KABANATA 4

57 8 0
                                    

TIRIK ang araw at kasalukuyang naglalakad si Mayari pabalik sa tahanan ni Aling Selia. Kagagaling lamang niya mula sa palengke upang mamili ng mga gulay ay habilin nito. Saglit siyang napahinto nang mapadaan siya sa harap ng isang batang nagsisigaw habang nakatingin sa may itaas ng puno.

"Ginoo! Bitawan niyo na po iyan, pakiusap!" pagmamakaawa ng bata dahilan upang mapatingala si Mayari sa itaas. Doon ay nakita niyang nakaupo si Bakunawa sa may sanga ng puno habang hawak-hawak nito ang tansi ng papagayo upang pigilan ito sa paglipad.

Nanatili namang nakapikit ang mga mata ni Bakunawa na tila ba wala siyang naririnig dahilan upang magsimula nang umiyak ang
bata na nasa ibaba.

"I-isusumbong ko kayo sa nanay ko!" hihingal-hingal nitong saad.

"Magsumbong ka, wala akong pakialam," walang pakundangan na tugon ni Bakunawa at saka tinukod ang kaniyang kabilang kamay sa likod ng kaniyang ulo upang gawin itong suporta. "Iniistorbo mo ang aking pagtulog. Wala akong panahon sa'yo, uhuging bata!" pagtataboy nito dahilan upang manlaki ang mata ng bata.

"Ano't- hindi ako uhuging bata!" depensa niya sa kaniyang sarili. Napangisi si Bakunawa nang marinig niya ang pagsinghot ng bata at saka marahang itinaas ang kaniyang maruming damit upang ipamunas sa kaniyang ilong na puno ng sipon. Napatigil siya nang mapagtanto na tama ang sinabi ng ginoo dahilan upang patakbo siyang magtungo sa direksyon ng kanilang tahanan habang pumapalahaw at tinatawag ang kaniyang ina.

"Nanghihimasok ka sa aking teritoryo, tama lamang itong ginawa ko," pabulong na wika pa ni Bakunawa. Narinig iyon ni Mayari at sa hindi malamang kadahilanan ay biglang nagbalik sa kaniyang ala-ala ang kanilang naging unang pagkikita.

KAGAGALING lamang ni Mayari sa silid ni Diyosang Ikapati nang maisipan niyang magtungo 'elapsus locus'. Ito ang lugar sa palasyo na itinuturing niyang pag-aari. Dito siya nagtutungo sa tuwing siya ay nalulungkot, nababagot, o hindi kaya ay nagnanais niyang masilayan ang mundo ng mga mortal kahit pa natatakpan ito ng mga ulap.

"Hanggang ngayon ay wala pa ring mensaheng pinapadala ang sarimanok, hindi pa rin nila natatagpuan ang iyong Ina,"

Mariing ipinikit na lamang ni Mayari ang kaniyang mga mata upang isantabi ang sinabing iyon ni Diyosang Ikapati.

Samantala, wala pang isang segundo ay nakarating agad si Mayari sa elapsus locus. Nanlaki ang kaniyang mata nang makita kung paanong halos masira na ang upuang kaniyang isinabit sa puno. Lagot na ang tali nito na lubos na ipinagtataka ni Mayari lalo pa't hindi lamang iyon pangkaraniwang tali, ginamitan niya iyon ng mahika upang hindi mabilis maputol.

Akmang maglalakad na si Mayari upang ayusin ang nasirang tali ngunit napatigil siya nang may marinig siyang ingay sa may dakong itaas. Napatingala siya doon at nakita ang pigura ng isang nilalang na nakatalukbong ng itim. May hawak itong mansanas habang kasalukuyang nakaupo sa may sanga ng puno at nakasandal ang likod sa katawan nito.

"Sino ka?" tanong ni Mayari sa estrangherong nanghimasok sa kaniyang teritoryo.

"Sino ako?" hindi pangkariniwan ang lalim ng boses nito, bagay na napansin ni Mayari. "Hindi ko rin alam," maloko nitong saad at saka nagpakawala ng isang mahabang halakhak.

The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon