12

6 0 0
                                    

Hindi na ako nagulat nang imbes na auditorium ay isang malaking silid na walang laman ang aming naabutan. At sa gitna ng pulang sahig ay nakatirik ang isang munting kandila, ang ilaw nito ay waring di sapat para malusaw ang dilim sa paligid ng silid, kaya di namin maaninag ang mga dingding habang ang kisame ay pilit na kinukubli ng aming lumalaking anino habang papalapit kami sa kandila.

Si Maestrocampo ang nangunguna at kami ni Dom ang sa likod. Nakaangat pa rin ang baril ni Maestrocampo habang si Dom naman ay nakakapit sa kanyang baywang, pero naramdaman kong nag-aalangan siyang ilabas ang kanyang baril.

"Bakit ninyo ako hinahanap?"

Mahina lang ang tinig, halos pabulong na nga, pero dinig naming tatlo. Hindi namin alam kung saan ito nagbuhat—sa bandang kanan o kaliwa o harap. Pero hindi ko makakalimutan ang boses na ito—kay Sir M.

"Magpakita ka sa amin, putang-ina mo!"

"Sarge, hinay lang po sa pananalita natin—"

"Wala akong pakialam! Nasaan ka?"

Pero inulit lang niya ang tanong. "Bakit ninyo ako hinahanap?" Ngayon naman, parang nanggaling sa may itaas ang boses, kaya napatingala kami. Tanging mga anino lang namin ang waring nakatitig pabalik sa amin.

"Nasaan ang anak ko?" asik ni Maestrocampo. "May kinalaman ka sa kanyang pagkawala, di ba?"

May bumulong sa aming likod. "Ang anak mo ay kabayaran lang sa mga kinuha mong anak ng mga may anak."

Lumingon si Maestrocampo sabay kalabit sa gatilyo. Umalingawngaw ang tunog ng baril.

"Collateral damage sila! Sundalo ang anak ko. Ginagampanan lang niya ang tungkulin niya!"

Sa bandang kanan: "Gumahasa at pumatay? Kasama ba yun sa mga tungkulin?"

Lumingon si Maestrocampo sa kanan at kinalabit uli ang gatilyo. Ilang dangkal lang ay nabaril na sana ako kung hindi lang ako nakailag.

"Mga kalaban kayo! Mga komunista, rebelde! Salot sa bayan!"

Sa bandang kaliwa: "Mga magsasaka, salot? Ang nagpapakain sa inyo, salot?"

Muling kumalabit si Maestrocampo, ngunit sa pagkakataong ito ay walang pumutok. Ubos na pala ang bala niya.

Sa may harapan: "May isang sinaktan ang anak mo. Isang babae. Bata pa, hindi pa dinudugo. Bago siya namatay ay tinawag niya ang aking pangalan. Kaya't pinarusahan ko ang anak mo ayon sa aking batas."

"Putang-ina mo, sino ka para magtakda ng batas sa amin?"

"Mas matanda pa ang batas ko sa lahat ng batas ninyo. Nagagamit lang ninyo ang aking mga lupain dahil sa aking pahintulot."

Hinarap kami ni Maestrocampo, at sa liwanag ng kandila ay napuna naming namumula ang nanlilisik na mga mata nito. At kay Dom: "Villarin, akina ang baril mo!"

Napailing si Dom. "Sarge, awat na! Kung tama ang hinala ko, hindi po ninyo siya kaya!"

"Sabing ibigay mo ang baril mo, that's an order!"

Umatras si Dom. "Sarge, please. Mapapahamak lang po tayo!"

Ngunit sinunggab niya si Dom at inabot ang nakasukbit sa kanyang baywang. Sa dilim ay nasaksihan kong pilit hinahatak ni Maestrocampo ang baril habang ayaw bumitiw naman ni Dom. Sa simula ay hindi ako makagalaw, dahil mas malaki si Dom kay Maestrocampo at umaasa akong makakayanan niya ito. Ngunit tumagal pa ang kanilang pag-aagawan, at nasaksihan ko ang kakaibang bangis mula kay Maestrocampo, na tila isang asong nauulol.

Di na ako nag-atubili at tumakbo na sa tabi nila. Niyakap ko si Maestrocampo sa likod habang pilit na hinahatak palayo kay Dom. Nagbunuan kaming tatlo habang ang mga anino namin ay tila nagsanib at parang sumasayaw sa kisame.

Sutsot (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon