Dayanara’s POV
Malakas ang nililikhang tunog ng mga bandang lumilibot sa kabayanan, na mula pa sa iba’t ibang barangay ng Tierra del Ricos. Lahat ay nagpapaabot ng pagbati. Lahat ay masayang ipinagdiriwang ang kaarawan ni Mayor Araneta.
Maraming programang nakalahad sa araw na iyon. Pinangungunahan iyon ng Office of the Mayor at Municipal Information’s Office. Lahat ng empleyedo ay imbitado sa isang masayang salo-salo na gaganapin sa gymnasium na katabi ng munusipyo.
“Ngayon naman ay hingian natin ng isang maikling mensahe ang celebrant natin sa araw na ito. Walang iba kundi ang napakasipag, napakabait, napakamatulungin, at napakagwapong punongbayan ng Tierra del Ricos. . . Mayor Rodrigo Araneta!” malakas na wika ng emcee.
Pinuno ng masigabong palakpakan ang loob ng gymnasium, kasabay ng pag-ere ng birthday song. Sinabayan pa iyon ng mga empleyado na galak na galak sa mga sandaling iyon. Malapad ang ngiting lumapit si Mayor Araneta sa emcee at inabot ang mikropono rito. Hinintay niya munang matapos ang pagkanta ng lahat at akmang magsasalita na sana, nang lumapit si Olivia rito na may dala-dalang cake, habang kaylapad-lapad ng pagkakangiti.
“Wish! Wish!” sigawan ng mga empleyadong naroroon.
Saglit na pumikit si Mayor, pagkuwa’y malakas na hinipan ang kandila. Muli namang nagpalakpakan ang mga empleyado.
“Wala na talaga akong masasabi pa sa inyo,” umpisa niya. “Tuwing taon na lang, lagi kayong may pa-surpresa at kung ano-anong pakulo sa birthday ko. Hinding-hindi kayo nauubusan! Kaya naman mahal na mahal ko kayong lahat.” Ngumiti si Mayor, kaya’t nagkaingay muli ang lahat.
“Well, gusto ko lang pasalamatan kayong lahat sa walang sawang pagsuporta sa inyong lingkod. Malayo-layo pa tayo sa progresibong bayan na ating pinapangarap, pero natutuwa ako at hindi kayo bumibitaw. Natutuwa ako at patuloy ninyo akong sinasamahan sa layuning ito. Ikinalulungkot ko mang sabihin na ito na ang huli nating pagsasama bilang ama ng bayan na ito—pero huwag ho kayong mag-alala, dahil tinatanggap ko na ang hamon sa pagtakbo bilang kongresista ng ating distrito sa darating na election. Asahan ninyong mas marami pa tayong matutulungan at mas maiaangat pa natin ang bayan ng Tierra del Ricos, sampu ng mga kabayanan dito sa distrito natin.”
Muling lumakas ang hiyawan at palakpakan ng lahat. Sandaling itinaas ni Mayor Araneta ang kaniyang kamay upang kunin muli ang atensyon ng lahat na mabilis namang tumahimik.
“And because today is my birthday, isa lang naman ang kahilingan ko. At sana ay mapagbigyan ako ng taong ito.”
“Go, Mayor! Susuportahan ka namin!” sigaw ng isang empleyado.
“Sige lang, Mayor! Matutupad ang hinihiling ninyo!” anang isa pa na sinang-ayunan nang halos lahat ng naroroon.
Nahihiyang napakamot sa ulo si Mayor Araneta. Pagkatapos, dahan-dahan siyang bumaba sa entablado at naglakad papunta sa kinaroroonan ko.
Hindi ko makuhang gumalaw sa aking kinatatayuan. Pakiramdam ko itinulos sadya ang mga paa ko roon, habang nakatitig sa papalapit na lalaki.
Nag-umpisang lumakas ang bulong-bulungan sa paligid. Sinabayan pa iyon ng impit na pagtili ng maraming kababaihan. Ilang hakbang na lang ang layo sa akin ni Mayor Araneta nang bigla na lang itong lumuhod sa harapan ko. Kaya’t ang impit na tilian kanina, biglang lumakas.
“Dayan, I would like to take this opportunity to ask you. Are you willing to carry my name for the rest of your life?” deretsahang tanong niya sa akin.
Napaawang ang mga labi ko, kasabay nang dahan-dahan niyang paghugot sa isang kahon na nasa likurang bulsa ng suot niyang pantalon. Ang malakas na sigawan sa paligid ay hindi ko na marinig, dahil mas malakas pa roon ang kabog ng dibdib ko.
BINABASA MO ANG
ESCAPED
RomanceDayanara Perez believes on fairytales and happy endings. Iyon ang isiniksik niyang dahilan sa isipan, kaya pinakasalan niya si Congressman Rodrigo Araneta. Subalit, mukhang nagkamali yata siya. It was no fairytale at all. Kaya ninais niyang kumawala...