Kuwadrado ang lagusan pagkat nahahawakan ko ang magkabilang pader sa tabi ko at ang mababang kisame sa aking ibabaw. Mula sa liwanag ng mga flashlight ay napuna kong maalikabok ang ginagapangan naming sahig na yari sa wari ko ay pulang Vigan tiles na gaya sa labas ng CR, pero paminsan-minsan ay may nababanaag akong mga dibuhong di ko mamukhaan. Minsan ay may nasagi akong mga agiw, ngunit sa awa ng Diyos ay wala akong nakitang mga gagamba o daga.
Psst!
Natigilan ako sa paggapang. "Bakit, Dom?"
"Anong bakit?" tugon ni Dom sa harapan ko.
"Ikaw ba yung sumutsot?"
"Hindi. Galing sa likod natin."
Inilabas ko ang aking cell phone at binuksan ang flashlight. Pag-ilaw ko sa likod ay wala naman kaming nakita. Hindi na namin matanaw ang bahaging nilikuan namin mula sa CR. Malayu-layo na rin pala ang aming ginapang.
"Bilisan ninyo!" ani Catacutan sa may harapan namin. Medyo malayo ang pinanggalingan ng tinig niya at bahagya na lamang ang naaaninag naming ilaw mula sa mga kasamahan namin.
Tumango na lang si Dom at nagsimulang gumapang. Napabaling uli ako sa aming pinanggalingan sa huling pagkakataon bago ako sumunod.
Mahigit limang minuto pa kaming ganito, at magtataka na ako kung saang bahagi na kami ng Benitez Hall nang biglang naglaho ang mga pader at kisame ng lagusan nang makita ko ang sariling nakalabas sa butas sa may gilid ng isang hallway. Nakatayo na ang iba at nagpapagpag ng alikabok sa mga kamay habang hinahagod ng tingin ang paligid.
Hindi ko matandaan ang lugar na ito. Pero matagal na rin kasi akong di nakatapak sa Benitez Hall, o baka di pa ako napadpad dito. Naroon pa rin ang makintab na pulang tiles sa sahig, ang mga pintuan ng mga silid sa bandang kanan, at ang arches at mga balkonahe sa gawing kaliwa.
Psst!
Lahat kami ay napalingon sa pinanggalingan ng sutsot, at hayun nga, napansin namin ang isang lalaking nakatalikod at tumatakbo papalayo sa amin.
"Hayun, dali!" mando ni Maestrocampo.
Hindi na kami nag-isip pa. Kumaripas kami sa takbo at sinundan ang lalaki. Mabilis din siyang tumakbo, at di ko na mabilang kung ilang mga nakapinid na pintuan ang nalampasan na namin. Biglang sumagi sa aking pansin ang kakaibang anyo ng mga pintuang ito, na may mga nakaukit na dibuho ng mga nilalang na hindi ko maintindihan. Nagpa-renovate ba ang Eduk? Pero mukhang luma na ang mag pintuang ito, at sigurado akong mahigit pa sa sampung taon ang kanilang tanda. Subalit di na ako nakapag-aksaya pa ng panahon sa kakaisip dahil napatutok ang aking focus sa aming suliranin, na kahit anong tulin ng aming takbo ay tila hindi man lang namin magawang mapaliit ang pagitan namin sa lalaki. Maya-maya pa'y hinihingal na kami, ngunit higit sa namumuong pagkamanhid ng aking mga hita, doon ko lang napansing hindi ubanin ang buhok ng papalayong lalaki.
"Teka, hindi yan si Sir M!" sigaw ko.
Lahat kami ay napatigil, maliban na lang kay Paparan, na noon ay nagpatuloy lang sa paghabol.
Napalingap ako sa magkabilang dako ng hallway, at doon lang ako labis na nabahala. Mangyari ay hindi ko makita ang magkabilang dulo nito.
Napansin din ito ng mga kasamahan ko. "Ganito ba kalaki ang building na 'to?" tanong ni Dom.
Umiling ako.
Napadungaw si Roque sa balcony, napatingin sa may baba at pagkatapos ay sa may itaas. Sumunod kami sa kanya. Huling sumapit si Maestrocampo, nakakunot ang noo nito.
"Sarge, di ba gabi na?" ani Menandro habang nakatitig sa mga kaulapan sa langit. "Pero bakit maliwanag pa?"
Nagtinginan kaming lahat, pero wala sa amin ang makaimik. Hindi namin matantya kung nasaan ang araw dahil sa makulimlim na langit, ngunit nakatitityak kaming hindi pa takipsilim. At may isa pa kaming napuna.
Kung nasa UP kami, bakit nakabibingi ang katahimikan?
BINABASA MO ANG
Sutsot (Short Story)
FantasyLingid sa kaalaman ng kanilang superior officers, at taliwas sa provisions ng UP-DND Accord, pinasok ng isang pangkat ng ISAFP agents ang UP Diliman--sa College of Education--para dakpin ang isang professor na pinaghihinalaang recruiter ng mga NPA. ...