Chapter 5
Dayanara's POV
Masugid akong niligawan ni Mayor Araneta, sa mata man iyon ng publiko o hindi. At mabilis iyong kumalat sa bayan ng Tierra del Ricos. Usap-usapan na sa wakas ay seryoso na ang batang mayor at mukhang lalagay na talaga sa tahimik.
Marami ang nagtaka kung bakit sa dinami-rami ng babaeng umaaligid sa kaniya ay ako pa na walang kahit anong maipagmamalaki ang napili niya. Hindi ko rin alam ang dahilan. Subalit, palagi kong naririnig sa bibig ni Mayor na naiiba raw ako sa lahat. Na dahil daw sa pagiging simple ko at mabait kaya siya nahulog sa akin.
Subalit, magkaganoon pa man, wala pa rin akong maisagot sa kaniya, o sa kahit sinong tao na nagtatanong sa akin, tungkol sa estado ng aming relasyon. Dahil sa totoo lang, sa loob ng tatlong buwang panunuyo niya ay hindi ko pa rin siya makuhang sagutin, na kahit sa sarili ko ay ipinagtataka ko ang bagay na iyon.
"Dayan, apo, tapos ka na ba riyan?" malakas na tawag sa akin ni Lola Natty niya habang naliligo.
"Sandali na lang po, 'La! Bakit po? Gagamit po ba kayo ng banyo?" tanong ko at madaling binuhusan ng tubig ang katawan.
Sabado at walang pasok sa araw na iyon. Naisipan kong maglinis ng aming bakuran, habang nasa pwesto niya sa palengke ang aking lola kanina. Nagtanim ako ng kung ano-anong gulay roon, pati mga halamang namumulaklak. At pagkatapos ay saka pa lang ako naligo.
"Hindi naman, pero may naghahanap sa 'yo," tugon niya.
Napatigil ako sa pagkukuskos ng aking katawan. Napaisip kung sino ba ang maghahanap sa akin sa ganoong araw.
Tagos-tagusang napatingin ako sa pintuan ng banyo. Hindi kaya si Mayor? Pero bakit naman siya magagawi sa amin?
Puno ng katanungan ang aking isip na mabilis akong nagbanlaw at nagbihis. Ibinalot ko sa tuwalya ang aking buhok saka lumabas doon. Pagpasok ko sa kusina ay naroroon si Lola Natty na naghahayin ng pananghalian namin sa lamesa.
"Nasa labas ang naghahanap sa iyo," aniya habang abala sa pagsasandok ng kanin.
Napatingin ako sa labas ng aming bahay. Hindi ko makita ang tinutukoy niyang bisita ko. Baka naroon ito sa may upuan sa ilalim ng punong mangga.
Dumeretso muna ako sa aking silid at tinuyong maigi ang aking buhok. Pagkatapos, nagsuklay ako bago lumabas.
Naabutan ko nga sa may ilalim ng punong mangga ang tinutukoy na bisita ng aking lola. Nakatalikod ito sa kinatatayuan ko. Pero, hindi siya si Mayor kundi si. . .
"Mr. Salviejo?" Nagsalubong ang mga kilay ko.
Humarap siya sa akin kasabay ng pamumulsa. "Hi."
Lalo akong nagtaka. "Ano hong ginagawa ninyo rito?" tanong ko sa kaniya.
Dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Para naman akong ipinako sa aking kinatatayuan. Hindi ako makagalaw ni ang kumurap man lang. Tila bigla akong namagneto sa mga titig niya. Idagdag pang kakaiba ang awrang inilalabas niya sa mga sandaling iyon, samantalang napakasimple lang naman ng kaniyang suot. Kulay ubeng polo shirt at khaki shorts na pantay tuhod. Napakapresko niyang tingnan.
"Care to tell me what's running on your mind while you were staring at me like that?" aniya sa malalim na tinig.
Napakurap ako at bahagyang napaigtad. Hindi ko namalayang naroon na pala siya sa harapan ko.
Na-a-amuse niya akong pinagmasdan. Ako naman ay mabilis na kinastigo ang sarili.
"A-Ano hong ginagawa ninyo rito?"
BINABASA MO ANG
ESCAPED
RomanceDayanara Perez believes on fairytales and happy endings. Iyon ang isiniksik niyang dahilan sa isipan, kaya pinakasalan niya si Congressman Rodrigo Araneta. Subalit, mukhang nagkamali yata siya. It was no fairytale at all. Kaya ninais niyang kumawala...