IKAW AT AKO

9 1 0
                                    


Titulo: Ikaw at Ako

May-akda: Kristal Juaman

GENRE: ROMANCE

Bahagyang pinaglalaruan ni Evangeline Fairchild ang kaniyang maalon at mamula-mulang buhok nng kaniyang daliri, habang minamasdan ang napakagandang hardin sa labas

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Bahagyang pinaglalaruan ni Evangeline Fairchild ang kaniyang maalon at mamula-mulang buhok nng kaniyang daliri, habang minamasdan ang napakagandang hardin sa labas. Umihip ang malamig na simoy ng hangin na siyang nagpagalaw sa mga dahon ng matandang puno ng akasya, na siyang tanda kung hanggang saan ang sakop ng hangganan ng hasyenda, at nang kaparangan sa labas nito; kung saan tumutubo ang naggagandahang mga ligaw na bulaklak.

Ang pagtitipon-tipon at pagkakaroon ng mumunting salo-salo ay normal na maituturing sa mga maharlika at mayayamang tao sa lugar na iyon. Ito ang kanilang paraan upang palipasin ang buong araw na puno ng kasiyahan, na may kasamang paglilibang, at hindi mawawala ang k'wentu-k'wentuhan.

Ganoon na lang ang lakas ng tibok ng puso ni Evangeline, habang hinihintay ang pagdatal ng mga panauhin, lalong-lalo na ang pinakakinatatakutan, ngunit nais niyang makita; si Ginoong Daniel Harrington.

Matagal ng mortal na magkaaway ang pamilya ni Evangeline; ang mga Fairchild, at ang pamilya ni Daniel; ang mga Harrington. Hindi nila alam kung kailan nagsimula ang hidwaan sa pagitan ng dalawang pamilya, na kahit sa paglipas ng ilang henerasyon ay naging dala-dala ng kani-kanilang mga angkan sa mga pagtitipon na ginaganap katulad nito. Kung sabagay, parehong kilala ang kani-kanilang pamilya na may katigasan ang ulo. Inaabangan din nang marami ang pagsasama nila sa iisang pagtitipon dahil sa nagiging parang palabas sa isang teatro ang kanilang bangayan kapag nagkasalubong ang kanilang mga landas.

Bata pa lang ay tinuruan na si Evangeline na kamuhian niya ang mga Harrington, lalong-lalo na si Daniel. Pero katulad nga ng kasabihang "hindi natuturuan ang puso at madalas nitong suwayin ang lohika," ganoong-ganoon ang nadarama niya.

Nilapitan si Evangeline ng kaniyang nakatatandang kapatid na si Genevieve, "Kinakain ka na yata ng nerbiyos, Evangeline. Sigurado ka bang pagtitipon para sa mga maharlika ng kanayunan ang ihinanda mo at hindi isang pagtitipon para sa reyna?" saad nito sa kaniya na mayroong nakaguhit na nakalolokong ngiti sa mga labi.

Napabuga ng malakas na hangin si Evangeline, at binitawan ang nilalarong hibla ng kaniyang buhok. "Manahimik ka, Genevieve. Ikaw ang nagpumilit na gawin itong pagtitipon na ito."

"Mismo! Iyon ay upang makita at hangaan nang lahat ang aking napakaganda at bagong modelong sambalilo," saad ni Genevieve sa kainya na may makahulugang ngiti sa labi. "Ang aking sambalilo ang siyang magdadala ng liwanag sa lahat. Saka, sinong magkakaroon ng interes sa hidwaan ng mga angkan kung makukuha ng sambalilo ko ang pansin ng lahat at siyang totoong bida ng palabas?"

"Siya nga? Iyan nga kaya ang pinaka-importante sa lahat?" Iniikot ni Evangeline ang kaniyang mga mata.

Habang isa-isang nagsisidatingan ang mga bisita, ay unti-unti na ring napupuno ang hangin ng mga mahihinang pag-uusap. Nang makita ni Evangeline si Daniel na patungo sa kaniyang kinaroroonan; napakagwapo nito sa suot na mamahaling ternong amerikana at makintab na sapatos. At habang minamasdan ang ginoo, ramdam niya ang paglukso ng kaniyang puso. Pakiramdam niya ay may maliliit na paruparong nagliparan sa loob ng kaniyang tiyan.

"Binibining Fairchild," bati ni Daniel na bahagya pang yumukod sa kanya habang may kakaibang kislap ang mga mata. " Aaminin ko, naintriga ako sa iyong napiling lugar upang pagdausan ng pagtitipong ito."

Tumaas ang isang kilay ni Evangeline kasabay nang bahagyang pagtaas ng sulok ng kaniyang labi. "Bakit, Ginoong Harrington? Sinasabi mo ba na ang isang simple at napakagandang hardin sa kanayunan ay hindi makapapantay sa panlasa ng mga matataas na tao sa lipunan, kagaya ng mga Harrington?"

Tumawa nang bahagya si Daniel. Dahil doon ay pansamantalang nakalimutan nila ang tensyong namamagitan sa kanila. "Hindi sa ganoon, Binibining Fairchild. Kung tutuusin, ikinatutuwa ko ang iyong masusing pagpili ng lugar, lalo na sa ganitong panahon."

Napatingin sa kalangitan si Evangeline, kung saan ito ay bughaw na bughaw at walang bakas ng kaulapan. "Ah, tama ka. Tamang-tama ang tiyempo ng pagtitipon sa napakagandang panahon."

"Umasa nga akong may makikita akong maliit na arena para sa boksing o kaya naman ay sa pagsasanay para sa digmaan."

Muling umangat ang isang kilay ni Evangeline pati na ang sulok ng kaniyang labi, "Ibig mo bang sabihin na ang napili kong lugar, ay lugar upang makidigma at hindi lugar ng isang kagalang-galang na pagtitipong katulad nito?"

Muling natawa si Daniel. "Hindi mo masasabi. Kailangang maging maingat pa rin sa pagdalo sa mga ganitong away-pamilyang pagtitipon. Baka kahit ang mga tinapay na may palamang pipino ay may langkap na lason."

Lumiwanag ang mukha ni Evangeline at napabunghalit siya ng tawa. "Kunsabagay, may punto ka roon. Mag-iingat ka sa pandesal; masyado silang mapanglinlang."

Ngumiti si Daniel. "Tama. Inaamin kong labis akong natutuwa sa mga palabas. Naniniwala akong sa taong ito ang pinakatampok na palabas ay sasamahan ng madramang pagkawala ng malay."

Hindi inaasahang lalong napahagikhik si Evangeline. "Oo, aaminin kong inaabangan ko ang madramang pagbagsak ni Ginang Somerset. Dinig ko nga ay pinag-aralan niyang maigi ang kaniyang pagkahilo."

Habang nagtatagal ang pagtitipon-tipon ay patuloy sila sa kanilang mumunting biruan, tungkol sa kung ano ang nakalalamang sa prosa at mga tula. Napatitingin sa gawi nila ang mga taong nakapaligid at hindi makapaniwala sa nakikitang pagkakasundo ng dalawang miyembro ng magkaaway na pamilya.

Nang sumapit ang dapit-hapon, at ang liwanag ng papalubog na araw ay humahalik sa kabuuan ng hardin; natagpuan nila Evangeline at Daniel ang kanilang mga sarili na nakaupo sa isang tagong upuan sa ilalim ng puno nang champaca. Tuluyan nang nawala ang tensyong nababalot sa kanila na likha ng awayan ng kanilang pamilya.

"Alam mo, Binibining Fairchild, hindi ko inaasahan ang talas ng iyong isipan," saad ni Daniel na nakapaskil ang napakatamis na ngiti sa labi.

Nag-init ang mukha ni Evangeline, pakiramdam niya ay napakalakas ng kabog nang kaniyang dibdib. "At ikaw din, Ginoong Harrington, hindi ko inaasahang hindi ka rin naman ganoon kasama katulad ng sinasabi nila."

Natawa si Daniel. "Isang malaking karangalan. Kailangan kong panindigan ang aking reputasyon. Hindi mo ba napapansin na palihim na ginagawa ng ating mga pamilya ang lahat upang mahigitan ang isa't isa sa pamamagitan ng walang katuturang pagtatalo?"

Tinakpan ni Evangeline ang bibig upang pigilan ang pagtawa. "Siyang tunay, Ginoong Harrington. Naniniwala ako na sila ay gumagawa nang mga lihim na pagtitipon upang mapag-usapan ang kanilang mga plano kung paano galitin ang isa't isa."

Habang patuloy sa pagtatakip-silim na nagbibigay ng kakaibang liwanag sa harding kinaroroonan nila, hinarap ni Daniel si Evangeline. Napipinta sa mukha nito ang mapaglarong ngiti. "Binibining Fairchild, inaamin ko, nasisiyahan ako sa mala-komedyang pag-aaway ng ating mga pamilya."

Ngumiti si Evangeline. Ang lakas ng tibok ng kaniyang puso ay may halong kasihayan at isang bagay na ayaw niyang pangahasang pangalanan. "At ako, Ginoong Harrington, ay nag-aatubiling amin na ang iyong presensiya ay bahagyang. . . mapagtitiisan."

Hinawakan ni Daniel ang kaniyang dibdib at umaktong kunwari ay nasaktan. "Mapagtitiisan? Binibining Fairchild, sinaktan mo ako! Sisikapin kong sa mga susunod na pagkakataon ay makapasok na ako sa pamantayan ng taong iyong 'ikinasisiyang makasama'."

Sabay pa silang natawa sa kanilang mga sinabi. Naputol ang kanilang tawanan nang marinig nila ang isang malakas na pagsinghap mula sa di-kalayuan. Paglingon nila ay nakita nila si Ginang Somerset na nakatingin sa kanila nang may pang-uuyam, habang eksaheradang pinapaypayan ang sarili.

"Isang malaking iskandalo!" bulalas ni Ginang Somerset.

Nagkatinginan sa isa't isa sina Evangeline at Daniel, saka sabay na nagkatawanan. Sinakop ang kalangitan ng liwanag ng mga bituin. Sabay silang tumayo, ni walang tensyong namamagitan. Nakalimutan na ang hidwaan, sa halip isang bagong ugnayan ang nabuo sa pagitan ng kanilang malutong na tawanan. Tuluyan na nilang tinalikuran ang senaryo ng away ng kani-kanilang pamilya. Sa halip, hinarap nila ang panibagong kuwentong nabuo sa hindi inaasahang pagkakaibigan at pangako ng pagsibol ng pag-ibig na siyang sumuway sa lahat ng 'ekspektasyon'.

MAKALUMANG PAG-IBIG: Antolohiya ng Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon