9

7 0 0
                                    

Psst!

Tumatakbo na kami ni Roque pabalik ng gusali nang maulinig namin ang sutsot sa likod namin. Ngunit makapal na ang hamog, at nagdidilim na ang langit, kaya wala kaming nakita.

"Sir, anong gagawin natin?"

Sa unang pagkakataon ay waring di makapagpasya si Roque. Alamin pa ba namin kung saan nanggaling ang tunog, o bumalik na lang sa gusali. Pakiwari ko ay malapit na kami sapagkat naaaninag ko na ang anyo nito sa may di kalayuan.

Subalit hindi ko alam kung magiging ligtas din kami sa gusali. Kaya parang naliligalig ang sikmura ko, at hindi ko alam kung dahil sa gutom o kaba.

Bigla kaming nakarinig ng mga yabag. Maya-maya pa ay may anino sa gilid ng kalsada at papalapit sa amin. Inilabas ni Roque ang kanyang baril at itinutok ito sa tumatakbong anyo.

"Roque, ibaba mo yan!" At tumambad si Maestrocampo sa may gilid ng kalsada.

"Sarge!" ang halos sabay naming binigkas. Ibinaba nga ni Roque ang kanyang baril.

Hinihingal din si Maestrocampo, ngunit nakatabi ang kanyang baril. Mag-isa na lang siya.

"Dali kayo! Baka mailigtas pa natin sila!"

Hindi na kami nag-aksaya ng panahon. Agad kaming kumaripas at sumunod kay Maestrocampo. Sandali pa akong napatingin sa aking likod upang magbakasakali, pero wala na akong nakita pang maaaring tumatawag sa amin.

"Sarge, anong nangyari?" tanong ni Roque. "Saan na sila?"

"Injured. May umatake sa amin. Iniwan ko sila banda roon. Bilisan natin at baka bumalik ang mga kaaway."

Tumigil kami sa isang poste sa tapat ng ilang puno ng akasya. Pagtingala ko, napansin kong nakasindi na ang kandila sa loob ng lampara.

Mula sa gilid ng kalsada ay lumapit si Maestrocampo sa isa sa mga akasya.

"Sarge!" sigaw ko. "Huwag kayong lalayo!"

Lumingon si Maestrocampo. "Kailangan nating alalayan sila."

At mula sa likod ng akasya ay lumabas sina Dom at Paparan. May bakas ng dugo sa pantalon si Paparan kung saan siya ay nasugatan. Namimilipit siya sa sakit.

Ngunit nanatili pa rin kami ni Roque sa may kalsada.

Nakalapit na si Maestrocampo sa dalawa pa naming kasama at sinuri ang sugat sa binti ni Paparan. Pagkatapos ay napabaling siya sa amin. "Inatake kami ng mga aswang na may mahahabang dila. Pinagbabaril namin sila hanggang sa umalis sila. Marahil sila rin ang kumuha kay Menandro." Kumunot ang noo niya nang di pa rin kami kumikibo. "Ba't pa kayo tumatayo riyan? Tulungan ninyo kami, that's an order!"

Parang nahimasmasan si Roque. "Yes, Sarge!" At tumakbo na siya sa piling ni Paparan.

Hinawakan naman siya ni Paparan sa braso bilang pasasalamat, ngunit biglang pumakla ang mukha nito sa kirot na naramdaman mula sa binti. "Hindi ako makatayo."

Sinuri ni Roque ang sugat. "Para itong tama ng baril!"

Biglang may nag-click sa utak ko. "Teka, Sarge, hindi pa namin sa inyo sinasabi kung sino ang umatake sa amin, at hindi man lang ninyo tinanong kung anong nangyari kay Menandro." Nang pinagmasdan ko ang sugat ni Paparan, naalala kong sa hita rin tinamaan ng bala ang isa sa mga aswang kanina.

At pagkatapos ay naalala kong simula nang magtagpo kami kay Maestrocampo, laging nasa gilid lang siya ng kalsada.

Siguro ay yun din ang sumagi sa isipan ni Roque dahil agad niyang binunot ang kanyang baril.

Pero bigla siyang sinakmal mula sa likod ni Dom habang sabay namang hinawakan siya ni Paparan sa mga kamay. Pagkatapos ay bumukas ang bibig nito at lumabas ang mahabang dila, na mabilis na nahanap ang malaking ugat sa leeg ni Roque.

"Takbo na!" bulalas ni Roque sa akin habang pilit siyang pumapalag sa mahigpit na kapit ni Paparan.

Samantala, lumapit sa akin si Maestrocampo at tinangkang hablutin ang aking kamay nang makailag ako at matumba nang maapakan ang isang nahulog na sanga. Paatras akong gumapang hanggang sa nagawa kong makatayo at tumakbo patungo sa gusali. Nang mapalingon ako, mula sa dilaw na liwanag ng kandila mula sa lampara ng poste ay nabanaag kong nakatayo sa gilid ng kalsada si Maestrocampo, hindi mabasa ang mukha, habang ang dalawa pa niyang kasama ay kinakaladkad ang walang malay na si Roque paloob ng gubat. 

Sutsot (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon