PROLOGO

71 9 1
                                    

“OH, ATE LEXA! Hindi mo ba nais mapakinggan ang kwento ni Lolo?”

Nabalot ng katahimikan ang apat na sulok ng silid nang mapadako ang kanilang mga mata sa isang babaeng sa tingin ay nasa siyam na taong gulang na. Tahimik lamang itong nakaupo sa silyang katabi ng bintana. 

Nanatiling walang imik si Alexa dahilan upang dagliang magtungo ang batang si Lorenzo sa direksyon ng kaniyang kapatid.  

“Ano ba kasing tinitingnan mo riyan?” saad nito at saka nakisiksik sa kaniyang ate. “Buwan?” saad nito at saka nagpakawala ng isang malakas na tawa. 

“Buwan lang naman pala ang tinitingnan mo pero kung makatitig ka parang dala-dala mo na lahat ng problema sa mundo,” iiling-iling pang saad ni Lorenzo.

“Nahihiwagaan lamang ako kung bakit kaiba ang liwanag na naibibigay sa atin ng buwan? Nagagawa nating makita ang lahat ng bagay sa tuwing ang araw ang naghahari sa kalangitan samantalang limitado lamang ang nakikita natin kapag ang buwan na ang sumisilay, tila may kulang” makabuluhang tanong ni Alexa habang nananatili pa ring nakatitig sa gasuklay na buwan. 

“Bakit may pagkakataon na iba't-iba ang hugis ng buwan? Minsan ay buo, samantalang madalas ay hindi. Hindi ko lubos maunawaan,” napasabunot pa ito sa kaniyang ulo dahilan upang matawa na lamang ang kaniyang lolo. 

“Aba'y malay ko, itanong mo sa buwan!” giit ni Lorenzo at saka nagsimula nang bumalik sa kama na kinauupuan ng kaniyang lolo. 

“Tila tuluyan na ngang nawala sa katinuan ang apo ni'yo, Lolo” seryosong bulong ni Lorenzo sa kaniyang lolo dahilan upang mas lalong lumawak ang ngiti nito. “Di bale na, ituloy niyo na lamang po ang kuwento ni'yo,” puno ng galak na giit ni Lorenzo habang umaayos ng upo. 

“Tungkol saan po ang kuwentong inyong ilalahad, Lolo?” masayang sambit ng isa pa nilang kapatid na siyang bunso sa kanilang tatlong magkakapatid. 

“Tungkol ito sa kuwento ni Bakunawa at ng pitong buwan,” nakangiting saad ng kanilang Lolo habang tinitingnan isa-isa ang kaniyang mga apo. 

“Buwan, Lolo?” tila nagpanting ang tainga ni Alexa nang marinig niya ang salitang buwan. Kaagad siyang nagtungo sa direksyon ng kaniyang lolo at kapatid at nakisiksik na rin sa kama. Ang usapin ukol sa mga buwan at kalangitan ay lubos na pumupukaw ng kaniyang atensyon.

“Pitong buwan? Mayroon ba non?” nagtatakang usal ni Lorenzo sabay kamot sa kaniyang ulo. “Niloloko niyo lamang ata kami, Lolo” dagdag pa nito dahilan upang payak na mapangiti ang matanda.

“Ang lahat ng bagay ay mayroong pinagmulan, lahat ng bagay ay mayroong pinagdaanan bago maging ganap na isang bagay,” napakunot na lamang ng noo si Lorenzo maging ang iba pang mga bata dahil sa tinuran ng kanilang Lolo, hindi na naman bago sa kanila ang marinig ang mga mahiwaga at malalim nitong mga kataga ngunit hindi pa rin talaga nila maiwasang maguluhan sa bawat salitang kaniyang binibitawan.

“Tulad ng buwan sa kalangitan, ang pananatili nitong matanglaw sa gitna ng kadiliman ay isa nang malaking pakahulugan kung paano at bakit naganap,” saad pa nito at saka tumingin sa direksyon ng bintana kung saan marahang isinasayaw ng hangin ang puting kurtina nito. Kitang-kita ang hindi kumpletong anyo ng buwan.

“Bakit kailangang isa kung puwede namang dalawa, tatlo, o...?” saglit itong napahinto at unti-unting pinasadahan ng tingin ang kaniyang mga apo. “Pito,” pagpapatuloy ng matanda dahilan upang saglit na mapaisip ang mga bata habang unti-unti namang lumalawak ang ngiti sa labi ni Alexa.

“Puwera na lamang may nangyari upang maging posible ito,” sambit ng kanilang Lolo at saka sinimulan na ang kaniyang pagkukuwento.

PAALALA:
Ang lahat ng mga pangyayari, tauhan, at lugar sa akdang ito ay hindi nauugnay sa katotohanan at pawang kathang-isip lamang.
•Bagama't naganap ito sa panahon ng mga sinaunang Pilipino bago ang pananakop ng mga kastila ay ginagamitan ito ng mga pangalang halaw sa modernong panahon nang sa gayon ay higit itong maunawaan ng mga mambabasa.

The Quarter's Tale (Supling ni Bathala #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon