ESCAPED 7

52 4 0
                                    

Chapter 7

Dayanara’s POV

Mabilis na kumalat ang balita. Naging usap-usapan sa bayan namin ang nangyari sa birthday ni Mayor Araneta. Halos lahat ay nagpapaabot ng pagbati rito, pati na rin sa akin. Para tuloy naging extended ang selebrasyon ng kaarawan niya.

Hindi rin iyon nakalagpas sa kaalaman ni Lola Natty, dahil si Mayor Araneta mismo ang kumausap dito noong ihatid niya ako. Nagpaalam din itong pormal na mamanhikan sa amin sa susunod na Linggo. Walang nagawa ang lola ko kundi ang sumang-ayon sa kaniya. Kahit nga ako ay hindi rin makatanggi. Iniisip ko na lang na tama ang desisyon kong iyon. Tutal, matagal ko na rin namang crush si Mayor. At alam ko namang hindi siya mahirap mahalin. Lahat ng magagandang katangian ng isang lalaki ay tinataglay niya, kaya wala na akong dapat na ikabahala pa.

“Apo,” tawag sa akin ni Lola Natty. Kasalukuyan akong nakaupo sa ilalim ng punong mangga at nagpapahangin.

“Po?”

Lumapit siya sa akin at naupo sa tabi ko. “Ikaw ba talaga ay sigurado na sa desisyon mo?” tanong niya.

Pailang beses na ba niya iyong itinanong sa akin? Hindi ko na matandaan.

Kinuha ko ang palad niya at bahagyang pinisil iyon. “Opo, ’La. Bakit ho? Nag-aalala pa rin ho ba kayo? ’Di ba sabi ko sa inyo na hindi ko kayo iiwanan dito?”

Humugot ito ng malalim na paghinga. “Pero hindi ba pagkakabilis naman yata ng lahat? Hindi mo pa siya nasasagot para maging nobyo mo, tapos inaya ka na agad magpakasal?”

Ako naman ang napabuntonghininga. Lahat ng mga alalahanin sa isip ko nitong mga nakaraang araw ay ipinunto na niya. Kaya hindi ko mapigilang mapaisip muli kung tama nga ba ang naging desisyon ko. May bahagi ko ang hindi matahimik at nagpakakaba sa dibdib ko. Isang bagay na hindi ko maipaliwanag.

Iniisip ko na lang na dala iyon ng labis-labis na kabiglaan ko sa mga nangyayari. Dahil sino nga bang mag-aakala na sa isang iglap ay magiging asawa ko na si Mayor Araneta? Kahit nga yata bata magugulat, eh.

“Dayan, hindi naman sa kinokontra kita sa desisyong mong ito, pero hindi mo naman maiaalis sa akin ang mag-isip. Sana, kinilala mo muna siya nang husto, bago ka umabot sa ganitong desisyon,” muli ay si Lola Natty.

Kiming ngumiti ako sa kaniya. “Pero alam mo naman, ’La, na crush ko na si Mayor noon pa man. T’saka hindi pa ba sapat na mabuting tao siya? Hindi naman siguro siya iboboto ng mga kababayan natin kung hindi,” sagot ko.

Sandali siyang nawalan ng imik. Pagkuwa’y pinakatitigan niya akong mabuti na aking ikinapagtaka. “Maraming bagay ang nadadaan sa mabulaklak na salita, apo. Oo nga at alam kong crush mo siya. Pero hindi pa rin sapat na basehan iyon para magpakasal ka nang ura-urada sa kaniya.”

Nagsalubong ang aking mga kilay. “Ano hong ibig ninyong sabihin?”

“Basta, apo. Ang masasabi ko lang, pag-isipan mo pang mabuti ito, bago pa dumating ang araw ng pamamanhikan.” Tumayo na siya pagkasabi niyon at muling pumasok sa loob ng aming bahay.

Sinundan ko siya ng nagtataka pa ring tingin. Bakit ba may pakiramdam akong may hindi sinasabi sa akin si Lola Natty? Para bang aayaw niyang makasal ako kay Mayor. At sa timbre ng tinig niya, palagay ko’y kilalang-kilala niya si Mayor Araneta. Kagaya rin iyon noong nagpunta sa amin ni Ethan. May gusto siyang sabihin pero hindi niya masabi-sabi at nahihiwagaan na ako sa kaniya.

“Masyado yatang malihim si Lola Natty ngayon,” kausap ko sa sarili.

“A penny for your thoughts?”

“Ay, kabayo!” Napatayo ako nang bigla na lang may magsalita mula sa likuran ko. Paglingon ko roon ay nakatayo ilang hakbang mula sa akin si Ethan. Kitang-kita ko ang pagsilay ng mapaglarong ngiti sa mga labi niya.

Bigla ang pagsikdo ng dibdib ko. Bakit ba iba ang epekto ng lalaki tuwing nakikita ko siya? Oo, totoong hindi maikakaila ang kagwapuhang tinataglay ni Ethan, pero may kakaiba sa kaniya na hindi ko maipaliwanag at mapangalanan.

Pilit kong pinakalma ang aking sarili. Pinagsalubong ko ang aking mga kilay habang nakatingin sa kaniya. “Anong ginagawa mo rito? Kanina ka pa ba riyan?” sunod-sunod na tanong ko sa kaniya.

Marahan siyang humakbang palapit sa akin. “Now, I’m convinced that your mind was running elsewhere. Pati ang tunog ng sasakyan ko hindi mo napuna.” Tumigil siya sa tapat ko.

Napatingin ako sa kotse niya na nakaparada sa gilid ng kalsada malapit sa bahay namin. Pagkatapos, muli ko siyang hinarap. “Ano ngang ginagawa mo rito?” asik ko. Pagdating kay Ethan, nawawala ang pagiging makatwiran ko at umiiksi ang aking pasensya. Bagay na hindi pa kailanman nangyari sa akin.

“Hindi mo ba muna ako aaluking maupo man lang?” tanong niya na nakatingin sa upuang kahoy, na sadyang inilagay namin doon ni Lola Natty, bilang pahingahan. Presko kasi ang hangin sa ilalim ng punong mangga na iyon.

“Ma—” Hindi ko pa man natatapos ang aking sasabihin ay mabilis na itong naupo sa tabi ng inalisan ko kanina. Sandali pa niyang ipinikit ang mga mata kasabay nang paglanghap ng sariwang hangin.

“Better,” aniya, saka muling nagmulat ng mga mata at sinalubong ang sa akin.

Napaupo akong bigla sa tabi niya. Ramdam na ramdam ko kasi ang biglaang panginginig ng mga tuhod ko. “Wala bang ganito sa hacienda ninyo? At saka, teka nga, napapansin ko na napadadalas ang pagpunta mo rito sa amin. Ano namang sadya mo ngayon?” Dinaan ko sa pagtataray ang nadarama ko para mawala iyon.

Totoo iyon. Mula noong magpaluto siya kay Lola Natty ng kakanin, limang beses pa itong nagawi sa amin. Kapansin-pansin na gumagawa lang siya ng alibi para magtagal doon. Minsan, naabutan ko na lang siya na katulong ni Lola Natty sa pagluluto. Minsan naman, ayon sa kwento ni Lola, sinamahan daw ito ni Ethan sa palengke sa pagtitinda.

Kung sa ibang pagkakataon, aakalain ng ilan na nanliligaw siya sa akin. At sa totoo lang, pumasok din naman iyon sa isip ko. Pero wala namang ibang ginagawa sa amin si Ethan kundi ang makipagkwentuhan kay Lola Natty. Para na ngang tunay na apo ang turing dito ni Lola. Kaya nga baka wala naman talagang ibang dahilan ang pagpunta-punta niya sa amin, kundi pawang pakikipagkaibigan lang.

“Hindi ba nabanggit ni Lola Natty na mamimili kami ngayon?”

“Mamimili? Nang ano? At para saan?”

Nagkibit-balikat si Ethan. “Hindi ko alam. Basta sabi niya may ipaaayos daw siya rito sa inyo,” sagot niya.

Wala sa loob na napatingin ako sa aming bahay. Ano pa bang kailangang ipaayos ni Lola? Maayos naman na ang bahay namin. Wala namang tumutulong bubong. Wala ring butas ang mga plywood. Sementado na ang sahig na pinatungan ng carpet na plastic.

May sira ba ang bahay namin na hindi ko alam? Tanong ko sa sarili, pagkuwa’y muli kong sinulyapan si Ethan. Nagulat pa ako nang makitang seryoso siyang titig na titig sa akin.

Nag-init ang magkabila kong pisngi. Mas lalo akong nailang.

“You didn’t tell me you’re marrying Rodrigo,” aniya.

Natigilan ako. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang sandaling pagdaan ng galit doon.

“I hope you won’t regret your decision,” dagdag pa niya.

Umismid ako. “Hindi talaga dahil mabuti siyang tao. At ano naman kung hindi ko sinabi sa iyo? Kaano-ano ba kita?” salag ko.

Tumaltak siya. “We may not be related, but I sincerely do care for you. You don’t really know him. You don’t really know the true colors of Rodrigo Araneta. Kaya ngayon pa lang, mag-isip-isip ka na.”

Subalit, sa halip na matuwa ay mas lalo lang akong nainis sa sinabi niya. “Bakit ba lahat na lang kayo ganiyan ang sinasabi sa akin? Matagal kang nawala rito sa atin, kaya hindi mo nakita kung paano niya pinamunuan ang ating bayan sa loob ng tatlong termino. At dahil sa pamumuno niya kaya medyo nakaangat ang bayan natin,” may pagmamalaking sagot ko.

Pagak siyang natawa. “Dahil nga ba sa kaniya? O dahil sa mga magulang ko?” sarkastikong tanong niya.

Humalukipkip ako. “Syempre hindi naman mangyayari ang lahat ng iyon kung walang tulong mula sa lokal na pamahalaan. Kung hindi suportado ng munisipyo ang mga ginagawa ninyo sa asyenda.” Hindi niya hahayaan ang sariling matalo ni Ethan, kahit pa nga abogado ito.

“Fair enough.” Lumabi siya kasabay ng pagkikibit-balikat. “But still. . . it is my parents who do the right job to sustain the whole Tierra del Ricos. Our hacienda gave a lot more jobs compared to the government itself you are talking to.” May diin ang huli niyang sinabi.

Hindi ko siya makontra, dahil totoo naman ang sinasabi niya. Malaking tulong talaga ang Hacienda Salviejo sa pag-unlad ng Tierra del Ricos. Hindi makahihikayat ng mga investors ang bayan namin, kung walang tulong mula sa mga Salviejo’s.

“Tell me, ano ba talagang iniisip mo at nagdesisyon ka nang ganoon? Pati si Lola Natty nagulat nang husto,” pag-uusisa ni Ethan.

Napailing na lang ako. Kahit pala iyon ay naikwento ni Lola rito.

Tumingin ako sa kawalan. “Ewan ko rin. Hindi ko rin alam kung bakit ganoon ang ginawa ko,” totoo sa loob na sagot ko.

“Baka naman ginulat ka niya at wala ka na talagang ibang malulusutan pa. As what I’ve heard, he proposed to you in front of the whole municipal employees. That leaves you in the difficult situation. And you have no choice but to say yes to him. Dahil ayaw mo siyang mapahiya.”

Napalingon ako sa kaniya. Eksaktong-eksakto ang sinabi niya sa nangyari sa akin noong araw na iyon.

“Kahit hindi ka na magsalita, I already knew the answer.” Umiling-iling si Ethan. “Tuso talaga.” Pabulong lang iyon, pero hindi pa rin nakalagpas sa pandinig ko.

Wala akong alam kung bakit ganoon ang sinabi niya. Pero sa tuwing maaalala ko ang sinabi noon sa akin ni Rita, hindi ko maiwasang mag-isip. Ano nga ba talaga ang nangyari noon sa pagitan nito at ni Mayor Araneta?

Subalit, wala naman ako sa lugar para mag-usisa. Wala akong karapatan na gawin iyon, dahil hindi ko naman iyon buhay. May sarili rin naman akong iniisip at ayoko nang madagdagan pa iyon.

“Mapapahiya si Mayor kung tatanggihan ko siya.” Iyon na lang ang nakuha kong idahilan sa kaniya.

“Tsk. . . tsk. . . Sinabi mo na lang sana ang totoo. Nasisiguro ko na kahit mapahiya siya, uunawain ka pa rin niya, because both of you were in the middle of the crowd.”

Nawalan ako ng imik. Ganoon nga ba dapat ang ginawa ko? Dapat nga ba roon pa lang ay tinanggihan ko na siya?

“Do you like him?” out-of-the-blue ay tanong ni Ethan na pumukaw sa aking pag-iisip.

Huminga ako nang malalim. Pagkatapos, marahan akong tumango.

“Do you believe on happy marriage?” Nanunuot ang mga tingin niya sa akin.

Muli akong tumango. “Naniniwala ako sa pag-iibigang hanggang wakas,” sagot ko.

“Like Fairytales?”

“Parang ganoon na nga.” Sinabayan ko pa iyon ng pagkibit ng aking mga balikat.

Ito naman ang huminga nang malalim. “Then, I hope you will live happily ever after with him.” Pagkasabi niyon ay tumayo na ito at sinalubong ang nakangiting si Lola Natty. Bihis na bihis na ang lola ko. Inalalayan siya ni Ethan sa paglalakad.

“Pupunta lang kami nitong si Ethan sa bayan at may bibilhin lang ako. Ikaw na ang bahala sa bahay natin. Magluto ka na rin nang marami at dito na kami maghahapunan,” bilin sa akin ni Lola Natty.

Tumango lang ako. Hindi ko na nakuha pang tanungin kung ano ba talaga ang pamimilhin niya. Ang ipinagtataka ko pa, bakit hindi na lang siya sa akin nagpasama? Bakit kay Ethan pa?

Nagpasulyap ako sa lalaki na kasalukuyang pasakay ng driver’s seat. Nakatingin din pala siya sa akin. Ngumiti pa siya bago tuluyang sumakay roon. Ang aking puso na kanina pa wala sa ayos ang pagtibok ay mas lalong nagwala sa dibdib ko. At ang kakaibang epektong iyon ni Ethan sa akin ay gumugulo sa isip ko.


ESCAPED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon