KASALUKUYANG nagwawalis ng harapan ng bahay si Tino nang marinig niya ang pagsigaw ng kaniyang Tiyang, tinatawag siya nito.
"TINOOOO!" Bago pa tuluyang magiba ang kanilang tahanan dahil sa malakas na sigaw na iyon ay agad na inilagay ni Tino ang hawak niyang walis sa tabi ng hagdan.
"Bakit po, Tiyang?" usal ni Tino habang pumapasok sa loob ng kanilang bahay. Agad naman niyang nakita ang kaniyang tiyahin na kasalukuyang nagtitiklop ng kanilang mga damit.
"Hindi pa rin ba dumadating si..." saglit itong napahinto sa pagtitiklop at tila mayroong inaalala. Napatingin siya kay Tino na naghihintay sa kaniyang sasabihin bago muling nagpatuloy.
"Hindi pa rin dumadating ang dalagang iyon?" kumunot ang noo ni Tino nang marinig na iyon.
"Sino po, Tiyang?" nagtatakang tanong ni Tino. Napaatras siya nang lumingon sa kaniya si Aling Selia na mayroong matalim na tingin.
"Sino pa ba?" masungit nitong tanong pabalik. Nagpaikot-ikot naman ang mata ni Tino at marahang napatango si Tino nang mapagtanto na si Mayari ang tinutukoy nito.
"Hindi pa rin po dumadating si Ate Mercedes," sagot niya. Hindi nakatakas sa kaniyang paningin ang marahang pagkagat nito sa kaniyang labi at pagbulong.
"Ano po iyon, Tiyang?" paglilinaw ni Tino. Napatingin naman sa kaniya ang matanda at saka marahang umiling.
"Wala iyon," nakangiti niyang saad, bagay na mas lalong nagpataka kay Tino.
Ilang minuto lamang ang nakakalipas ay bigla itong tumayo. "Ikaw na muna magtuloy niyan, may pupuntahan lamang ako," pagtutukoy ni Aling Selia sa mga tikluping damit.
"Saan po kayo tutungo?" usisa ni Tino bago pa ito tuluyang makahakbang papalayo. Humarap ito sa kaniya ngunit agad ring napatalikod nang may silaw ng liwanag ang tumama sa kaniyang mukha.
"Cacas!" pasigaw niyang saad habang pilit tinatakpan ang kaniyang mukha.
"Ano pong problema?" nag-aalalang tanong ni Tino at saka akmang lalapit ngunit agad siyang pinigilan ng matanda.
"Huwag kang lalapit!" utos nito, habang patuloy lamang sa pagdaing. Hindi naman maintindihan ni Tino ang kaniyang gagawin.
Maya-maya pa ay marahan itong huminga ng malalim nang maramdamang wala na ang sinag ng liwanag na tumatama sa kaniyang mukha.
"Ayos lamang ako," pagpapalubag-loob niyang sambit at saka akmang didiretso na sa pintuan ngunit napatigil siya nang mayroong mapagtanto.
"Ang kwintas na iyan," walang anu-anong saad niya dahilan upang mapatingin si Tino sa kaniyang leeg, naroon nga ang kwintas na yari sa hindi pangkariniwang kumikinang na bagay. May mga pagkakataon pa na sa tuwing tinitingnan niya ito ay nakikita niya ang repleksyon ng kaniyang mukha.
"Huwag mo na uli iyang susuotin," pagpapatuloy ng matanda dahilan upang kumunot ang noo ni Tino.
"Bakit po?" nagtataka niyang usisa. Saglit itong natahimik.
"Hindi bumabagay sa iyo," tipid niyang tugon dahilan upang mas lalong magtaka ang bata. "Sino bang nagbigay niyan? Tila hindi marunong tumingin," nagpakawala pa ito ng tawang hindi pamilyar kay Tino.
"Ngunit..." saglit na napahinto si Tino nang sabihin niya iyon. Nag-aalinlangan siya kung dapat pa ba niyang ituloy ngunit sa huli ay pinili pa rin niyang gawin.
"k-kayo po ang nagbigay sakin nito," pagpapatuloy niya at saka nangangambang tumingin sa direksyon ng kaniyang Tiyahin na ngayon ay nanatiling nakatalikod sa kaniya.
Napaatras siya nang unti-unting lumingon sa kaniyang direksyon ang kaniyang tiyahin. Agad nanlaki ang kaniyang mata nang makita ang biglang pagliit ng itim sa mata nito.
BINABASA MO ANG
The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)
FantasyMayari, which was the daughter of Almighty Bathala and the Goddess of Moon was given a mission concerning the mortal world. In order to put end to the continuous disappearance of the seven moons granted by her father in order to help humans see even...