Chapter 2
Dayanara’s POV
“Dayan, ipinatatawag ka ng bruha,” agad na bulong sa akin ni Rita pagdating ko sa opisina kinabukasan.
Napakunot ang noo ko. “Bakit daw kaya?”
Nagkibit siya ng mga balikat. “Malay ko roon. Baka may iuutos na naman sa iyo.” Nakangusong naupo siya sa pwesto niya.
Naiiling na ibinaba ko ang aking bag, bago inayos ang aking sarili at naglakad papunta sa kabilang silid. Kumatok muna ako ng tatlong beses, saka ko binuksan ang pintuan.
Malapad akong ngumiti. “Good morning, Miss Olivia. Ipinatatawag n’yo raw ako,” magalang kong wika.
Pero hindi man lang nag-angat ng ulo niya ang babae na may kung anong tinitingnan sa computer.
Nanatili akong nakatayo sa harap niya nang ilang sandali, bago pa niya ako bahagyang nilingon.
“Tapos na ba ang ipinagagawa ko sa iyo?” walang kangiti-ngiting tanong niya.
Umiling ako. “Hindi pa po. Pero tatapusin ko na s’ya ngayon,” sagot ko.
Umismid si Olivia sabay taas ng isang kilay. “Hindi porke’t sinabi sa ’yo ni Mayor kahapon na huwag mong tapusin ay hindi mo nga tinapos. I need those documents today for the procurement. Hindi mo naman siguro gustong ma-delay ang mga projects ni Mayor, di ba?” mataray niyang wika.
Napakagat ako sa labi at tumango. “Sige po. Tatapusin ko rin ngayon.”
“Good. . .” Tumango siya at iwinasiwas ang kamay sa hangin. “Go. Huwag mo nang hintayin pang abutan ka rito ni Mayor,” pagtataboy niya sa akin.
Mabilis akong tumalikod. Nakaramdam ako ng inis sa pagtatrato niya sa akin. Para bang hindi kami parehong sumasahod galing sa bulsa ng mga mamamayan.
Pabagsak akong naupo sa aking upuan.
“Mukhang maaga ka na namang napag-initan ng bruhang iyon, ah. Hindi na kamo siya nakatutuwa,” ani Rita na nakatingin sa akin.
Huminga ako nang malalim at kinalma ang aking sarili. “Kasalanan ko naman. Dapat tinapos ko na ang mga ito kahapon pa.”
“Sus! Umandar na naman iyong pagiging mabait mo, kung iyon nga ang tawag d’yan. Aba’y sumosobra naman na siya, ha. At ikaw naman sunod-sunuran lang, kaya inaabuso ka,” litanya ni Rita.
Hindi na lang ako umimik. Ayoko nang humaba pa ang diskusyon naming iyon, dahil marami pa akong gagawin.
Inumpisahan ko na muling magtrabaho. Tutok na tutok ang atensyon ko roon nang may bigla na lang kumatok sa ibabaw ng lamesa ko.
Napapitlag ako sabay angat ng ulo. Bumulaga sa akin ang nakangiting mukha ni Mayor Araneta.
“You’re working so hard, Dayan. Ni hindi mo man lang namalayan na kanina pa ako naririto,” aniya.
Namumula ang aking mukha na luminga ako sa paligid. Nakatingin sa amin ang mga kapwa ko empleyado roon na may mga ngiti sa mga labi.
Paglingon ko kay Rita ay nangingiting naiiling na lang ito.
“M-Mayor. . . kayo ho pala,” ani ko sa paputol-putol na salita. Hindi ako makatingin nang deretso sa kaniya.
Ngumiti ang lalaki. “By the way ready, na ba ang lahat sa founding anniversary ng bayan natin? Lahat dapat naroroon,” anunsyo niya sa lahat.
“Huwag ho kayong mag-alala, Mayor. Asahan ho ninyo ang aming suporta,” ani Rita. Sinang-ayunan naman ito ng mga kasamahan nila.
“Ikaw, Dayan?” baling sa kaniya ni Mayor.
“H-Ho? A-Anong ako ho?” gulat kong tanong.
“Pupunta ka ba?”
Mabilis akong tumango. “W-Wala naman hong exemption, hindi ba?”
Ngumiti siya na halos ikatunaw ko na. Iba talaga ang epekto sa akin ni Mayor. Tila tinatambol ang dibdib ko sa bilis ng pagtibok ng aking puso.
“Good. . . aasahan ko ang sinabi mo.” Kumindat pa siya bago tuluyang nagtungo sa opisina niya.
Napahawak ako sa aking dibdib nang mawala ito sa aking paningin. Sunod-sunod akong huminga nang malalim. Nagulat pa ako nang bigla na lang may sumundot sa aking may tagiliran. Pagtingin ko roon ay nanunundyong mukha ni Rita ang bumungad sa akin.
“Iba na talaga ang tama sa ’yo ni Mayor. Kaya kapag niligawan ka niya, huwag na huwag mo ng pakakawalan pa,” panunukso niya.
Mas lalong namula ang aking mukha. Pakiramdam ko kulay kamatis na iyon sa kapulahan.
“Hindi mangyayari ang sinasabi mo,” mariin kong kontra sa kaniya.
Tinaasan lang niya ako ng kilay. “Let’s see, Dayan. Dahil kapag tama ako, ililibre mo ako,” patuloy pa ni Rita sa paghahamon sa akin.
Hindi na lang ako umimik. Habang patagal nang patagal, mas lalong lumalala ang panunukso niya sa akin. At ramdam kong pati mga kasamahan namin ay ganoon din.
“Hindi pa rin tapos?” ani Rita sa aking tabi na nakatingin sa tambak na papel sa aking lamesa.
“Hindi pa, pero kaunti na lang,” hindi lumilingong sagot ko.
“Lunch break na. Halika na. Kain na muna tayo,” yaya niya.
Umiling ako. “Mamaya na lang siguro pagkatapos nito. Kailangan daw ito ngayon ni Miss Olivia. Ayoko namang masisi.”
Napataltak si Rita. “Naku! Kung hindi lang talaga dahil kay Mayor hinding-hindi ko susundin ang bruhang iyon. Maganda lang ang mukha pero napakapangit naman ng pag-uugali,” palatak niya.
“Sobra ka naman. Hindi naman siya ganoon.” Magkahalong pagtatanggol at pananaway ang nasa tinig ko.
“Heh! Nakukuha ka na ngang pahirapan kinakampihan mo pa. Huwag kang masyadong magpaka-santa. Makikita mo at kapag nanalo si Mayor, giginhawa na ang buhay sa opisinang ito.” Pagdabog niyang binuksan ang bag at kinuha ang wallet. “Hindi ka ba talaga sasabay sa akin?” tanong niya nang lingunin ako.
Umiling akong muli. Nakatutok na ang mga mata ko sa aking ginagawa.
“Sige. . . sige. Mauna na akong manghalian sa iyo.” At iniwan na niya ako.
Maya-maya pa, ako na lang mag-isa ang naroroon. Hindi ko naman alintana dahil mas mapabibilis ang aking pagtatrabaho.
Walang ingay, walang abala.
Tatlumpong minuto pa ang lumipas at ilang pahina na lang ang kailangan ko pang i-check. Wala pa rin ang mga kasamahan ko nang may biglang tumikhim.
Napaangat ang aking ulo.
Ilang hakbang mula sa aking lamesa ay nakita ko ang lalaki kahapon. Ang lalaking sinasabi ni Rita na si Attorney Salviejo.
Napatayo ako. “A-Ano pong kailangan nila?” kandautal kong tanong sa kaniya. Bigla ang pagsikdo ng aking dibdib.
Kahit tahimik lang na nakatayo ang lalaki, ramdam ko ang kapangyarihang tinataglay niya. Kitang-kita iyon sa aura nito, lalo pa nga at hindi man lang ito ngumingiti.
Dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Bawat paghakbang ay tila tambol na bumabayo sa dibdib ko.
Tumigil siya sa mismong tapat ng lamesa ko. Hinagod muna niya ako ng tingin bago sinalubong ang aking mga mata.
“May I know where I could file the mayor’s permit?” he asked in a deep baritone voice.
Saglit akong natigilan at hindi agad nakaimik.
“Miss?” untag niya sa akin. Salubong na ang mga kilay niya.
Napakagat-labi ako at mabilis na kinastigo ang sarili. Tumingin ako sa labas sa pagbabakasakaling dumating na ang mga kasamahan ko, pero wala pa rin.
“Ano, Miss?”
Napatingin ako sa lalaking mukhang naiinis na.
Napabuntonghininga ako at tumayo. Kinuha ko ang form sa table ng isa sa kasamahan ko.
“Pakisagutan na lang po.” Iniabot ko sa kaniya ang papel.
Tumango ang lalaki at luminga sa paligid. Pagkuwa’y walang sabi-sabing kinuha niya ang upuan sa harap ng aking katabing lamesa at naupo sa tapat ko.
“Would you mind.” Hindi iyon pakiusap kundi isang utos; na parang bang wala akong karapatang tumanggi pa.
Dahan-dahang akong napailing.
Paano ko nga ba siya hihindian gayong basta na lang siya naupo roon?
Tahimik akong muling naupo at bumalik sa aking ginagawa. Manaka-naka’y sinusulyapan ko ang lalaki sa aking harapan na tutok na tutok naman ang pansin sa kaniyang ginagawa.
Hindi ko maintindihan kung bakit ang isang kagaya niya na may kaya, ay nagsadya pa talaga sa opisina ng mayor para sa permit na sinasabi nito. Alam kong maraming tauhan ang mga Salviejo, kaya nakapagtatakang naroroon ang lalaki. Idagdag pa ang naikwento ni Rita sa kaniya na hindi ito kasundo ni Mayor.
“Do I have a dirt on my face, or do you want to say something?” ang tanong niya na hindi nag-aangat ng ulo.
Nagulat ako at mabilis na nag-iwas ng mga mata, kasabay ng pamumula ng aking mukha. Ramdam pala nito ang ginagawa ko.
Gustong-gusto ko nang lumubog sa aking kinauupuan sa pagkapahiya.
“It’s alright.” Bahagya niya akong nilingon at nagtama ang aming mga mata.
At pakiramdam ko, saglit na tumigil sa pag-ikot ang aking mundo. Para bang may misteryong nakabalot sa mga mata niya na hindi ko maunawaan.
Tumaas ang sulok ng kaniyang labi. “Sanay na ako sa mga gan’yan, Miss. And I am very much willing to give you a company if you’d like.”
Hindi ko alam kung nagbibiro ba siya o nang-iinsulto. Pero wala naman akong mabasang ganoon sa itsura niya, dahil seryoso siyang nakatingin sa akin.
Huminga ako nang malalim. Pilit kong pinipigilan ang aking sarili na huwag magpadala sa mga sinasabi niya, pati na ang pagpipigil na huwag magalit.
“No, thank you, Sir,” tanggi ko at ngumiti nang pagkatamis-tamis sa kaniya. Napa-English tuloy ako nang wala sa oras. At himalang hindi man lang ako nautal.
Matagal niya akong tinitigan, kapagkuwa’y nagkibit-balikat. “Well, hindi naman ako namimilit. It was just out of courtesy. I was just thinking that you’re like them; who would want to become my companion. But I guess, you are not. And that’s quite surprising,” makahulugang wika niya.
Hindi na lang ako sumagot. Siya na rin naman ang nagtama nang maling akala niya sa akin.
Pero bakit ba sa tingin ko hindi naman ako nabastusan sa pagiging bulgar niya? Mas humanga pa nga ako sa kaniyang pagiging totoo. Siguro nga, sanay lang ang lalaki na maraming nagkakagusto rito.
Pero hindi mo naman siya gusto, Dayan!
“Here. I’m done.” Iniabot niya sa akin ang form.
Binasa ko iyon. Nakalagay roon na magtatayo ang lalaki ng law office sa aming bayan.
Hinarap ko siya. “Dala n’yo na ho ba ang mga kaukulang requirements?” tanong ko sa kaniya.
Tumango siya at tahimik na binuksan ang dalang attaché case. Kinuha niya roon ang bungkos ng papel at iniabot sa akin.
“Pwede ho bang pakihintay na lang? Wala pa ho ang mga kasamahan ko na mag-a-assess nitong mga papel ninyo,” magalang kong wika sa kaniya.
Huminga ito nang malalim. Iginala nito ang mga mata sa mga bakanteng lamesa na naroroon, bago ako muling hinarap. “How about you? Hindi ba pwedeng ikaw na lang ang gumawa?”
Gusto kong umiling pero baka naman ireklamo ako ng lalaki. Tingin ko pa naman ito ang tipo ng tao na hindi pinalalagpas ang isang bagay. At saka, halata namang importante ang bawat segundo sa kaniya, lalo na at hindi naman siya basta-bastang tao lang.
“Sige po, Sir. Pahintay na lang po,” wika ko.
Muli kong pinasadahan ng tingin ang mga papel na iniabot niya sa akin. Medyo gamay ko na rin naman ang trabaho roon. Natatambakan nga lang ako dahil sa ibang ipinagagawa ni Olivia .
“How long have you been working here?” out-of-the-blue ay tanong ng lalaki sa akin.
Hindi ko alam kung curios lang ba siya o baka naman nagdududa siya sa kakayahan ko.
Ngumiti ako sa kaniya. “Huwag kayong mag-alala, Mr. Salviejo, alam ko po ang ginagawa ko.”
Tikom ang bibig na tumango siya. He just tapped his fingers on top of my table while waiting patiently. Ramdam ko rin ang ginagawa niyang pagtitig sa akin. Medyo naiilang na ako, kaya muli ko siyang hinarap.
“Mr.—”
“Ethan! Anong ginagawa mo rito?”
Pareho pa kaming nagulat nang marinig ang tinig na iyon sa may bungad ng pintuan. Sabay kaming napalingon doon.
Nakatayo roon si Mayor Araneta, habang titig na titig sa lalaking aking kaharap.
Mabilis akong napatayo. “M-Magandang tanghali po, Mayor,” bati ko sa kaniya.
Ngumiti siya sa akin at sumenyas na muli akong maupo, pagkuwa’y hinarap muli si Mr. Salviejo. “May maipanglilingkod ba ang aking opisina sa iyo?” tanong niya sa lalaki.
Walang kaemo-emosyong tumayo si Mr. Salviejo, na bahagya pa akong nilingon. “I’m getting a mayor’s permit,” aniya bago muling hinarap si Mayor.
Lumapit sa amin si Mayor. “Ganoon ba? Why don’t you just ask me directly? Hindi ka na sana naghintay pa rito.” Ngumiti siya kay Mr. Salviejo.
“It’s fine, Mayor Araneta. Mas gusto ko pa ring gawin ito sa tamang proseso. Nakakahiya pati sa ibang tao na pumipila.” Sinadya talaga niyang diinan ang huling mga salita.
“Ikaw naman. . . That was just a small gesture to show my deepest gratitude towards your family. Besides, sa inyo halos umaasa ang buong bayan natin, kaya maano bang sa ganitong paraan ay matulungan ka ng aking opisina.”
Umiling si Mr. Salviejo. “As I’ve said, there’s no need to do that.” Nilingon niya ako. “Is it done Miss. . . ?”
Tumango ako. “Perez, Mr. Salviejo. Miss Perez. . .” Ibinalik ko sa kaniya ang mga papel na hawak ko. “Pakiba—”
“Samahan mo na lang kaya siya, Dayan,” singit ni Mayor na ikinalingon ko rito.
Ngumiti siya sa akin. Kaya wala akong nagawa kun’di ang alanganing tumango.
“Sige ho, Mayor.” Sinulyapan ko si Mr. Salviejo. “Sa treasury po tayo,” wika ko sa kaniya.
“I’ll go ahead,” hindi ngumingiting paalam ni Mr. Salviejo kay Mayor Araneta.
“Alright. Basta kung may iba ka pang kailangan, itawag mo lang dito sa opisina ko. Ingat.” Hindi ko alam kong ako lang ba iyon, pero bakit parang may ibang kahulugan ang huling sinabing iyon ni Mayor?
Palihim kong pinagmasdan ang dalawang lalaki, na pawang wala namang itulak-kabigin sa mga itsura. Pareho ring nagtataglay ng kakaibang kapangyarihan. Pero kapansin-pansing mas lamang si Mr. Salviejo kay Mayor. Itsura man iyon o kapangyarihan.
Walang imik na tumango lang si Mr. Salviejo bilang tugon sa sinabi ni Mayor, pagkuwa’y nagpatiuna na siyang lumabas sa akin.
“Sige po, Mayor,” paalam ko sa lalaking habol ang tingin kay Mr. Salviejo. Sandali ko pang nakita ang pagdaan ng galit sa mata niya, na hindi ko maunawaan.
Lumingon siya sa akin. Wala nang bakas ng galit roon kun’di isang matamis na ngiti.
“Sige, Dayan. Ikaw na ang bahala sa kaniya.”
Tumango ako, bago mabilis na sumunod sa lalaking wala yatang panahong hintayin ako.
![](https://img.wattpad.com/cover/348132817-288-k736602.jpg)
BINABASA MO ANG
ESCAPED
RomanceDayanara Perez believes on fairytales and happy endings. Iyon ang isiniksik niyang dahilan sa isipan, kaya pinakasalan niya si Congressman Rodrigo Araneta. Subalit, mukhang nagkamali yata siya. It was no fairytale at all. Kaya ninais niyang kumawala...