TAHIMIK ang paligid habang payapang tinatanaw ni Mayari ang puno ng buhay sa may hindi kalayuan. Kasalukuyan siyang nakaupo sa isang silyang kaharap ang bintana.
Isang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan, kasabay ng pagtantong ilang buwan pa ang kaniyang hihintayin bago sumapit ang taglagas.
Akmang tutunguhin niya ang silid ni Tala upang doon muna magpalipas ng sandali ngunit napatigil siya nang mahagip ng kaniyang mata ang pigura ng kaniyang kapatid na si Apolaki. Mayroon itong kausap na lalaki ngunit hindi na kailangang hulaan iyon ni Mayari dahil batid na niya kung sino ito base lamang sa haba at kulay ng buhok nito.
Saglit na nanliit ang mata ni Mayari nang masaksihan niya kung paano tumawa ang dalawa matapos masaksihan ang .... Hindi niya alam na kakilala pala ni Apolaki ang kapatid ni Catalina.
Ilang minuto pa niya silang pinagmasdan at habang tumatagal ay hindi niya maiwasang makaramdam ng kirot sa kaniyang puso. Buong buhay niya ay hindi sila kailanman nginitian nang ganon ng kanilang kapatid at ngayon ay hindi niya rin mabatid kung bakit malaya itong nagagawa ni Apolaki sa isang hamak na nilalang na si Bakunawa.
Maya-maya pa ay biglang napalingon sa kaniya si Bakunawa. Marahan itong tumango sa kaniya at nagpakawala ng ngiti.
Napaiwas naman siya ng tingin at diretso nang umalis sa tapat ng bintana, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya magawang limutin ang ginawa nitong panggugulo sa kaniyang Elapsus locus.
"HINDI mahahawi ang lahat ng ulap kahit gaano katagal ka pa tumitig riyan," saglit na napatalon si Mayari sa kaniyang pagkakaupo sa malaking bato nang marinig niya ang pamilyar na boses na iyon. Kasalukuyan siyang nasa Elapsus Locus at tinatanaw ang mundo ng mga mortal.
"Upang magawa mo siyang masilayan ng malapitan, kailan mong patirin ang distansiyang namamagitan sa inyong dalawa," dagdag pa ni Bakunawa. Hindi na lamang sana siya papansinin ni Mayari ngunit napatigil siya nang bigla itong umupo sa kaniyang tabi.
Kumunot ang noo ni Mayari ngunit tila hindi ito napansin ni Bakunawa dahil nagpakawala lamang ito ng isang ngiti.
"Magandang araw sa'yo, Diyosang Mayari," pagbati nito. Sa pangalawang pagkakataon ay napaiwas na lamang muli ng tingin si Mayari at payak na tinanaw ang mundo ng mga mortal sa ibaba.
"Nasasabik ka na rin bang makita ang aking kapatid?" usisa nito ngunit nanatiling tahimik si Mayari. Buong akala niya ay titigil na ito sa pagsasalita ngunit muli na naman itong nagwika. Sa pagkakataong ito ay nakatungo na siya.
"Pakiramdam ko ay parehas tayo ng nararamdaman," panimula niya at marahang tumunghay upang tingnan rin ang mundo ng mga mortal. "Isang napakadelikadong misyon ang kaniyang gagawin at hindi ko maiwasang mag-alala," saad niya. Lihim namang napatingin sa kaniya si Mayari at pinasadahan ng tingin ang mukha ni Bakunawa.
"Wala akong problema sa mga mortal dahil namamalagi naman ang kabutihan sa kanila ngunit sa mundong iyon ay hindi lamang sila ang kaniyang makakasama," napalingon sa kaniya si Bakunawa dahilan upang agad siyang mapaiwas ng tingin.
"Doon rin nananahan ang iba't-ibang nilalang na nasa kampon ng kadiliman," pagpapatuloy niya pa. Sa tono ng pananalita nito ay hindi na maitatago pa ang kalungkutan at labis na pag-alala.
BINABASA MO ANG
The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)
FantasíaMayari, which was the daughter of Almighty Bathala and the Goddess of Moon was given a mission concerning the mortal world. In order to put end to the continuous disappearance of the seven moons granted by her father in order to help humans see even...