6

7 0 0
                                    

"Si Paparan, nasaan na?" tanong ni Maestrocampo.

Bilang sagot, nakita namin si Paparan na pabalik na sa amin, naglalakad habang hawak ang tagiliran, butil-butil ng pawis ang tumatagas sa noo at hinihingal pa. Napilitan siyang tanggalin ang suot na salamin para punasan ang pawis na naiipon sa paligid ng kanyang mga mata.

"Nakawala, Jun?" ani Roque sa pagsapit ni Paparan.

Tumango siya. "Pambihira ang bilis. Lalo pang tumulin hanggang sa di ko na makita!"

"Eh, Sarge, hindi kaya—minamaligno tayo?" wika ni Dom.

At doon ko lang naisip ito. Bagaman may hawig ang lugar sa Benitez Hall, sigurado akong wala na kami rito. Nakaramdam ako ng biglang pagtayo ng balahibo sa braso at batok ko.

Ngunit di natinag si Maestrocampo. "Balikan natin ang nilabasan natin. Bilis!"

At muli kaming humangos, ngayon naman sa direksyon ng pinanggalingan namin. Tumakbo kami ng limang minuto, sampu, labinlima. Alam kong mas malayo na ang itinakbo namin pabalik.

Ngunit di na namin makita pa ang lagusan.

"Pucha, ano ba 'to?" ang naulinig kong halos bulong ni Paparan sa tabi ko.

"Tawagin ninyo si Santos," mando ni Maestrocampo.

"Sarge, wala pong signal," sagot ni Menandro.

Napatingin kaming lahat sa cellphones namin, at wala nga kaming masagap. Ibabalik ko na sana ang phone sa bulsa ko nang naisipan kong kumuha muna ng litrato ng hallway.

Nilapitan ni Maestrocampo ang isang pintuan at pilit na buksan ito, ngunit naka-lock ito mula sa loob. Sinundan namin siya at inisa-isa ang mga pintuan, ngunit pawang nakasarado silang lahat. Lumapit ako sa may balkonahe at dumungaw sa may ibaba, ngunit pakiwari ko ay naubos ang dugo sa aking mga pisngi nang di ko mabanaag ang lupa sa kapal ng hamog. At hayon nga, namamayani ang kakaibang katahimikan sa buong paligid.

"Sarge, tingnan ninyo!" sigaw ni Catacutan sa di kalayuan. Tinutukoy pala niya ang isang pintuang kanyang nabuksan.

Dagli kaming sumapit sa kanyang kinaroroonan, at doon lang namin natunghayan ang mga nakaukit sa pintuan. Mga larawan ng mga tao, tila mga mangangaso dahil sa tangan nilang mga sibat at pana, habang sa ibabaw nila ay ang gasuklay na buwan at mga tala.

Inakala naming isang classroom ang silid na aming pinasukan, pero wala itong mga upuan o mesa o kahit na blackboard o white board. Wala itong bintana, kaya tanging liwanag lang ay ang nanggagaling sa hallway na pinapagitan ng aming mga anino. Nang masanay na ang aming mga mata sa madilim na silid, doon lang namin nahalatang parang may nakatayo sa tabi ng dingding sa kabilang dulo ng silid. Agad na binunot ng mga kasamahan ko ang kanilang mga baril habang binuksan namin ni Dom ang flashlight ng aming cellphones.

Isang estatwa lang pala.

Paglapit namin ay may nasipa kaming ilang kandila at mga bungang nakakalat sa sahig. Hindi namin inalintana ang mga ito at sa halip ay sinuri namin ang estatwa gamit ang aming flashlights. Bahagya itong mas maliit kay Catacutan, ang pinakamaliit sa amin. May ulo itong yari sa kahoy, bagaman ang katawan ay gawa naman sa pinatuyong dayami. May sapin ito kung saan naroon dapat ang ari nito. May mga binti at mga braso, at nakasandal sa kaliwang braso ang isang pana at sa kanan naman ay isang sibat.

Payak lang ang dibuho sa ulo. Isa lang ang mata nito, sa may gawing kaliwa, may maliit na ilong, at sa ilalim nito ay isang guhit na marahil ay ang bibig. Tinitigan ko pa ito nang matagal, di mapalagay dahil may hindi ako matumbok mula sa estatwang ito. Paglingon ko kay Dom, naabutan ko siyang nakatuon din ng pansin sa estatwa at tila namumutla.

Sutsot (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon