KABANATA 3

62 6 0
                                    

BANDANG tanghali na nang magising si Mayari dahil sa magkahalong ingay ng mga taong tila nagkakagulo sa labas. Nang silipin niya ang bintana ay nakita niya ang lupon ng mga taong nagtutumpukan sa may dakong dalampasigan. Agad siyang nag-ayos ng kaniyang sarili at nagtungo sa labas upang tingnan ang nangyayari.

Nanlaki ang mata ni Mayari nang makita kung paano halos punuin ng patay na mga isda ang lupang kanilang inaapakan. Ang bagay na ito ang lubos niyang ipinagtataka dahil wala namang bagyong dumating kagabi o noong mga nakaraang araw.

"Talagang napakabuti ni Bathala sapagkat matapos nating mamroblema sa kukuhanan natin ng tubig ay pinagkalooban naman niya tayo ng ganito karaming biyaya," saad ng isang Ale doon. Hindi matatawaran ang malalapad na ngiti ng mga taong naroon maliban kay Bakunawa na nanatili lamang nakatayo roon habang nakakakunot ang kaniyang noo. Napansin rin ni Mayari ang nakakuyom nitong mga kamay.

"Oh, mahabaging bathala! Sadyang napakabuti mo!" papuri pa ng mga tao na mas lalong nagpatindi sa galit ni Bakunawa. Hindi niya maatim kung paano magdiwang ang mga mortal sa pagkasawi ng kaniyang mga kasamahan.

"Hindi na tayo mamomroblema sa ating kakainin sa loob ng ilang buwan," natutuwang saad ni Aling Selia at saka sumenyas kay Tino na dalhin sa kaniya ang timba na agad namang sinunod ng bata. Doon ay agad nilang nilimot ang mga isdang nagkalat.

"Magluto naman po kayo ng ibang putahe, Tiya. Sa lagay na iyan ay mukhang malapit na kaming maging isda ni Ate Mercedes," tugon naman ni Tino dahilan upang matawa ang mga kapit-bahay nilang kapwa nakarinig ng sinabi ng bata. Agad naman nitong binawi ang kaniyang sinabi nang makatikim siya ng pingot sa kaniyang Tiyahin.

"A-ako po'y nagbibiro lamang, sadyang napakasarap nga po ng mga niluluto ninyo, lalo na iyong sinaing na isda na paborito ko---Aray ko po!" pagpapalusot niya habang marahang kumakawala mula sa pagkakapingot sa kaniya.

Napatingin siya kay Mayari at saka nagbakasakaling humingi ng suporta. "Hindi ba, Ate Mercedes?" Nanatili namang walang tugon si Mayari dahil nakatulala ito sa kawalan. Nang tawagin siya muli ni Tino ay doon lamang siya muling natauhan.

"Pasensya na, ano uli iyon?" paglilinaw niya.

"Iyo ding paborito ang sinaing na isdang luto ni Tiyang, hindi ba?"

Saglit na natahimik si Mayari at saka marahang napatango na lamang. Isa sa mga katangiang pinanghahawakan sa kanilang kaharian ay ang pagkakaroon ng kakayahang tumingin sa halaga ng isang bagay kahit ano pa man ito.

Nakita niya sa gilid ng kaniyang mata ang biglang pagtalikod ni Bakunawa at nagsimula na itong maglakad papalayo habang hindi pa rin naaalis ang kamao nito mula sa pagkakayukom. Hahakbang na sana si Mayari upang sundan ito ngunit napatigil siya nang bigla siyang akbayan ni Aling Selia.

"Swerte talaga ang dala mo sa amin, Mercedes," nakangiti nitong saad sa kaniya na agad namang inayunan ng iba pang mga taong naroon. Patuloy siyang pinupuri ng mga ito at pinasasalamatan ngunit ang isip niya at paningin ay nanatiling nakatuon sa likod ng lalaking tila binalot ng magkahalong pagkalugmok at galit.

“ANO ba itong panahong ito, hindi na matiyak kung uulan ba o aaraw?" reklamo ng isang ale sa lupon ng mga taong kapwa naguguluhan sa takbo ng panahon. Kasalukuyan silang nasa pamilihan habang nakalatag ang kanilang mga paninda.

"Siyang tunay, makulimlim na naman ang mga ulap sa kalangitan samantalang kanina'y tirik na tirik ang araw," iiling-iling na sagot naman ng isang Manong na nagtitinda ng mga hilaw na isda.

"Kakaiba rin ang anyo ng mga huli nating isda, inyo bang napapansin?" sabat ng kasamahan ng Manong na kasalukuyang naghihiwa ng mga isda dahilan upang mapalingon ang Manong sa lumpon ng mga isdang nakalagak sa lamesa. Napansin niya ang tila namumula na nitong mga mata kahit kakahuli lamang naman nila nito.

The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon