Chapter 9

83 5 0
                                    

“Ah, so kayo na ni Asher?”

“Totoo ba ‘yon, ha Asher?”

Hindi lubos akalain ni Yra na mangyayari sa kanya ngayon ang pangyayaring napapanood lang niya noon sa TV.

Dati naman ay natatawa at nakikilig siya sa ganoong senaryo ngunit malayo roon ang nararamdaman niya ngayon. Iba talaga kapag ikaw mismo ang naka-experience nito. Walang nakakatawa, walang nakakakilig.

Nasisiguro niyang galit talaga sa kanya ang mundo. Kahit nitong mga nagdaang araw ay sunud-sunod din ang kamalasang nangyayari sa kanya. Karma niya ba ‘yon dahil sa panggugulo sa buhay ng mga dating crush niya?

Pero nagpakatino naman na siya kaya sana naman ay tigilan na siya ng karma.

Pakiramdam niya'y tumigil ang kanyang mundo nang magtama ang tingin nila ni Asher. Halos isang linggo rin niya itong hindi nakita. Ang huli nilang pagkikita at pag-uusap ay ang araw na kumatok ito sa kanyang apartment.

Naging busy siya sa mga sumunod na araw kaya wala siyang oras na gumala sa campus. Hindi rin dumalo si Asher sa kasal ng kanyang papa at tita Flor. Mas mabuti na rin 'yon dahil umaayon ito sa kanyang pagmu-move on.

Medyo magulo ang may kahabaang buhok ni Asher at tanging isang strap lang ng kanyang backpack ang nakasabit sa kanyang balikat.

Hindi pa yata siya kumakain dahil kanina pa sinabi ni Erol na may ginagawa siya sa library. Mukha tuloy siyang pagod pero hindi ito kabawasan sa kanyang kaguwapuhan. Lalo pa yata siyang naging guwapo sa kanyang paningin.

Nag-iwas agad siya ng tingin bago pa siya tuluyang mahulog na naman dito. Pinaalalahanan ulit niya ang kanyang sarili na iwasan at kalimutan ito.

Ngunit paano nga ba niya gagawin 'yon sa sitwasyon niya ngayon?

Kung pipiliin niyang iwasan si Asher dahil sa desisyon niyang kalimutan ito, siguradong patuloy siyang paghihinalaan at pagseselosan ni Kerry.

Kung paninindigan naman niya ang nauna niyang sinabing boyfriend niya si Asher, mawawalan ng saysay naman ang nasimulan niya. Hindi lang 'yon, baka hindi rin makisama sa kanya si Asher. Baka mas lalo siyang mabuko.

Noon lang nai-relate ni Yra ang buhay niya sa exam. Maraming choices pero dalawa lang ang talagang pinagpipilian niya, 'yong nalalapit sa tama, 'yong maaaring makatulong sa sitwasyon niya.

Alin nga ba sa dalawa ang makakapagligtas sa sa kanya? Pero puwede rin namang parehong mali ang dalawang 'yon.

Ah, bahala na. Pipiliin na lang niya ang alam niyang mas safe siya.

Huminga siya ng malalim. Sa isang iglap ay naglaho ang kaba at pag-aalala sa kanyang mukha. Bumalik ang tingin niya kay Asher at isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang labi.

“Asher baby!” tawag niya. Siniguro niyang kuhang-kuha niya ang reaksyon ni Nelmi sa tuwing naglalambing ito kay Erol.

Nilapitan din niya niya si Asher at walang alinlangang kumapit sa braso nito.

“Kumain ka na ba? Sabi kasi ni Erol may pinapagawa raw si sir Ortiz sa ‘yo. Tapos mo na ba, ha? Ha?”

Naglakas-loob siyang tignan ang mukha nito. Halos maiyak siya nang makita niya ang nakakunot nitong noo habang nakatingin sa kanya.

Yari!

Makisama ka naman na o, please.

Sinubukan niyang makipag-usap gamit ang kanyang mga mata ngunit hindi yata effective dahil hindi pa rin natatanggal ang invisible na malaking question mark sa taas ng ulo nito.

I Can Only Love You Reluctantly (A LIGHT NOVEL)Where stories live. Discover now