Wala ang Sunken Garden. Wala rin ang Main Library, Vinzons Hall, Virata School of Business, School of Economics, at Malcolm Hall. Wala ang mga manininda ng fishball, kikiam, kwekwek, cheese sticks, dynamite, at pancit canton. Wala rin ang mga estudyante at joggers, mga jeepney at iba pang sasakyan.
Wala pa rin kami sa UP Diliman.
May kalsada sa harapan namin. Ngunit imbes na aspalto ay yari ito sa tipak ng mga batong pinakinis at pinagtagni-tagni. May mga poste rin ng lampara, pero iba ang anyo ng mga ito, at hindi bumbilya ang nasa loob kundi mga kandilang di pa nakasindi. Tumingin man kami sa kanan o kaliwa, hindi namin makita ang hangganan ng kalsada dahil sa hamog. Nakatirik pa ang araw, pero hindi namin matantya ang kinalalagyan nito dahil maulap pa rin ang langit. Hindi namin tuloy malaman kung anong oras na sa lugar na ito.
Sa likod ng kalsada ay may isang malawak na gubat. Matanda na ito sapagkat nagtataasan ang mga puno ng nara, kapok, ipil, lauan, at iba pang di ko kilala. Hindi namin mabanaag ang hangganan ng gubat dahil din sa bumabalot na hamog.
Nang tumingin naman kami sa aming pinanggalingan, laking gulat na lang namin nang makita ang Benitez Hall, may mga haligi at balkonahe, may tatlong palapag, at may hangganan ang haba nito. May gubat din sa likod ng gusali. Alam kong di maipagkakailang Benitez Hall ito, ngunit naramdaman kong tumayo ang balahibo ko sa batok nang pagmasdan ko ito.
Wala ni isa sa amin ang nangahas bumalik sa pintuan. Imbes ay tumawid kami ng kalsada at pinagmasdan ang gubat. Bilang sundalo, nakailang beses na akong namundok at namalagi sa mga kagubatan. Ngunit kakaiba ang gubat na ito.
"May naririnig kayo?" wika ni Paparan.
"Wala," tugon ni Menandro.
"Yun nga, eh."
"Sarge," ani Dom, "dapat sigurong hindi tayo aalis sa kalsada. Yun ang sabi sa akin ng lolo ko—pag naligaw ka sa ligar ng mga maligno."
Parang may sasabihin pa si Maestrocampo, ngunit matapos niyang mapasulyap sa gubat ay tumango ito.
"Sir, saan po tayo ngayon pupunta?" tanong ni Roque. "Sa kaliwa o sa kanan? O maghihiwalay po ba tayo?"
Inilabas ni Maestrocampo ang kanyang cell phone, at nang makita niyang wala pa ring signal ay napabunton ito. "Roque, isama mo sina Menandro at Bueno. Doon kayo sa kanan. Paparan at Villarin, you come with me. Dito tayo sa kaliwa. Maglakad tayo ng 30 minutes, then balik tayo sa harapan ng building at mag-report. Huwag tayong aalis ng kalsada, at wala rin kayong kakainin. Understood?"
Tumango lang kaming lahat, nag-synchronize ng aming relos, at nagsimula na kaming maglakad.
BINABASA MO ANG
Sutsot (Short Story)
FantasyLingid sa kaalaman ng kanilang superior officers, at taliwas sa provisions ng UP-DND Accord, pinasok ng isang pangkat ng ISAFP agents ang UP Diliman--sa College of Education--para dakpin ang isang professor na pinaghihinalaang recruiter ng mga NPA. ...