TITULO: PINTIG NG PUSONG MANGMANG
MAY-AKDA: ColaPrinsesa
GENRE: ROMANCE/DRAMA
Humahangos na nanakbo si Maraia sa makitid na daan patungo sa mansyon ng pamilya Buenavista. Isang magandang balita ang nais niyang ihatid kay Carlos, ang nag-iisang anak ng alkalde sa kanilang lugar na si Alkalde Patricio Buenavista.
"M-Maraia? Tila ika'y nagmamadali sa pagparito. May maipaglilingkod ba ako sa 'yo?" tanong ni Carlos.
Hindi nito inaasahan ang kaniyang presensya, panay ang lingon nito sa kaliwa at kanan. Nang matiyak na walang taong naroon ay hinawakan nito ang kaniyang kamay at hinila patungo sa kubling pwesto.
"C-Carlos . . . N-Natutuwa akong makita ka!" hinihingal niyang sabi. Taas-baba ang kaniyang dibdib, hindi pa nakababawi ng paghinga sa ginawang pagtakbo.
"Alam mo naman na hindi ka nais makita ni Papa, bakit ka pa tumungo rito? Hindi ka ba nangangamba sa maaari mong sapitin?"
Sinapo nito ang noo, dismayado sa kaniyang ginawa.
"Carlos . . . Magkakaanak na tayo! Buntis ako!" Hindi niya maikubli ang galak sa kaniyang tinig ngunit naging panandalian lamang ang ngiti niya sa labi.
Sinakbit nito ang kaniyang payat na braso, at saka mahigpit na hinawakan. Halos bumaon ang mga kuko nito sa kaniyang balat.
"Hindi ka maaaring magbuntis, Maraia! Batid mo na ako ang papalit sa posisyon ni Papa! Makasisira ang bata na iyan sa aming mga plano!" Mataas ang tinig nito.
Kilala ang pamilya nito pagdating sa pulitika kaya naman umiiwas na masangkot sa kahit na anong eskandalo.
Sinuklay nito ang bahagyang mahaba na buhok gamit ang hugis kandila na mga daliri. Maganda ang mga kamay nito, halatang hindi sanay sa mabigat na gawain.
Labis siyang nasaktan sa lantad nitong paghayag ng pagkadisgusto sa anghel na nasa kaniyang sinapupunan.
"Buntis ka, Maraia?!" Mistulang kulog na bumagasak ang tinig ni Alkalde Buenavista.
Nanginginig na nagtago si Maraia sa likuran ni Carlos sa takot na saktan siya nito. Una pa lamang ay tutol na ito sa kanilang relasyon.
"Ipalaglag mo ang bata! Malapit na ang eleksyon at hindi ako makapapayag na ang hampas lupa na kagaya mo lamang ang sisira ng lahat! Ipalaglag mo ang bata at layuan mo na si Carlos!"
"Papa!" may pagtutol na sigaw ng kaniyang kasintahan.
Tahimik na humikbi siya sa likuran nito. Umaasa na ipaglalaban siya, siya at ang kanilang magiging anak.
"Mamili ka, Carlos: ang maghirap kasama ang babaeng hampas lupa na iyan, o ang pamilya mo?"
Kagyat na natigilan si Carlos, pinigil ang luha na nais kumawala mula sa kaniyang nanginginit na mga mata. Ilang segundo pa ang lumipas bago ito pumihit paharap sa kaniya. Marahas na kinalas nito ang kaniyang kamay na nakahawak sa braso nito.
BINABASA MO ANG
MAKALUMANG PAG-IBIG: Antolohiya ng Maiikling Kwento
Short StoryAng librong ito ay naglalaman ng mga akda ng iba't ibang manunulat na nagpasa sa palahok ng GOLDEN PEN para sa maikling kuwento. Ang lahat ng nilalaman nang librong ito ay may pahintulot ng may akda na ilangkop sa loob ng librong ito, bilang partis...