Hindi naman mainit, pero malayang dumadaloy ang pawis sa ulo at katawan namin dahil sa matinding alimoong na hinaluan ng malakas na amoy ng basang kahoy at amag. Parang ang hirap ding huminga, dahil wala pang sampung minutong brisk walking ay hinihingal na kami. Doon ko rin nadamang nauuhaw na ako.
Wala pa marahil isang kilometro ang nilalakad namin ay di na namin makita ang gusali at maging ang pangkat nina Sarge dahil sa hamog na kumukumot sa lugar. Nangunguna si Roque at nakatitig sa may kaliwa habang ako naman ang nakasunod at nagmamanman sa kanan. Bumubuntot sa amin si Menandro, at siya ang nagmamatyag sa aming tagiliran. Maingat din kami sa aming mga hakbang upang di matisod sa mga sangang nagsibagsakan sa aming tinatahak, ang ilan ay kinakapitan pa ng mga tengang daga at halamang pako.
Ngunit wala kaming nakitang ibang gusali o sasakyan o nilalang. Maliban sa binabagtas naming kalsada, walang ibang patunay na may tao sa lugar.
"Paano kung wala sa kalsada si Mallari?" dinig kong tinig ni Menandro sa likod namin.
"We stick to the plan," ani Roque. "Sa kalsada lang tayo."
"Alex, ano bang alam mo kay Mallari?"
Nagkibit ako ng balikat. "Magaling siyang teacher. Pero tahimik lang sa labas ng classroom. Seryoso. At hindi masyadong nakikihalubilo."
"Anong nangyari sa kanyang mata?"
"Di ko alam. Hindi namin matanong. Wala ring nagkuwento sa amin. Ang sabi ng orgmate ko, ganyan na si Sir noon pa."
"NPA recruiter ba siya o maligno?"
Nagkibit uli ako ng balikat. "Di naman niya ako na-recruit. At wala rin akong kilalang na-recruit niya. So baka maligno nga."
"Pero siya ang kinanta ng estudyante niya."
Muli kong naalala ang babaeng isinalang namin sa tactical interrogation. Mapapakanta mo naman siguro kahit sino under torture. Napaisip ako kung nilaglag lang ng babae si Sir M. dahil siya ang unang naisip niya.
"Credible yung estudyante," dagdag ni Roque. "Confirmed na NPA. Kasama siya sa naka-enkuwentro ng company ng anak ni Sarge sa Pampanga."
Hindi na kami umimik ni Menandro. Hanggang ngayon ay di pa rin nakikita si Corporal Lance Maestrocampo at iba pang kasamahan sa kanilang company matapos ang huling sagupaan sa mga NPA mahigit anim na buwan na ang nakalilipas. Kaya't mahigit anim na buwan na ring pinaghahanap ni Sarge ang kanyang anak, at marami na ring napahamak na mga pinaghihinalaang NPA sa kanyang mga kamay. Mismong ako ay naging saksi sa mga ginawang pag-torture.
"Narinig n'yo yun?" bulalas ni Menandro.
Tumigil kami sa paglalakad. Lumipas ang ilang segundo.
"Tulong!"
Malayo ang tinig, pero nagbuhat ito sa may gubat sa gawing kaliwa ng kalsada.
Inilabas agad nina Roque at Menandro ang kanilang baril.
"Tulong!" Mas malapit na ang tinig, at nagmula ito sa isang babae. Sa may di kalayuan ay may naririnig kaming kaluskos malapit sa amin.
Tatapak na sana kami ni Menandro sa labas ng kalsada nang pigilan kami ni Roque. "Stay put!"
Di ako mapakali. "Pero Sir—"
"I said stay put!"
"Kyle, tulong!"
Nagulat kaming tatlo, lalo na si Menandro. Halos nasa gilid na siya ng kalsada. Hindi kami makakibo habang inaabangan namin ang paglapit ng pinagmumulan ng kaluskos.
"Kyle!"
"Nina?" halos bulong ni Menandro.
