ESCAPED 11

73 3 0
                                    

Dayanara’s POV

“Rodrigo Araneta! Maaasahang lingkod-bayan! Tapat sa serbisyo at may paninindigan! Huwag po nating kalimutan, numero dos sa balota! Rodrigo Araneta para congressman!” Iyon ang paulit-ulit kong naririnig habang naglilibot kami sa bayan-bayan. May isang buwan na ang nakalilipas simula noong mangampanya kami at gamay ko na kung paano makiharap sa mga tao.

Kasalukuyan kami ngayong naglilibot sa bayan ng Tierra del Ricos. Nakasakay kami sa likuran ng pickup ni Rodrigo, parehong may malapad na ngiti habang kumakaway sa mga taong nag-aabang sa may gilid ng kalsada. Kasama rin namin ang mga kapartido niya. 

“Salamat po! Salamat po!” walang humpay na wika ni Rodrigo sa bawat taong makita namin.

“Rodrigo Araneta po, para congressman!” sabi ko naman kasabay ng pag-aabot ng flyers sa mga tao.

Tumigil ang sinasakyan namin sa mismong plaza sa bayan, kung saan nagtipon-tipon ang mga tao.

“Be careful, love.” Maingat akong inalalayan ni Rodrigo pababa ng sasakyan. Pagkatapos, magkahawak kaming naglakad patungo sa entablado. Hindi nakalilimutan ni Rodrigo ang kumaway at makipagkamay sa bawat taong madaanan namin.

“Ang gwapo niyo talaga, Mayor!” tili ng mga kababaihan.

“Bagay na bagay talaga kayong dalawa ng misis ninyo, Mayor! Parehong mabait!” anang iba pa.

Ngiti, tango, kaway at maikling pasasalamat ang tanging tugon ko sa mga iyon.

“Ayan! Kumpleto na ang Partido Lakas! Naririto na ang ating butuhing Mayor, na ngayon ay tumatakbo bilang congressman ng ating distrito. Palakpakan natin si Attorney Rodrigo Araneta!” pakilala ng emcee kay Rodrigo na sinalubong ng masigabong palakpakan ng mga tao.

Tumayo si Rodrigo at nakangiting kumaway sa lahat.

“Iboto si Araneta! Iboto si Araneta!” anang isa sa campaign staff ni Rodrigo na may hawak na megaphone.

“Iboto! Iboto! Iboto!” sabay-sabay na sigaw ng mga tao.

“Sino ang ating congressman?” tanong nitong muli.

“Rodrigo Araneta! Congressman Araneta! Congressman Araneta! Congressman! Congressman!” muling hiyawan ng lahat.

“At ngayon, pakinggan natin si Attorney Rodrigo Araneta!” malakas na wika ng emcee.

Tumayo si Rodrigo. Pero bago siya pumunta sa tabi ng emcee ay hinalikan muna niya ako sa pisngi, na lalong ikinalakas ng sigawan ng mga tao. Kilig na kilig ang mga ito sa nakikitang sweetness naming dalawa. Namumula ang aking mukha na nagyuko ako ng ulo.

“Pasensya na ho kayo. Hindi ko talaga mapigilan ang aking sarili tuwing nakikita ko ang aking magandang asawa. Siya ngayon ang bumubuo ng mundo ko, kasama kayong lahat,” panimula niya na sinagot ng mga tao ng malakas na pakpakan.

“Alam niyo ho, mula noong maikasal kami ni Dayan, mas lalo pang lumawak ang aking pananaw sa mga bagay-bagay. Iba pala talaga ang nagagawa ng katuwang natin sa buhay. Binubuksan nila ang ating kaisipan mula sa mga nakasanayan na natin. Kumbaga, kung noon ay sanay na sanay tayong mag-isa, na palaging sarili lang natin ang ating iniisip, hindi na ho ngayon. Ngayon ho, binigyan ako ni Dayan ng panibagong tungkulin na hinding-hindi ko pagsisisihang gawin sa araw-araw. At iyon ay ang mahalin, protektahan at alagaan siya at ang mga mahal niya sa buhay habambuhay. At ang mga bagay na ito ay nais kong ibahagi sa ating nasasakupan. Na importante ang pamilya sa lahat ng tao. Dahil sila ang kauna-unahang tao na susuporta at aalalay sa atin sa araw-araw, sa kahit na ano mang hamon sa buhay. Sila ang magiging gabay natin para marating ang ating mga pangarap. Kaya nga ho isa ito sa aking plataporma na isinusulong: Isang Pamilya Tungo sa Pag-unlad. Dahil kung sama-sama at nagtutulungan ang isang pamilya, malayo ang kanilang mararating. At tayo rito sa ating distrito ay iisang pamilya. Kaya samahan ninyo akong tupurin ang pinakamimithi ko para sa ating distrito. Iyon ay ang sama-samang pag-unlad nang walang tinatapakan at nanatiling tapat na lingkod sa ating mga mamamayan. Asahan niyo po na hinding-hindi masasayang ang boto ninyo kapag ako ang inyong napili. Dadamayan ko kayo sa hirap man iyan o ginhawa.” Tumigil sandali si Rodrigo at nilingon ako.

ESCAPED Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon