Huminto kami saglit ni Bryant sa cornfield nila Mang Cardo kung saan malapit lamang ito sa sakahan ni tatay. Malayo na kami mula sa syudad. Sa napapansin ko ay walang tao ngayon sa bahay nila Mang Cardo at ewan ko ba kung nasaan sila ng kanyang asawa, marahil ay nagpunta sila ng syudad. Nakasara kasi ang pinto at tahimik ang bahay nila, balak ko sanang bumisita sa kanila kahit sandali. Matagal ko na kasing hindi sila nakakausap.
Ikinabit ko ang lead ng aking kabayo sa puno bago ko iniwan si Onyx. Dumaan kami ni Bryant sa makitid na daanan ng cornfield at hinawi namin ang sumasagabal na mga dahon ng mais. Tinungo namin ang silo, isang mataas at pabilog na metal tower kung saan nakaimbak ang mga damo, mga butil, o iba pang mga sangkap. Nakatayo ang mga ito malapit sa taniman ng mga mais kaya malinaw na iniimbakan ito ngayon ng pira-pirasong mga kernels. Nang marating namin ito, umakyat kami sa hagdan at kami ay umupo sa tuktok nito.
"Takot ka pa rin ba sa heights?" tanong ko kay Bryant.
"Medyo—I mean, parang nasasanay na ako sa ganitong taas lalo na't ilang beses na tayong pabalik-balik dito. Dati ay pinipilit mo pa akong paakyatin sa silo na 'to para labanan lang ang phobia ko sa heights," sagot niya sa akin.
"Nagtatanong lang ako baka sakaling nag-improve ka na. Well, mukhang nag-iimprove ka na nga sa napapansin ko," ani ko sabay tawa ng marahan.
"Sa palagay ko ay nag-improve na nga ako—sana nga't magpapatuloy pa 'to," sabi ni Bryant.
"Pagbutihin mo pa dahil 'yan..." Sa eksaktong pagdaan ng military plane ay tinuro ko ito. "...kapag nasali ka sa recruitment at magiging isa kang trooper, sasakay ka diyan at makakapunta ka sa tuktok ng himpapawid. Sigurado akong toda max ang anxiety mo."
Napailing si Bryant na para bang nangangamba siya sa mga sinasabi ko. "Hindi pa ako sigurado diyan."
"Siguradohin mo, Mr. Acrophobic." Tinawanan ko siya muli. "Maliban na lamang siguro kung hindi ka mapapabilang sa final list ng recruitment. Doon mo masasabing ligtas ka."
"Sana nga mangyari 'yan dahil ayokong maging sundalo at saka hindi ko naman pinangarap na maging trooper. Lalo na't may lola pa akong aalagaan. Hindi ko siya kayang pabayaan," rason nito.
BINABASA MO ANG
Us Against the World: Part I [BxB]
ActionIn post-apocalyptic dystopian Luzon, the government called gay people "Aberrants". Homosexuality is considered an illegal act in the city known as Maharlika, and those who defy social norms will be imprisoned...or might be killed. For Tristan Rivera...