Dayanara’s POV
Warning SPG. . .
Pagkatapos ng kasal namin ay sa mansyon ng mga Araneta na ako umuwi. O mas tamang sabihin na mansyon lang iyon ni Rodrigo. May sarili kasing bahay ang mga magulang ni Rodrigo sa kabilang bayan. Ngunit, dahil mayor siya ng Tierra del Ricos, natural na roon siya dapat naninirahan sa bayan namin.
Naiwan kong mag-isa si Lola Natty sa amin. Pero nangako naman si Rodrigo sa akin na hihintayin lang niyang makaalis ang mga magulang, saka namin susunduin si Lola Natty. Bagay na ipinagpasalamat ko sa kaniya.
Malaki at napakalawak ng solar na kinaroroonan ng mansyon ni Rodrigo. Kung hindi ako nagkakamali, humigit isangdaang ektarya ang lupain nito na may mga tanim na punong mangga, mais, saging, at kung ano-ano pa. Marami rin akong nakita na alagang mga tandang na panabong. Noon ko lang natuklasan na hilig pala ni Rodrigo ang ganoon.
Pagkapasok ko sa mansyon, nakahilera ang mga kasambahay na sadyang naghihintay sa aming pagdating. Isa-isang ipinakilala sa akin ni Rodrigo ang lahat, pati na ang mga bodyguards niya.
“Magandang gabi po,” bati ko sa kanilang lahat.
Gumanti naman sila ng pagbati sa akin.
Iginala ko ang aking paningin sa loob ng mansyon. Moderno ang pagkadisenyo niyon, na may pagka-rustic. Tamang-tama sa personalidad ng aking asawa. Ang mga furniture’s at appliances ay makabago lahat at naaayon sa uso. Marami ring mamahaling paintings sa dingding, mga koleksyon ng iba’t ibang klase ng espada, na halatang antigo ang iba at galing pa sa ibang bansa. Mayroon ding isang kabinet na puno ng iba’t ibang maskara. Ang napakalaking chandeliers sa sala ay nagsasabog ng liwanag sa buong paligid. Aakalain mong mga dyamante ang mga iyon na kumikinang.
Iginiya ako ni Rodrigo paakyat sa napakataas na hagdanan. Hindi ko mapigilang hindi kabahan sa bawat paghakbang na ginagawa namin. Pagdating sa itaas ay hindi ko pa rin mapigilang mamangha sa bilang ng silid na naroon. Pakiwari ko madalas akong maliligaw roon.
Naglakad kami sa isang pasilyo sa kaliwa. Isang silid doon ang binuksan ni Rodrigo. Tumambad sa akin ang napakalaki at napakagandang silid. Nababalutan iyon ng wallpaper na kulay beige at may carpet na kulay blue, na halos lumubog na ang aking mga paa. Mas malaki pa iyon sa bahay namin ni Lola Natty. Halos lahat ng gamit doon ay mga panlalaki, kaya alam kong iyon ang master’s bedroom na tinatawag.
Ang napakalaking kama sa gitna ay nababalutan ng pinaghalong asul at puting kobre. May floor to ceiling na pintuan na kanunog ng isang balcony. Nakukurtinahan iyon ng asul at puti rin. May dalawang pintuan pa iyon sa isang tabi. Ang isa ay alam kong para sa banyo at ang isa ay hindi ko alam kong para saan.
“Nagustuhan mo ba?” masuyong tanong ng katabi kong si Rodrigo.
Marahan akong tumango. “A-Ang laki naman nito masyado.” Nilingon ko siya.
Natawa si Rodrigo. “Alam kong iyan agad ang sasabihin mo. Pero masanay ka na sa ganitong buhay, Dayan, because you are my wife now. What’s mine is also yours,” malambing na wika niya.
Hindi ko napigilan ang pagsilay ng isang matamis na ngiti sa aking mga labi. Malambing ang aking asawa at walang duda na hindi ako mahuhulog nang tuluyan sa kaniya sa mga darating na araw.
Hinila niya ako papasok sa loob. Tuloy-tuloy kami sa pintuang hindi ko alam kong para saan. Pagbukas niya roon ay nanlaki ang aking mga mata sa nakita.
“S-Sa. . . sa akin ba ang lahat ng ito?” namamanghang tanong ko sa kaniya. Dressing room pala iyon na punong-puno ng iba’t ibang klase ng damit. Mula sa simpleng pambahay na mga bestida, t-shirts, pantalong maong, mga sinusuot sa official gatherings at mga gowns. Bukod doon, may mga jewelries din, sapatos, bags, hats at makeups. Nakalulula iyon sa dami.
BINABASA MO ANG
ESCAPED
RomanceDayanara Perez believes on fairytales and happy endings. Iyon ang isiniksik niyang dahilan sa isipan, kaya pinakasalan niya si Congressman Rodrigo Araneta. Subalit, mukhang nagkamali yata siya. It was no fairytale at all. Kaya ninais niyang kumawala...