KABANATA 2

97 10 1
                                    

"BAKIT ba nariyan ka na naman?" ang tinig na iyon ang sumira sa katahimikan ng paligid. Kasalukuyang nakaupo si Mayari sa isang malaking batong katabi ng puno at natauhan siya nang marinig niya ang maliit na tinig ng kaniyang nakakabatang kapatid na si Tala. "Hinihintay mo na naman siya?" dugtong pa nito.

Nanatiling walang kibo si Mayari at tahimik pa ring tinanaw ang dakong ibaba ng kaniyang kinalalagyan kung saan matatagpuan ang mundo ng mga mortal na natatakpan ng mga ulap. Umaasa pa rin siyang magpapakita roon ang asul na dragon na ilang taon niya nang hinihintay.

"Masakit mang sabihin, Ate at wala rin ako sa posisyon upang sabihin ito ngunit..." saglit na napahinto si Tala at saka nag-aalalang tumingin sa kaniyang nakakatandang kapatid. "Sa tingin ko ay hindi na siya darating," pagpapatuloy niya dahilan upang mas lalong bumigat ang dibdib ni Mayari ngunit sa kabila noon ay agad niyang pinawi ang kirot na iyon at huminga ng malalim.

"Nagkakamali ka," tipid niyang sagot dahilan upang mapakunot ang noo ni Tala.

"Ngunit ilang taon ka nang naghihintay---" hindi na natapos ni Tala ang kaniyang sasabihin nang biglang bumaba si Mayari mula sa kaniyang pagkakaupo sa bato.

"Naniniwala ako sa kaniya," saad niya at saka diretsong tumingin kay Tala. "Nagtitiwala akong babalik siya at dadalhin ako sa mundo ng mga mortal katulad ng isinasaad ng kaniyang pangako," puno ng pag-asang dugtong pa niya at saka nagsimula nang humakbang pabalik sa kaniyang silid.

"Marahil ay hindi pa sa ngayon ngunit naniniwala akong hindi na ako mabibigo bukas," dagdag pa niya at saka payak na ngumiti.

Ngunit ang ngiting iyon ay unti-unti nang naglaho sa pagdaan pa ng ilang araw, buwan, at taon kasabay ng pag-asang babalik ito upang tuparin ang kaniyang binitawang pangako.

"TOTOO po ang aking sinasabi, mayroong babaeng nagligtas sa atin kagabi mula sa Bakunawa," giit ni Tino na ngayon ay nakatikim ng batok mula kay Aling Selia.

"Ikaw na bata ka, kung ano-ano na lamang pumapasok sa 'yong utak," iiling na saad nito dahilan upang gulat na napatingin sa kaniya si Tino.

"Ngunit totoo po ang aking sinasabi, may babae nga pong nakipaglaban kay Bakunawa kahapon, kulay abo po ang kaniyang buhok at kulay puti ang mga mata,bakit po ba ayaw ninyong maniwala?" giit pa niya ngunit hindi na lamang siya pinansin ni Aling Selia.

Napailing na lamang si Tino habang bumubulong-bulong, ngunit napatigil rin siya nang mapadako ang kaniyang tingin kay Mayari na ngayo'y naalimpungatan dahil sa ingay ng pagbubulungan sa kaniyang tabi.

"Tiyang! Tiyang, gising na po siya!" sabay-sabay na napalingon sa kaniyang direksyon ang mga taong nag-uumpukan at nakikiasusyo sa tahanan nina Aling Selia dahil naroon si Mayari na bago sa kanilang nayon.

"Hija, maayos na ba ang 'yong pakiramdam?" puno ng pag-aalalang usisa sa kaniya ni Aling Selia.

Naguguluhan namang napatingin sa kaniya si Mayari, pakiramdam niya'y may iba sa kaniya ngayon. Tila mas madilim ang kaniyang paningin at hindi na abo ang kulay ng kaniyang buhok.

"Ano pong nangyari?" nagtatakang tanong ni Mayari habang inililibot ang kaniyang mata sa paligid. "Nasaan po ako?" usisa pa niya.

"Ikaw ay nasa aking tahanan, Hija. Ako si Aling Selia," nakangiting saad ni Aling Selia. "Tungkol naman sa nauna mong tanong, ako'y hindi nakatitiyak kung anong kabuuang pangyayari ngunit natagpuan ka ni Ka Nestor na walang malay sa dalampasigan kaninang umaga. Maaga silang nagtungo roon upang agaran silang makapalaot," dagdag pa niya dahilan upang saglit na matahimik si Mayari, kasabay niyon ang pagsilay ng pangyayari kagabi.

The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon