Psst!
Napalingon ako. At mula sa kusina ay tumambad ang malaking katawan ni Private First Class Dom Villarin tangan ang isang saging na kanyang inuupakan.
"Alex, tapos na ba?" pabulong na tanong niya.
Nagkibit ako ng balikat. Mahigit trenta minutos nang tumigil ang mga sigaw mula sa master bedroom. Akala nga namin ni Dom kanina ay baka may nakarinig na mga kapitbahay, ngunit kahit alulong o kahol ng aso ay di kami nabulabog. Medyo liblib kasi itong nakuha naming bahay sa isang subdivision sa kahabaan ng Zabarte Road dito sa Novaliches, kaya ilang bakanteng lote ang namagitan sa amin at sa pinakamalapit na bahay.
Lumapit sa akin si Dom habang napasulyap sa nakapinid na pintuan ng master bedroom. "Sa palagay mo, buhay pa kaya?"
Napalunok ako ng laway, pero muli akong nagkibit-balikat sa di malaman kung anong isasagot.
Biglang bumukas ang pintuan at lumabas ang isang lalaking bahagyang mas matanda lang kay Dom pero nakasalamin. Kinuha niya ang isang bote ng alcohol sa may mesa sa sala at binuhusan ang mga kamay na may bahid ng dugo. Pagkatapos ay napatingin siya sa amin at napangisi habang kumuha ng isang panyo at pinunasan ang pawis sa noo.
"Ang tagal naman ninyo, Jun," maktol ni Dom habang inubos ang natitirang saging.
"Nagtatapang-tapangan pa kasi," tugon ni Private Jun Paparan. "Bibigay din pala."
"Paano ninyo napaamin?"
Ngumuso si Paparan sa nakabukas na pintuan, at doon ay lumabas ang dalawa pang lalaki, ang isa ay sinasara ang zipper sa salawal at ang isa naman ay inaayos ang kuwelyo sa damit.
"Pahingi nga ng alcohol," sambit kay Paparan ng lalaking nag-aayos ng kuwelyo habang sinusuri ang mga kalmot na natamo sa may kanang braso. Nang mabuhusan ang sugat ng alcohol ay napasipol siya sa hapdi. "Tang-ina!"
"Kalmot lang yan, Catacutan!" asar ng kasama niyang lalaki na si Private Kyle Menandro.
"Pucha, mas madali naman kasi ang trabaho mo!" sumbat ni Private Isidro Catacutan. "Titirahin mo lang!"
Pilit akong nagtimpi, at sa halip ay napasilip ako sa nakabukas na pinutan ng master bedroom. At sa liwanag ng LED na bumbilya ay nakita ko ang isang babaeng nakasalampak sa kama, walang saplot at walang malay, ang kanyang likod ay puno ng mga bilog na sugat na mistulang pinaso. Ang kanyang ulo, na nakaharap sa pintuan, ay tila nakatingin sa kawalan habang may lamang tela ang kanyang nakabukang bibig. Halos matanggal naman ang sapin ng kama at nakalugay na lang sa gilid. Kung humihinga pa siya ay di ko na mawari. Dahan-dahan kong inilag ang aking tingin at baka di ko kayanin. Nanlalamig ang aking mga kamay at nanginginig, na kagyat kong ipinasok sa mga bulsa ng aking pantalon.
Maya-maya lang ay may lumabas na dalawa pang lalaki, isang mahigit kuwarenta na ang edad at isa namang bahagya lang na mas bata sa kanya. Kapwa sila may malalim na pinag-uusapan, hindi inaalintana ang kaguluhang nilisan sa silid. Pagsapit nila sa amin ay napatahimik kaming lahat at napatayo nang tuwid.
"Professor Mallari, College of Education, UP Diliman," sambit ni Corporal Dindo Roque, ang mas nakakabatang officer. "Siya na ang target natin. Siya ang recruiter."
"Sa UP, Sir?" ulit ni Dom. "Mamanmanan ba natin hanggang sa lumabas?"
"That may take time," ani Roque.
"So ano po ang gagawin natin, Sir?"
"Papasok tayo ng UP," ang marahang tugon ng nakatatandang officer, si Sergeant Bill Maestrocampo.
"Pero Sir," ang nangahas kong himasok, "di ba may UP Diliman accord? Paano po—"
"Matagal na nating sinasanto yang lintik accord na yan," tugon ni Maestrocampo sa bahagyang mas mataas na tinig. "Lalo lang lumalakas ang loob ng mga rebeldeng yan."
Napalinga ako sa mga kasama ko, at napansin kong nakangisi si Paparan na para bang nagagalak habang deadma lang sina Menandro at Catacutan. Nagsalubong naman ang mga kilay ni Dom, pero hindi na siya umimik.
"Basta walang pipiyok, kahit na sa ISAFP, maliwanag?" mando ni Maestrocampo.
"Sir, yes, sir," ang halos sabay-sabay na pahayag naming naroroon sa sala.
Napayuko na lang ako. Mangyari ay kilala ko si Professor Mallari.
BINABASA MO ANG
Sutsot (Short Story)
FantasyLingid sa kaalaman ng kanilang superior officers, at taliwas sa provisions ng UP-DND Accord, pinasok ng isang pangkat ng ISAFP agents ang UP Diliman--sa College of Education--para dakpin ang isang professor na pinaghihinalaang recruiter ng mga NPA. ...