TITULO: ANG HARANA NG PUSO
MAY-AKDA: AngelitaHerico
GENRE: ROMANCE
"NANAY?" Pati ekspresyon ng mukha ni Marge ay nagrereklamo dahil sa narinig.
"Nanay, ka riyan? Makinig ka! Papayag lamang akong ligawan ka ni Alvin, kapag ang sistema ng panliligaw noong araw ang gagawin niya!" Seryoso si Aling Marta.
"Nanay naman, moderno na ang panahon ngayon. Kailangan niya pa bang magsibak ng kahoy para panggatong, gayong sa gasul tayo nagluluto? Hindi niya rin kailangang mag-igib ng tubig kasi wala tayong poso o balon dito. May nawasa ho tayo!" Parang batang napapadyak pa si Marge.
Tatawa-tawa lang si Mang Pepito sa pagtatatalo ng mag-ina niya.
"Sinabi ko bang magsisibak at mag-iigib siya?"
Napamaang ang dalaga. "Eh, a-ano ho ang gagawin ni Alvin?"
"Manunuyo siya sa atin sa pamamagitan ng ibang gawain dito. P'wede siyang maglinis ng bakuran, magdilig ng mga halaman. Maglinis ng bahay. . . !"
"Gagawin ninyong atsoy si Alvin?" Nanlaki pa ang mga mata ni Marge.
"Iba ang atsoy sa nanunuyo, Margarita. At haharanahin ka rin niya!"
"Nanay?!" nagmaktol na si Marge. "Tatay, pigilan n'yo ang nanay sa mga sinasabi niya!"
Umupo ito sa tabi ng ama na nasa harap ng telebisyon, pero nasa nagtatalong mag-ina naman ang konsentrasyon.
"Hamo na siya, anak." Pampalubag loob ni Mang Pepito. "Mayro'n siyang dahilan kung bakit iyan ang ibig niya."
"Tungkol na naman ho ba ito kay Ate Sonya at kay Tiya Amor?"
"Hindi mo masisisi ang nanay mo. Sumunod ka na lamang, ha? Malay mo, mas makabuti iyon sa iyo sakaling magkatuluyan nga kayo ni Alvin."
"Para rin sa 'yo ang ibig kong mangyari, Margarita!"
Masama ang loob na pumasok na lang ng silid niya si Marge. Nahiga sa kama at itinuon ang mga mata sa kisame.
Beinte-tres anyos na siya. Kung tutuusin, puwede ng magdesisyon sa kan'yang sarili pero, parang sinasaklawan pa rin ng mga magulang niya ang gusto niyang gawin sa buhay, partikular ang nanay niya.
Sa modernong panahon ngayon, nakaugnay pa rin ang sistema nito sa sinaunang panahon. Sa paulit-ulit nitong kat'wiran, pagdating daw sa panliligaw, mas nagiging mahalaga raw ang babae sa lalaki kung ito ay pinaghirapang ligawan bago maging nobya o asawa. Kagaya nito sa tatay niya.
Hindi katulad kung ito ay nakuha lamang sa madaliang panunuyo, hindi raw panghihinayangan ng lalaking mawala sa buhay niya ang babaeng madali lang niligawan.
Pero para sa kan'ya, kung tunay ang pagmamahalan ng dalawang tao, panghihinayangan nilang mawala ang isa't isa, 'di ba?
"Tamo ang nangyari sa Tiya Amor mo? Nakipagtanan agad kay Berto gayong saglit na panahon lang siyang niligawan! Anong nangyari sa relasyon nila? Wala pang dalawang taon mula nang magsama sila, nambabae si Berto! Ipinagpalit siya sa mas bata sa kan'ya!"
BINABASA MO ANG
MAKALUMANG PAG-IBIG: Antolohiya ng Maiikling Kwento
Short StoryAng librong ito ay naglalaman ng mga akda ng iba't ibang manunulat na nagpasa sa palahok ng GOLDEN PEN para sa maikling kuwento. Ang lahat ng nilalaman nang librong ito ay may pahintulot ng may akda na ilangkop sa loob ng librong ito, bilang partis...