Ang Atlas ay isa sa sampung kontinente ng buong daigdig. Kung saan ito ang pinakamalapit sa isa sa pinagbabawal na kontinente na Sierra del Mar.
Bahagi ang kaharian ng Orani sa kontinente ng Atlas, at ito rin ay isa sa mga kilalang kaharian ng Atlas kung saan naman nahahati ito sa limang rehiyon. Ang Ulster sa hilaga, Leinster sa silangan, Munster sa timog, Connacht sa kanluran at Meath bilang sentrong rehiyon.
Nasa gawing dulong silangan ang kaharian ng Orani at Alvarez sa rehiyon ng Leinster at pinaghahatian nila ang baybayin ng dagat na pinakamalapit sa Sierra del Mar.
Dahil ang rehiyon ng Leinster ang pinkamalapit na anyong lupa sa Sierra del Mar ay mayroong mga pagkakataon na isinasama sa mga impormasyon ng mga aklat na ang Sierra del Mar ay isang bulubundukin na bahagi ng Atlas, subalit tanging ang mga may sapat na impormasyon lamang ang nakakaalam sa tunay na sitwasyon sa pagitan ng Sierra del Mar at ng Atlas.
Bagama't natatanaw ang Sierra del Mar sa kaharian ng Alvarez at ng Orani ay wala pang nakikilalang nilalang ang sinasabing nakarating na at nakabalik mula sa Sierra del Mar sapagkat ang sinasabing bulubunduking ito ay puno ng misteryo na iilan lamang ang nakakabatid.
-----------------------------------------------------
Isang linggo nang walang malay at patuloy lamang na natutulog si Rael sa kanyang higaan. Ang mga sundalo ng palasyo ay hindi rin nawawala sa labas ng pintuan ng kanyang silid at patuloy na nagmamatyag sa kung ano pa mang panganib ang maaaring dumating sa prinsipe.
Si reyna Brianna naman ay halos hindi na rin umalis sa tabi ng kanyang anak habang nananatili sa ganitong kalagayan si Rael. Minsan nang bumalik sa alaala niya ang pagdalaw ng anak sa silid ngunit ipinagkibit balikat lamang niya ito sapagkat tiwala siyang mapapangalagaan ang anak habang nasa loob ng palasyo.
Dahil sa talento na ipinakita ni Rael nakalimutan niya na ang problema sa politika. Subalit sino nga ba ang salarin sa ganitong sitwasyon? Habang pinagmamasdan niya ang anak ay hindi maiwasang mapuno ang kanyang kalooban ng galit sa mga nasa likod ng pagtatangkang ito.
Isang mahinang pagkatok mula sa labas ng pinto ng silid ang pumutol sa malalim na pag-iisip niya at mula roon ay pumasok ang isang manggagamot. Kulay puti ang kulay ng kasuotan nito at natatakpan ng kulay puting maskara ang kanyang ilong at bibig at tanging mata lamang nito ang nakikita. Mula sa kaliwang dibdib nito ay may numero na nakasulat bilang pagkakakilanlan nila bilang manggagamot.
“Hindi pa rin siya nagkakaroon ng malay.” pagbibigay niya ng kasalukuyang kalagayan ni Rael.
Magalang na yumukod ang manggagamot saka ito naglakad palapit sa kama ni Rael at saka nito inilahad ang kanyang kamay. Pinadaloy niya ang mana mula sa kanyang katawan at tumungo ito kay Rael.----------------------------------------------------
Sa isang bulwagan kung saan naroon ang trono ng hari ay halatang hindi pa rin mapakali si haring Sebastian sa kaganapan na sinapit ng kanyang bunsong anak na si Ariel. May mga pagkakataon na sinisisi niya ang kanyang sarili sa pagpapabaya niya sa seguridad ng mga anak sa pagiging kampante nito na nananatili ito sa palasyo at maraming sundalong bantay sa bawat sulok nito.Ngunit dahil sa kaganapang ito ay muling ipinaalala niya sa kanyang sarili na maliban sa pagiging hari ay isa siyang ama na mayroong responsibilidad na pangalagaan ang kanyang pamilya. Hindi na niya hahayaan sa pagkakataong ito na maulit pa ang ganitong pangyayari kung kaya inatasan niya ang kanyang heneral na magkaroon ang bawat prinsipe ng dalawang tagapagbantay na nasa mataas ang paglilinang sa mana.
“Kamahalan.” tawag ni Duke Marion upang kunin ang atensyon ng hari. Kasalukuyang nasa bulwagan ang buong konseho kasama si magus Reignmar para sa isang pagpupulong kung saan hinihintay ng lahat ang sasabihin ng hari.

BINABASA MO ANG
Grimoire: After Legends
FantastikIsang taksil sa kaharian ng Alvarez, ito ang pagkakakilala sa ninuno ni Rael na si Odin at sa buong pamilya ng Ambrose. Ngunit sa kabila ng lahat ng hindi magandang pagkilala sa kanila at mahirap na pamumuhay na sinapit nila dahil sa ginawa ng kanil...