In post-apocalyptic dystopian Luzon, the government called gay people "Aberrants". Homosexuality is considered an illegal act in the city known as Maharlika, and those who defy social norms will be imprisoned...or might be killed. For Tristan Rivera...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Napakaingay ng mga aso ngayon mula sa kalye at walang tigil sila sa pagtatahol kaya nagambala tuloy ang masarap kong tulog at napilitan akong bumangon sa aking kinahihigaan. Napasimangot ako dulot ng aking pagkainis. Kung puwede lang sana ay paluin ko ang mga asong iyon o kaya ay talian ang kanilang mga bibig ng lubid. Napipikon na talaga ako sa sobrang ingay nila. Kinusot ko ang aking mga mata na kasalukuyang nanlalabo. Anong oras na kaya ngayon? Medyo inaantok pa ako.
Ilang sandali ay naisipan kong bumangon at tumayo. Kumuha ako ng lighter at sinindihan ko ang aking lampara. Dinala ko ito at lumabas muna ako sa aking kuwarto upang tumungo sa aming kusina. Nag-ingat ako ng mabuti sa paglalakad at sinisigurado kong hindi ako makakagawa ng ingay sa kalagitnaan ng gabi dahil nakakahiya naman kapag nangyari iyon. Ayokong madisturbo sila nanay, tatay, at Jaycob.
Pagdating ko sa kusina, inilagay ko agad ang hawak kong lampara sa lamesa. Kumuha ako ng isang baso sa hapag at nilagyan ko ito ng tubig sa pitsel. Uminom ako sandali dahil ako ay nauuhaw at kanina pa nanunuyo ang aking dila. Nang ako ay tumingin sa bintana, may napapansin ako sa labas. Pinagmasdan ko ito ng mabuti. May bahay sa gilid namin at nakapatay na ang kanilang mga ilaw. Tiyak akong tulog na ang may-ari nito—pero bakit may tao pa roon sa kanilang labas? Nakatayo ito malapit sa kanilang bakuran.
Hindi ko makita ang kanyang mukha dahil nakatago siya sa dilim at para siyang nagmamatyag gaya ng isang pusa na nag-aantay ng kanyang mahuhuling daga. Napapansin ko ang galaw ng kanyang ulo, palinga-linga ito na tila may hinahanap. Sa oras na ito, kung sino man siya, dapat nasa loob na siya ng kanyang bahay dahil hindi na ito ang tamang oras para lumabas. Nilalabag na niya ang curfew at posible na mahuli siya ng mga troopers na gumagala ngayon sa aming lungsod. Kailangan ko siyang kausapin.
Matapos ang aking pag-inom, inilagay ko ang baso sa mesa. Kumuha ako ng kutsilyo at itinago ko ito sa bulsa ng aking pantalon. Hindi ko kilala ang taong ito, marahil ay mabait siya—o 'di ba kaya ay hindi kaya mas mabuti na 'yong may panlaban ako para maprotektahan ko ang sarili ko. Lumapit na ako sa pintoan at dahan-dahan kong binuksan ito. Ako'y nagmasid muna saglit sa paligid upang siguradohin na walang mga troopers na nagpapatrolya ngayon malapit sa aming lugar. Talagang malalagot ako nito kapag nahuli nila ako.
Ayon pa sa batas, kung sino man ang lalabag sa curfew ay mapapatawan siya ng penalty at iyon ay ang magpatrolya bente kuwatro oras sa labas ng pader sa loob ng tatlong araw. Hindi ka maaaring pumasok sa loob ng lungsod hangga't hindi mo nagagawa ang parusa. Ikaw na rin ang bahalang maghanap ng iyong makakain sa tatlong araw na iyon kung ayaw mong magutom.
Nakalimutan kong dalhin ang aking lampara pero hindi ko na ito binalikan pa. Maliwanag naman ang buwan at hindi masyadong madilim rito sa labas kaya panatag akong lumabas ng bahay. Dahan-dahan akong lumapit sa lalaki at mahinahon ko siyang kinausap.
"Magandang gabi po, ba't narito pa kayo sa labas? Hindi ba't curfew na?" malumanay na pagkakatanong ko mula sa misteryosong lalaki.
Hindi ito sumagot sa akin, tahimik lang siya. Hindi ko namalayan ang biglaang pag-atake ng isa pang lalaki mula sa likod ko at tinakpan nito ang aking bibig. Ang kabilang braso niya ay nakayakap sa akin bilang paraan nito upang pigilan ako. Nagpumiglas ako at sumigaw ng malakas pero hindi ko magawang maglabas ng boses dahil tinatakpan ng lalaki ang aking bibig. Kumawala ang misteryosong lalaking nagtatago sa dilim at lumapit ito sa akin. Sinuntok nito ang tiyan ko at sa pagtama ng kamao nito sa aking bituka, ako ay labis na nasaktan. Napaungol ako at kumirot ang ibabaw sa bahagi ng tiyan ko.