Narating ko din ang aming bahay sa wakas at pagkarating ko sa pintoan ay kumatok ako ng apat na beses sabay tawag sa aking mga magulang. Na-miss ko ang lugar namin, ang tagal ko kayang hindi nakabalik rito sa aming barangay at ang pagbalik sa tahanang kinalalakihan ko ay nakakapanghimok sa aking mga masasayang nakaraan lalo na ang kabataan ko. Gusto ko nang tumira ulit dito, sabik na sabik na kasi akong makasama muli ang pamilya ko pero sa tingin ko ay mukhang hindi na iyon mangyayari pa. Ito na yata ang huling araw na makakasama ko sila at 'di na ako makakabalik pa rito. Mami-miss ko silang tatlo.
Ilang sandali ay bumukas ang pintoan na siyang ikinatigil ko sa pagkatok. Si nanay ang nakita ko at nang makita niya rin ako ay napamulagat siya na para bang hindi siya makapaniwala na 'andito ako ngayon sa kanyang harapan. Marami akong gustong sabihin sa kanya ngayon subalit hindi ko alam kung saan ako magsisimula.
"Tristan?" sambit niya sa akin.
"'Nay," sambit ko naman sa kanya. Nagkatitigan kaming dalawa.
Mayroong tuwang gumuguhit sa kanyang mga labi pero may namumuo namang mga katanungan sa kuwestiyonable niyang mga tingin.
"Anak, bakit ka nandito?" nagtatakang tanong sa akin ni nanay. "At sino siya?"
"Magandang tanghali po sa inyo," bati ni Alex sa aking ina.
"Siya nga po pala si Alex, ang taga-pagturo sa aming training at sinamahan niya lang ako rito. Kinailangan kong umalis doon sa himpilan at umuwi rito sa bahay kasi may gusto po akong sabihin sa inyo," paliwanag ko sa kanya.
"Kung gano'n ay pumasok muna kayong dalawa rito at sa loob tayo mag-usap," aniya at pumasok naman kami ni Alex sa bahay.
Sinara ni nanay ang pintoan at tumungo kami sa silid ng sala. Napansin ko si Alex na nagmamasid sa paligid ng aming bahay habang ako naman ay lumakad palapit kay nanay upang kausapin siya ng masinsinan.
"Nasaan po ba si tatay, 'nay? Pati si Jaycob?" tanong ko.
"Iyong kapatid mo ay naroon sa kusina, naghuhugas ng pinggan. Ang tatay mo naman ay nasa kuwarto, nagbibihis ng suot dahil pupunta na siya ngayon sa kanyang sakahan-kakatapos lang namin mananghalian," sagot ni nanay sa akin. "Teka, kumain na ba kayo? Baka nagugutom kayo."
"Hindi na kailangan, 'nay. Hindi naman kami puwedeng magtagal rito," sabi ko.
"At bakit naman?" Napakunot-noo ang aking ina.
"Kuya," boses ng aking kapatid ang narinig ko mula sa aking likuran kaya nang ako ay mapalingon sa kanya ay nakita ko siya na nakatayo malapit sa pintoan ng kusina.
Naputol ang usapan namin ni nanay.
"Jaycob," nakangiti kong sambit sa kanya at agad akong lumapit sa aking kapatid.
Niyakap ko siya ng mahigpit sabay halik sa kanyang kabilang pisngi. Napansin ko na suot niya pa ngayon ang ibinigay kong kuwentas sa kanya. Mabuti naman ay hindi pa niya ito naiwala.
BINABASA MO ANG
Us Against the World: Part I [BxB]
AzioneIn post-apocalyptic dystopian Luzon, the government called gay people "Aberrants". Homosexuality is considered an illegal act in the city known as Maharlika, and those who defy social norms will be imprisoned...or might be killed. For Tristan Rivera...