TITULO: KARUGTONG NG KAHAPON
MAY-AKDA: GaelAragon_22
GENRE: ROMANCE/DRAMA
"Estrella. . . Estrella. . . Gising. Nanunungaw na ang liwanag sa silangan nakabinbin ka pa sa higaan mo."
Napabalikwas ng bangon si Estrella at agad na hinarap ng bagong mulat na mga mata si Celia. Isa ito sa kasamahan niyang tagasilbi sa mansyon ng mga Herrera na halos kasing-edad niya.
"Hinahanap ka na ni Senyora Adelaida. May lalakarin raw kayo ngayong umaga," wika nito.
Tumango siya. May pagmamadaling hinagilap niya ang tuwalya sa bintana ng kanilang tinutuluyan. Hindi pa siya tumagal ng limang minuto sa palikuran. Kagyat niyang isinuot ang blusang puti at katerno nitong saya na itim, bago tinungo ang matandang senyora sa sala.
"Estrella, hindi ba kabilin-bilanan ko sa iyong maaga tayo ngayon?" sita sa kaniya ng senyora. Bihis na bihis na ito ng ternong baro't saya na tanging mga may-kaya lang sa buhay ang makabibili. Hawak nito sa isang kamay ang isang pamaypay na palagi nitong dala kahit saan magpunta.
Nakatungong tumango siya. "P-Paumanhin po, Senyora. Nakaligtaan ko ang oras."
Iwinasiwas nito ang kamay at walang salitang nauna nang lumakad palabas ng bahay. Lumulan ito sa nakaabang na kalesa. Nakatungo pa ring sumunod siya rito bitbit ang puting payong sa isang kamay. Sa limang tagapagsilbi ng mga Herrera, siya ang napili ng senyora na maging alalay nito. Anito'y listo siya kung kumilos at madaling makaintindi.
Ganito ang buhay niya araw-araw. Mag-iisang taon na siyang naninilbihan sa mga Herrera, na kung tutuusin ay mabubuting tao sa mga kagaya niya. Kaya nga sa halip na mag-uwian siya sa kanila ay roon na siya pinatuloy ng matandang senyora. Menos gasto raw iyon. Umuuwi lamang siya isang beses sa isang buwan.
Hindi naman mahirap pakisamahan si Senyora Adelaida. Iyon nga lang, mahigpit ito sa oras. Palibhasa, wala namang itong kasama sa buhay kung hindi silang mga tagasilbi nito. Nasa malayong lugar ang mga anak nito na parehong nag-aaral. Minsanan lang sa isang taon kung dalawin ng mga ito ang ina. Ang asawa naman nito ay may tatlong taon na ang nakararaan magbuhat noong mamatay.
Maghapon ang lumipas na kung saan-saan sila nagtungo ng senyora. Naroong nakipagkita ito sa mga kaibigang alahera, pati na sa opisyales ng gobyernong nakasasakop sa lugar nila. Nagnanais ang matandang senyora na maragdagan pa ang pwesto ng alahasan nito sa kanilang bayan. Iyon ang negosyong naiwan ng yumaong asawa.
Gabi na nang makauwi sila sa mansyon. Sa pagbungad nila sa malaking pintuan ay isang bulto ang naratnan nila roon. Nasa gitna ito ng sala at nakatalikod sa kanila, habang iginagala ang mga mata sa ikalawang palapag.
"Dios Mio! Eduardo, hijo!" malakas na bulalas ni Senyora Adelaida na ikinalingon ng tinawag nito.
Tumambad sa kaniya ang mukha ng matikas na ginoong naroroon. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang panganay na anak ni Senyora Adelaida na nag-aaral sa Maynila.
BINABASA MO ANG
MAKALUMANG PAG-IBIG: Antolohiya ng Maiikling Kwento
Short StoryAng librong ito ay naglalaman ng mga akda ng iba't ibang manunulat na nagpasa sa palahok ng GOLDEN PEN para sa maikling kuwento. Ang lahat ng nilalaman nang librong ito ay may pahintulot ng may akda na ilangkop sa loob ng librong ito, bilang partis...