HIMIKO: AISHETERU

10 4 0
                                    

PAMAGAT: HIMIKO: Aisheteru

MAY-AKDA: itchay0725

GENRE: ROMANCE/DRAMA

Masiglang tawanan at usapan ang bumungad sa aking pandinig nang imulat ko ang aking mga mata

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Masiglang tawanan at usapan ang bumungad sa aking pandinig nang imulat ko ang aking mga mata. Pumapaimbabaw sa lakas ng halakhakan ang hiyawan at harutan nang mga batang naglalaro sa hardin. Gumuhit ang ngiti sa aking labi habang mataman ko silang pinakikinggan. Ah, isa itong napakagandang musika para sa akin. Hindi ko lubos-maisip na magkakaroon ako ng ganito kalaki at kasayang pamilya.

Ni hindi pumasok sa aking hinagap na mararanasan ko ang ganitong kapayapaan at kasiyahan noong aking kabataan. Parang kailan lang nang iniatang ko ang aking sarili at sumali sa Hukbalahap upang palayain ang Pilipinas sa pananakop ng mga Hapon. Nuong mga panahong iyon ay wala akong ibang pangarap kung hindi ang makalaya ang Mahal kong Pilipinas at ang mga Pilipino sa talim ng kuko nang mga Hapon; kahit ang kapalit pa ay ang aking buhay.

"Iwan mo na ako dito," saad ko kay Arturo, ang 'nars' na itinalaga sa akin ng mga anak ko upang alagaan ako. Katatapos niya lang akong paliguan at bihisan. Ngayon nga ay tulak-tulak niya ako sakay ng makabagong upuang de-gulong na kaloob ng isa sa mga anak ng kambal. Kalalabas lang namin ng aking kuwarto.

"Hindi ho ba kayo tutuloy sa labas, 'Tay Ignacio? Naroon na po ang buong pamilya ninyo," malumanay na pahayag sa akin ni Arturo.

"Gusto ko munang manatili saglit dito. Tawagin na lang kita ulit maya-maya para ilabas ako."

Marahang tango ang isinagot ni Arturo sa akin, saka niya ako tuluyang iniwanan sa sala; sa harap ng isang kupas na larawan nang aking namayapang esposa.

Alam ko namang hindi tuluyang lalayo si Arturo sa tabi ko.

Iniangat ko ang aking nanginginig na kamay upang mahaplos ang larawan ng aking pinakamamahal. Marahan kong isinandal ang aking noo sa kaniyang kuwadro, na wari nakahimlay sa kan'yang mga braso.

"Himiko, mahal ko," bulong ko sa kan'yang litrato. "Hintayin mo ako, Mahal ko. Malapit na tayong muling magtagpo. Tinupad ko na ang aking pangako, sinunod ko ang habilin mo. Handa na akong sumunod sa piling mo. Ako'y nangungulila na sa 'yo. Panahon na para tayong dalawa naman ang maging maligaya sa piling ng isa't isa. Mahal na mahal kita aking esposa."

Ako nga pala si Ignacio Dela Cruz, ngayon ang aking ika-siyamnapu't pitong kaarawan; at ito ang kuwento ng pag-ibig ko.

Taong 1943

"Anak gising!" may himig ng pagkabalisa at pagmamadali sa tinig ng aking ina, kaya agad akong napabalikwas ng bangon.

"Bakit po, Inang?" pupungas-pungas na tanong ko.

"Sssh!" saway nito sa akin, sabay takip niya sa bibig ko.

"I-Inang?" nanlalaki ang mga matang mahinang tanong ko kahit na takip-takip pa rin niya ang bibig ko. Sumenyas lamang siya sa akin na tumahimik at pakinggan ang paligid. Nakarinig ako ng mga yabag sa hindi kalayuan, papalapit nang papalapit ang mga iyon sa aming kubo.

MAKALUMANG PAG-IBIG: Antolohiya ng Maiikling KwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon