ESCAPED 10

59 1 0
                                    

Dayanara’s POV

Subalit, ang pag-aakala kong masasanay rin ako sa trato sa akin ni Rodrigo sa tuwing kami’y magniniig ay hindi nangyari. Sa paglipas ng mga araw, mas lalo siyang nagiging marahas. May mga oras na may ginagamit siyang kung ano-anong instrumento, na hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyon, at wala rin siyang pakialam sa kung anong posisyon mayroon kami.

Hindi ko masabi sa kaniya na hindi ako komportable sa ginagawa niya. Kahit pa nga nag-iiwan ang mga iyon ng mga marka sa aking katawan, na halos hindi ko na gustuhing bumangon pa sa sunod na araw. Ngunit, hindi pwede. Kailangan ko pa ring magtrabaho, kahit pa nga sinabihan na ako ni Rodrigo na mag-resign na lang. Hindi ko rin naman gustong iasa sa kaniya ang lahat.

“Oh, apo, gising ka na pala,” bungad sa akin ni Lola Natty pagbaba ko sa kusina.

Gaya nang sabi ni Rodrigo, pagkaalis ng kaniyang mga magulang ay sinundo namin si Lola at kasama na namin siyang namumuhay ngayon sa mansyon. Pero may mga araw na umuuwi pa rin si Lola Natty sa bahay namin. Dahilan niya, hindi niya gustong masira ang bahay dahil wala na roong nakatira. Balak ko nga sanang paupahan na lang, pero hindi naman siya pumayag, kaya hinayaan ko na lang siya.

Nagtitinda pa rin si Lola Natty sa palengke. Kahit anong pilit namin ni Rodrigo na patigilin siya sa pagtitinda, dahil na rin sa kaniyang edad, ay hindi namin siya mapigilan. Alam kong naninibago pa rin siya sa buhay na mayroon kami ngayon, pero pasasaan ba at masasanay rin siyang kagaya ko.

“Magandang umaga, ’La,” may katamlayang bati ko sa kaniya.

Napakunot ang noo niya. “Masama ba ang pakiramdam mo?” Agad niyang hinipo ang noo ko. “Wala ka namang lagnat,” aniya.

“Medyo napuyat lang po. May tinapos ho kasi akong project kagabi,” dahilan ko sa kaniya. Pero ang totoo, halos hindi na ako pinatulog ni Rodrigo. At masasakit pa rin ang katawan ko sa mga sandaling iyon.

Napailing si Lola Natty. “Baka naman magkasakit ka niyan sa ginagawa mo. Aba’y pinagsasabay mo ang pag-aaral at pagtatrabaho, eh.” Alalang-alala ang mukha niya habang nakatingin sa akin.

Nginitian ko siya. “Ayos lang ako, ’La. Wala rin naman akong masyadong ginagawa bukod sa trabaho ko,” pagbibigay konsolasyon ko sa kaniya.

Napilit ako ni Rodrigo na muling bumalik sa pag-aaral. Pinakuha niya ako ng social service, tutal, iyon daw naman ang linya ng trabaho namin. Naiintindihan ko siya sa bagay na iyon. Hindi rin naman masama na mag-aral akong muli dahil bata pa ako. Katutuntong ko pa lang sa edad na beinte-uno.

“Kung ganoon, kumain ka ngayon ng marami. Ito humigop ka ng sabaw. Pansin ko ay parang nangangayayat ka na.” Iniabot niya sa akin ang mainit na sabaw ng nilagang karne.

Tahimik ko iyong kinuha sa kaniya at nagsimula na ring kumain.

“Maaga yatang umalis ngayon si Rodrigo?” tanong ni Lola Natty sa pagitan ng pagsubo.

“Oho. May lalakarin daw sila ngayon. Magsisimula na ho kasi ang kampanya sa isang linggo, kaya magiging busy na siya.”

“Ganoon ba? Di pati ikaw magiging abala na rin.”

Napatingin ako sa kaniya. Nawala nga pala iyon sa isip ko.

“Ganoon na nga ho,” tugon ko.

“Basta mag-iingat kayo. Alam mo naman kapag panahon ng kampanya, may mga hindi kanais-nais na nangyayari,” bilin niya sa akin.

“Huwag ho kayong mag-alala. Hindi naman ho kami nawawalan ng bodyguards ni Rodrigo.” Isa pa iyon sa ginagamay ko. Binigyan ako ni Rodrigo ng dalawang bodyguards, na palaging nakabuntot sa akin kahit saan, for security reasons daw. Nauunawaan ko naman ang aking asawa, na gusto niya lang akong protektahan. Iba talaga ang buhay ng mga politiko sa normal na mamamayan. Kahit saan magpunta ay may nakaambang panganib.

ESCAPED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon