KABANATA 5

39 8 0
                                    

"ALING SELIA! Si Ka Nestor!" Napatigil sa pagliligpit ng pinagkainan si Aling Selia nang marinig nila ang sinabi ng kaniyang kapit-bahay na ngayon ay nasa kanilang pintuan at tila humahangos.

"Bakit? Anong nangyari kay Nestor?" nagtatakang tanong ni Aling Selia at saka binigyan ng isang baso ng tubig ang lalaki. "Uminom ka muna ng tubig upang ikaw ay mahimasmasan," saad niya pa, agad naman itong tinanggap ng lalaki.

"Maraming salamat, Aling Selia," saad ng lalaki at saka ininom ang tubig. Napahinga ito ng malalim at saka inabot ang baso kay Aling Selia.

"Si Ka Nestor po, kailangan niya ang inyong tulong," usal nito dahilan upang nagtatakang napatingin muli sa kaniya si Aling Selia. Samantalang nagtatakang nagkatinginan naman sina Mayari at Tino. "N-natagpuan po siyang sugatan at punong-puno ng dugo ang katawan," nangangatal nitong saad dahilan gulat ang mamutawi sa mukha ni Aling Selia at napahawak na lamang sa kaniyang dibdib.

"Oh, Mahabaging Bathala!" hindi makapaniwala niyang saad. Nang matauhan ay agad niyang inilapag ang hawak niyang baso at agad nagtungo sa kusina. Agad naman siyang sinunandan nina Mayari at Tino.

"Kayong dalawa, tulungan ninyo akong hanapin ang aking panakip sa bibig" utos niya habang abala siya sa paghahanda ng kaniyang mga gamit sa panggagamot. Agad namang sinunod ng dalawa ang ipinag-utos ng matanda.

Hindi batid ni Mayari kung ang hawak niyang tela ang tinutukoy ng matanda ngunit base sa ibinigay na paglalarawan ni Tino ay ito ang pinakamalapit kaya kahit hindi sigurado ay inabot pa rin niya ito kay Aling Selia.

"Salamat, Hija," saad niya at saka isinuot ito at bahagyang pinasan sa loob ng kaniyang mga bisig ang sisidlan na naglalaman ng kaniyang kagamitan. "Kumpleto na," dagdag niya pa at saka nagtungo sa labas kung saan naghihintay pa rin ang lalaki.

"Nasaan siya?" tanong ni Aling Selia dahilan upang agad na ituro ng lalaki kung nasaan si Ka Nestor at nauna nang maglakad.


"KAHABAG-HABAG," nangangatal na saad ng isang babaeng kapwa nasa lupon ng mga taong nakikiusisa sa kalagayan ni Ka Nestor.

"Hindi maatim ng aking sikmurang tingnan pa," nandidiring saad pa ng isa at saka marahang hinawi ang mga tao upang lumayo sa lupon na iyon. Agad namang nabuhayan ang kaniyang mata nang matanaw sina Aling Selia kasunod sina Mayari at Tino.

"Si Aling Selia!" saad niya dahilan upang mapalingon ang mga tao sa kaniyang direksyon at kapwa napangiti nang matanaw nila ang pigura ng matandang manggagamot.

"Bigyan ninyo ng daan si Aling Selia," saad ng isa na agad namang ginawa ng karamihan. Dali-dali silang tumabi at pinaupo ang matanda na agad namang sinuri ang kalagayan ng lalaking sugatan. Kasalukuyan itong may malay ngunit kinakapos ang bawat paghinga, madami na ring dugo ang tumagas sa kaniyang katawan.

“Maililigtas niyo po ba ang asawa ko, Aling Selia?” puno ng pag-aalalang tanong ni Camila na ngayon ay nakahawak sa kamay ni Ka Nestor na namula na rin dahil sa dugo.

Napatingin naman sa kaniya si Aling Selia at saka payak na hinawakan ang balikat nito upang pakalmahin ito.

“Hindi ko nasisiguro ngunit susubukan ko,” payak siyang nagpakawala ng isang ngiti upang palubagin ang loob ni Camila. Marahang tumango naman sa kaniya ang babae at saka muling tumingin sa kaniyang asawa, hindi niya maiwasang maluha dahil sa nakakagimbal na sinapit nito.

Samantala, napahinga rin ng malalim si Aling Selia bago tumingin din sa kasalukuyang kalagayan ng kaniyang pasyente.

"Ibigay niyo sa akin ang piraso ng telang nariyan," utos ni Aling Selia at saka marahang itinaas ang kaniyang kamay sa direksyon nina Mayari habang nananatiling nakatuon pa rin sa lalaki ang kaniyang tingin.

The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon