PAGSINTANG PURUROT

7 1 0
                                    

TITULO: PAGSINTANG PURUROT

MAY-AKDA: josahannbercasio

GENRE: ROMANCE/COMEDY

Si Cleng-Cleng ay isang dalaga na likas na pilya at masiyahin

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Si Cleng-Cleng ay isang dalaga na likas na pilya at masiyahin. Kaya naman kilalang-kilala ang dalaga sa kanilang baryo.

Kinagigiliwan siya ng lahat ng tao. Dahil kahit gaano man kahirap ang buhay ay napagsgaan ng dalaga ang sitwasyon. Kung minsan nga lamang ay nasosobrahan ito sa kapilyahan. Kaya naman palaging nakahanda ang baston na pamalo ng kaniyang abuela.

Kadalasan ay naghahabulan pa ang mag-lola hanggang sa plaza. Ang lahat naman ng taong nakakikita ay aliw na aliw.

Gaya na lamang isang araw. Kung saan nabulabog ang mga taga-baryo nang sumisigaw at galit na lumabas ng kanilang tahanan si Lola Maria. Hinahanap nito ang apo sa mga ka-baryo nila.

"Nakita ba ninyo ang aking magaling na apo?" tanong ng matanda sa mga ka-baryo na nasa isang kumpulan.

"Naku! Ano na naman ba ang ginawa ng inyong apo, Lola Maria?" tanong ng isa sa nasa kumpulan na si Aling Rosario.

"Mantakin ba namang gawing basahan ang aking salawal. Kaya pala hindi ko matagpuan kahit halos malibot ko na ang buong bahay," litanya ng nakapamewang pa na si Lola Maria.

"Pagpasensiyahan mo na ang iyong apo, Lola Maria. Alam naman ninyo na sadyang pilya lamang iyang si Cleng-Cleng," anito.

"Hayaan po ninyo sasabihan po namin kayo kapag aming po siyang namataan dito," anang isa pa.

"Mabuti pa nga at ako'y magluluto pa ng aming pananghalian. O, siya, maiwan ko na kayo," anang matanda saka bumalik sa kanilang bahay.

Nang tuluyan ng makalayo si Lola Maria ay siya namang paglabas ni Cleng-Cleng mula sa kaniyang pinagkukublihan.

"Salamat sa inyo aking mga maasahang kababaryo. Kung hindi ninyo ako pinagtakpan ay baka napilas na ng aking abuela ang aking s*ngit." Nakahawak pa sa kaniyang dibdib na turan ni Cleng-Cleng sa mga kababaryo.

"Ano na naman ba ang iyong naisipan at ginawa mong trapo ang salawal ng iyong abuela?" natatawang tanong ni Grasya sa kaibigan.

"Aba'y masusunog na kasi ang aking sinaing. Kaya naman kung ano na lamang ang aking unang nahagilap ay siya ko ng ginamit. Hindi ko naman akalain na salawal pala ng aking abuela ang aking nahagip sa sampayan," matawa-tawa pa na paliwanag ni Cleng-Cleng.

"Palibhasa'y puro kapilyahan ang laman ng kukote mo."

Agad na liningon ni Cleng-Cleng ang pinanggalingan ng komentong iyon. At ito ay nagmula sa binatang kaniyang kababata na si Fabio.

"Naku! Iyan ka na naman Fabio. Idadaan mo na naman sa panunuya ang iyong pagpapansin sa aking kagandahan." Sabay hawi ni Cleng-Cleng sa kaniyang mahabang buhok.

Umani naman ng tawanan mula sa kanilang mga kababaryo ang tinuran na iyon ng dalaga. Samantalang, hindi naman maipinta ang mukha ni Fabio.

"Sadya talagang malaki ang paniniwala mo sa iyong sarili," naiiling na wika ni Fabio.

"Naku! Pasasaan ba't aaminin mo rin ang iyong pagsintang pururot sa akin," anito na ikinalukot ng mukha ng binata.

Nagtawanan naman ang kanilang mga kaibigan at kababaryo na nakarinig sa sinabi ng dalaga.

"Kung ako sa iyo Fabio ay liligawan ko na itong si Cleng-Cleng bago ka pa maunahan ng iba. Balita ko ay may isang dayo pa naman na nais makilala itong si Cleng-Cleng," ani ng kaibigan ng binata na si Antonio.

"Aba'y akalain mong nakarating pa pala sa mga dayo ang taglay kong alindog?" hindi makapaniwalang turan ni Cleng-cleng.

Napaingos naman si Fabio sa narinig. "Siguradong malabo ang mata ng dayo na iyan."

Napanguso si Cleng-Cleng sa tinuran ng binata. "Kapag ika'y nagtapat talaga ng iyong pagsintang pururot sa akin ay mararanasan mo ang pagkabigo," wika ni Cleng-Cleng sa binata. "Ako ay hahayo na. Mukhang kailangan kong ipaglaba sa batis ng salawal ang aking abuela," hirit pa ng dalaga bago tuluyang umalis sa umpukan na iyon.

Tinotoo nga ng dalaga ang paglalaba ng salawal ng kaniyang abuela sa batis.

"Akalain ko ba'ng salawal pala ito? Kung bakit naman kasi mistulang malaking trapo itong salawal ng aking abuela," reklamo ni Cleng-Cleng habang nilalabhan iyon.

"Huh?" Natigilan ang dalaga nang may mauliningan itong kaluskos kaya agad siyang lumingon sa pinanggalingan nito. Mula roon ay lumitaw ang binatang si Fabio.

"O! Ano ang masamang hangin ang nagdala sa iyo rito?" tanong ng dalaga.

Napapakamot sa batok na nag-iwas naman ng tingin ang binata sa dalaga.

"Totoo ba ang iyong tinuran mo kanina?" tanong ni Fabio na hindi tumitingin sa dalaga.

"Ano sa aking mga tinuran kanina, ang iyong tinutukoy?" kunot ang noo na balik tanong ni Cleng-Cleng sa binata.

"Na ako'y makararanas ng pagkabigo kapag ako ay nagtapat ng aking pagsinta sa iyo?" nahihiyang tanong ni Fabio sa dalaga.

Natigilan naman si Cleng-Cleng sa tinuran ng kaharap.

"'Wag mong sabihin na ikaw nga ay mayroong pagsintang pururot sa kin?" hindi makapaniwalang tanong ni Cleng-Cleng.

Tanging tango naman ang naging tugon ng nahihiyang binata sa dalaga.

"Sinasabi ko na nga ba, eh! Idinadaan mo sa pagsusungit sa akin ang iyong pagsintang pururot mo na iyan."

Lalong namula ang mukha ng nahihiyang binata sa winika ng pilyang dalaga.

"Huwag kang mag-alala kahit ako'y iyong palaging sinusungitan, hindi naman nagbabago ang aking pagsintang pururot sa iyo aking mahal," animo kinikilig na iniipit ni Cleng-Cleng ang buhok sa kaniyang taynga.

Nagliwanag naman ang mukha ni Fabio sa narinig. "Ibig sabihin ay mayroon ka ring pagsinta sa akin?"

"Oo. Matagal na ang aking pagsintang pururot para sa iyo, Fabio," nahihiyang pag-amin ni Cleng-Cleng sa binata.

"Ibig sabihin ay maaari na akong umakyat ng ligaw sa inyo?" bakas ang kasiyahan na tanong ni Fabio sa dalaga.

Tumango naman si Cleng-Cleng bilang tugon.

Magmula nga nang araw na iyon ay nagsimulang umakyat ng ligaw si Fabio sa dalaga.

At kalaunan ay naging mag-asawa ang dalawa ng tumuntong sila sa hustong edad.

Ang pagsintang pururot nila sa isa't-isa ay nagbunga ng labin-dalawang supling.

MAKALUMANG PAG-IBIG: Antolohiya ng Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon