KABANATA 7

31 9 0
                                    

"TAO po!"

"Nasaan tayo?" nagtatakang tanong ni Bakunawa habang inililibot ang kaniyang tingin sa paligid. Nasa pusod sila ng kagubatan at matatanaw mula sa hindi kalayuan ang isang bahay na nasa itaas ng puno, maliit at napapalibutan ng mga gumagapang at ligaw na halaman. Ang mga halaman naman sa palibot nito sa ibaba ay tuyot na at tila malabo nang mabuhay pa. Kung titingnan ay tila isa itong abandunadong bahay.

"Tinatanong niyo po ako kung may kilala akong manghuhula, ito na po ang kaniyang tahanan," napatingin si Mayari sa direksyon ni Tino nang sambitin niya iyon. Samantalang napakunot naman ang noo ni Bakunawa.

Pinasadahan nito ng tingin ang estado ng tahanang kaharap. Halos hindi na mabilang sa daliri ang bilang ng mga bahagdang nawawala at tila nasira na sa hagdan paakyat dito. Hindi rin maipagkakailang ilang buga na lamang ng hangin ay lilipadin na ang pawid na bubong nito.

"Ikaw ba ay nakatitiyak na hindi mo kami niloloko, bata?” seryoso nitong usal.

“O-opo, ginoo,” nauutal na sagot sa kaniya ni Tino. Hindi niya maiwasang matakot sa ginoong kaharap dahil sa mga matatalim na tingin na ibinabato nito sa kaniya.

Agad napatago si Tino sa likod ni Mayari nang humakbang papalapit sa kaniya si Bakunawa.

“Tiyakin mo lamang na hindi ka nagsisinungaling dahil sa oras na mangyari 'yon, sisiguraduhin kong ibibitin kita ng patiwarik at hindi ka na makakalabas pa ng buhay dito,” pagbabanta nito sa kaniya dahilan upang mas lalong siklaban ng takot si Tino. Napahawak pa ito nang mahigpit sa manggas ni Mayari. 

Akmang magsasalita pa si Bakunawa upang.. ngunit napatigil siya nang magsalita si Mayari.

“Tama na iyan,” awat nito sa kaniya at saka tumingin kay Bakunawa. “Huwag mo nang takutin pa ang bata,” saad niya at saka nagpatuloy na sa paglalakad.

“Tsk,” singhal ni Bakunawa at saka bugnot ang moong sumunod na lamang din kay Mayari at Tino na nakahawak pa rin sa kamay ng kaniyang Ate.

"Ako'y nakatitiyak, Ate. Bihasa at kilalang magaling na manghuhula itong si Matang Lawin, nagpahula na ako minsan sa kaniya dahil halos magiba na ang bahay namin dahil nawalan ng alahas si Tiyang," pangungumbinse ni Tino sa kaniya. Napahawak pa ito sa kaniyang nananaas na balahibo sa balikat dahil sa kaniyang pagbabalik-tanaw.

"Ganoon ba? Kung gayon ay saan ni'yo natagpuan?" usisa ni Mayari dahilan upang mapailing na lamang si Tino.

"Nakaligtaan lamang pala niyang tanggalin noong siya ay maglilinis na ng kaniyang sarili. Sa katakutan niyang mangupas iyon ay pinili na lamang niyang ilagay iyon sa likod ng tapayan," umiiling nitong saad dahil talagang hindi niya maunawaan ang pag-iisip ng kaniyang Tiya. Napatawa na lamang si Mayari dahil nararamdaman niyang magsisimula na namang magreklamo si Tino sa kaniyang Tiyahin.

"Mabuti na lamang talaga at madami akong kakilala na napagtanungan hanggang sa maituro nila si Matang Lawin, natapos rin sa wakas ang ilang araw kong pagkabingi dahil sa kabi-kabilang pagsigaw ng aking Tiyang," saad pa niya at matamang pinagdaop ang kaniyang mga palad. Maya-maya pa unti-unti itong napatungo nang maalala ang insidente noong isang gabi.

Napansin naman iyon ni Mayari dahilan upang marahan niyang pispisin ang likod ng bata.

“Huwag kang mag-alala, maghahanap rin natin si Aling Selia,” pagpapalubag-loob nitong saad. Unti-unti namang napatango sa kaniya si Tino at hinawi ang luhang namumuo sa kaniyang mata.

Napairap naman si Bakunawa sa kaniyang nasaksihan.

“Maaari bang mamaya niyo na gawin 'yan? Bukod sa nandidiri ako, nangangati na rin ang aking balat sa mga 'to!” puna ni Bakunawa at saka bugnot na hinawi ang mga nagtataasang talahib.

The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon