KABANATA 1

87 10 0
                                    

"BAKUNAWA!"

Nagimbal ang paligid nang isang sigaw ang sumira sa katahimikan ng gabi. Isang batang lalaki ang nagsisigaw at nagtatakbo upang katukin ang pinto sa bawat bahay sa nayon ng Sansinukob.

"Ano ba iyon, Tino? Kay lalim na nang gabi, ika'y nambubulabog pa," saad ng matandang lalaking sa tingin ay nasa singkwenta anyos na.

"Ka Nestor , may bakunawa!" humahangos na saad ni Tino habang itunuturo ang direksyon ng dagat.

Gulat na napatingin sa kaniya si Ka Nestor sabay tingin sa dragon na unti-unting umaahon patungong langit.

"Saan po kayo tutungo?" dagliang tanong ni Tino nang makitang pumasok itong muli sa loob ng kanilang tahanan. Kasunod niyon ang isang sigaw ng isang babae.

"Ikaw naman ay maghinay-hinay, Nestor! Huwag---," hindi na natapos ng asawa nito ang kaniyang sinasabi nang sinagot siya ng asawa pabalik.

"Mahabaging Bathala,Mila! Maghinay-hinay? Ilang pagpapakumbaba na ang ginawa natin ngunit hindi pa rin natitinag ang pist*ng dragon na iyan! Nauubos na ang buwan sa kalangitan, kayo ba'y hindi natatakot na mabalot ang mundong 'to ng kadiliman?!" nanggagalaiting sambit ni Ka Nestor dahilan upang magising ang mga tao at magsipaglabasan na rin sa kanilang mga tahanan.

Nagulat ang mga tao nang makita ang dragon na unti-unti nang nililingkis ang isa sa mga buwan sa kalangitan dahilan upang mabawasan ang liwanag sa kanilang paligid.

Saglit na natahimik ang asawa ni Ka Nestor sapagkat tunay ang sinasabi ng kaniyang asawa. Tatlong buwan na lamang ang natitira sa kalangitan at ngayon ay magiging dalawa na lamang. Nauubos na ang pitong buwan na ipinagkaloob sa kanila ni Bathala upang magbigay gabay at liwanag sa kanila.

"Ngunit iyong nababatid ang kapahamakang dulot ng gagawin mong 'yan! Ikaw ba'y hindi natatakot sa maaaring mangyari sa'yo?" saad ni Mila habang unti-unti nang lumalandas ang mga luha sa kaniyang pisngi.

"Ako'y hindi natatakot," matapang na sagot ni Ka Nestor at saka humakbang papalabas dala ang palaso, paltik, lubid, at mga itak.

Nakakailang hakbang pa lamang si Ka Nestor nang mapatigil siya dahil sa sinabi ng kaniyang asawa.

"Maaaring hindi mo nga pinapahalagahan ang iyong buhay ngunit paano kami, ako, ang iyong mga anak?" saad nito habang matamang nakatingin sa asawa na ngayon ay nanatiling nakatalikod sa kaniya.

"Gagawin ko ito para na rin sa inyo... Hindi ko hahayaang mabalot ng kadiliman ang mundong ito, sa paraang iyon man lamang ay masiguro kong ligtas kayong mamumuhay dito nang walang bahid ng takot sa tuwing naririnig ang pangalan ng dragon na iyon," tuloy-tuloy nitong saad habang pinipigilan ang luhang nais lumandas sa kaniyang mga mata.

"Sa tingin mo bang iyan ay makikita pa namin ang liwanag sa mundong ito kung sakaling may mangyari masama sa'yo? Para saan pa ang liwanag na ibibigay samin ng buwan kung wala na ang saya at kulay sa aming mga mata?" saad ng asawa dahilan upang matahimik na lang siya. Lubos na tumatagos sa kaniyang puso ang sinasabi ng asawa.

"Alam kong batid mo na maging ako ay nababahala sa usaping iyan ngunit pinipigilan ko ang aking sarili sapagkat may pinanghahawakan ako... Hindi naman masama na pangunahan ng takot lalo na't ang mga mahal mo sa buhay ang nasasakdal, hindi ba?" saad ng asawa dahilan upang mabitawan na lamang ni Ka Nestor ang hawak nitong mga armas. Tuluyan nang lumandas ang luhang kanina pa niya pinipigilan. Batid niyang sa pagkakataong ito ay wala na siyang magagawa pa.

Napatingin na lamang siya sa kalangitan kung saan unti-unti nang nilalamon ng dragon ang isa sa tatlong buwan. Sa pagkakataong iyon ay batid niyang wala na siyang magagagawa pa.

The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon