"WASTO ba ang aking naulinigan? Inaway na naman siya ni Apolaki?" nag-aalalang tanong ng isang batang babaeng nasa labinglimang gulang pa lamang. Nakasuot ito ng kulay lilang mahabang bestida habang may maliit na salakot sa likod ng kaniyang ulo. Nagiging bahay niya ito sa tuwing siya ay nagiging pagong. Siya si Catalina na matalik na kaibigan ni Mayari at Tala.
"Oo, pinagsalitaan na naman niya si Ate Mayari ng hindi maganda dahil natalo siya nito sa palaisipang ibinigay sa amin ni Ama," tugon ni Tala at saka dismiyadong napailing. Kasalukuyan silang nakaupo ngayon sa isang malaking bato habang tinatanaw ang mga kawal na nag-eensayo.
"Kahit kailan talaga, ang inyong nakatatandang kapatid na iyan---" hindi na lamang itinuloy nito ang kaniyang sasabihin dala nang labis na pagkainis. "Nasaan pala si Mayari?" bigla nitong saad.
"Nasa kaniyang silid, kanina pa siyang umaga hindi lumalabas doon," napataltak na lamang si Catalina nang marinig niya iyon at saka agad na tumayo mula sa kaniyang pagkakaupo.
"Sandali, saan ka tutungo?" nagtatakang tanong ni Tala.
"Malalaman mo rin, sundan mo na lamang ako," dire-diretsong sagot ni Catalina at saka inilahad ang kaniyang kamay sa direksyon ni Catalina upang hindi sila magkalayo sa kanilang paglalaho.
Nag-aalangan namang hinawakan ni Tala ang kaniyang kamay. Akmang pipikit na si Catalina nang biglang sumigaw si Tala.
"Sandali!" kinakabahan niyang pagpigil kay Catalina. Nagtataka naman siyang tiningnan nito. "Hindi ka tutungo sa silid ni Apolaki, hindi ba?" usisa nito at saka marahang napalunok dahilan upang kumunot ang kilay ni Catalina.
"Bakit naman ako magtutungo roon?" nagtataka niyang tanong. Napahinga naman ng maluwag si Tala.
"Iniisip kong magtutungo ka kay Apolaki upang siya ay pagalitan," pag-amin ni Tala sa kaniya. Napatawa naman si Catalina at saka marahang hinawakan ang ulo ni Tala.
"Magandang ideya iyan," nakangiti nitong saad dahilan upang manlaki ang mata ni Tala at agad siyang pinigilan.
"Hindi! Ako'y nagbibiro lamang!" umiiling-iling na saad ni Tala dahilan upang mas lalong matawa si Catalina at saka nagpanggap na maglalaho. Agad namang naalarma si Tala at hinawakan ang kamay ni Catalina. "Subukan mo lamang maglaho, ililigaw kita," banta nito sa kaniya.
Marahang napahalakhak na lamang si Catalina at saka ipinikit ang kaniyang mata upang magtungo sa silid ni Mayari.
"Maaari mo nang imulat ang iyong mga mata," natatawang saad ni Catalina kay Tala na kasalukuyang nakapikit habang mahigpit pa rin ang pagkakahawak nito sa kaniyang kamay.
"Hindi! Hindi ko imumulat ang aking mata hangga't hindi tayo umaalis dito!" umiiling-iling na saad ni Tala. Hindi niya maitatangging talagang takot siya sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Apolaki.
"Kung gayon ay iiwan kita rito," banta rin sa kaniya pabalik ni Catalina dahilan upang wala pang isang segundo ay iminulat ni Tala ang kaniyang mata. Noong una ay nakakunot pa ang noo nito ngunit nang mapagtanto na silid ito ni Mayari ay agad na ring humupa ang kaniyang pagdaramdam.
BINABASA MO ANG
The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)
FantasyMayari, which was the daughter of Almighty Bathala and the Goddess of Moon was given a mission concerning the mortal world. In order to put end to the continuous disappearance of the seven moons granted by her father in order to help humans see even...