanya.
Ting!
‘Ayon sa pangunahing impormasyon na nakalap, ikaw ay kasalakuyang nasa level one ng pagiging novice.’
Tapat na sagot ni Athena.‘Level one. Mana awareness stage.’ ipinikit ni Rael ang kanyang mga mata habang patuloy lang sa paglilinis ng tagasilbi sa kanyang katawan. ‘Paano mabilis na mapapaunlad ang aking sarili sa ganitong antas at nang makarating kaagad sa susunod na level?’ tanong pa nitong muli kay Athena.
![](https://img.wattpad.com/cover/348691490-288-k71065.jpg)
BINABASA MO ANG
Grimoire: After Legends
FantasíaIsang taksil sa kaharian ng Alvarez, ito ang pagkakakilala sa ninuno ni Rael na si Odin at sa buong pamilya ng Ambrose. Ngunit sa kabila ng lahat ng hindi magandang pagkilala sa kanila at mahirap na pamumuhay na sinapit nila dahil sa ginawa ng kanil...