Nagtaka ako. Boses ba yun ng asawa ni Menandro? Ano ang ginagawa niya rito? Ang alam ko'y nasa Cavite ang pamilya ni Menandro.
At mula sa dilim ng gubat, sa ilalim ng puno ng balite, ay humahangos na lumabas ang isang babaeng sabog na nakalugay ang buhok, marungis ang mukha at mga braso, may gunit-gunit na palda, at walang saplot sa paa. Wala rin siyang suot na pang-itaas, kaya tinatakpan niya ang kanyang dibdib gamit ang mga braso't kamay. Hinihingal siya at tumatagas pa ang mga luha sa kanyang mga mata.
"Kyle! Huwag mo akong iwan! Hinahabol nila ako!"
Nagawa ko pang hawakan si Menandro sa balikat, pero hindi na namin siya napigilan at umapak na siya sa labas ng kalsada upang salubungin ang humahagulgol na asawa.
"Anong ginagawa mo rito?"
Yumakap ang babae kay Menandro, ang kanyang baba nakapatong sa kaliwang balikat ng asawa.
"Kukunin nila ako! Iligtas mo ako rito!"
"Halika na, dali, sumama ka na sa amin!"
Minsan ko lang nakita ang asawa ni Menandro, nung Christmas party namin nung isang taon. Dala pa niya ang anak nila. Kaya't kahit na kalunus-lunos ang hitsura ng babae, namukhaan ko agad si Nina. Ngunit di pa rin naalis ang pagkataka ko kung bakit narito siya. Dinala rin kaya siya rito ni Sir M.?
Itinabi ni Menandro ang kanyang baril at dahan-dahang inakay ang asawa pabalik sa kalsada. Tatapak na rin kami ni Roque palabas para salubungin sila...
At doon ko lang napansing walang guhit sa pagitan ng labi at ilong ni Nina. Kaya't ako'y nahintakutan. Hinawakan ko sa damit si Roque bago pa man siya makalabas ng kalsada.
"Kyle, hindi yan asawa mo! Takbo ka na rito!"
Nagsalubong ang mga kilay ni Menandro. At bakas sa kanyang mukha ang pagkalito. Ngunit nanatili pa ring mahigpit ang kapit niya sa asawa at tila ayaw pang pakawalan ito.
Saksi ng mga mata namin ni Roque kung paano ibinuka ng babae ang kanyang bibig, at mula rito ay lumabas ang isang napakahaba at matulis na dila. Para itong sibat na tumudla sa leeg ni Menandro, at bago pa man niya maunawaan kung ano ang nangyayari ay sinakmal siya ng babae.
Mabilis kumilos si Roque. Binunot niya ang kanyang baril at nagpakawala ng ilang bala. Natamaan sa tagiliran at sa kanang balikat ang babae, kaya humiyaw itong parang isang mabangis na hayop.
Ngunit hindi nito iniwanan si Menandro. Nakita naming pumulupot ang mahabang dila nito sa leeg ng kasama namin. Tinutok muli ni Roque ang baril sa babae, ngunit bago pa man siya magpaputok ay may sumulpot na dalawa pang babaeng pawang nakahubad at nakatuwad at tila mga asong umuungol at naghahandang sunggabin kami. Pinagbabaril ni Roque ang mga ito, ngunit mabilis pa sa anunang hayop ang kanilang pagkilos, kaya nagawa nilang makaiwas sa mga bala.
"Sir, si Kyle!" ang tangi kong nasigaw.
Hinahatak na pala paloob ng gubat ng unang babae si Menandro sa leeg gamit ang dila nito, di iniindang ang mga natamong sugat. Pumipiglas pa si Menandro, ngunit walang salitang lumalabas sa kanyang bibig.
Tatakbo na sana ako upang tumulong, pero brinaso ako ni Roque pabalik. At buti na lang, dahil muntik na akong mahagip ng isang babaeng nag-aabang malapit sa akin. Nagawa pa ni Roque na barilin ito sa hita, kaya humihiyaw itong gumapang paatras hanggang sa lamunin ng dilim ng gubat. Tumakas na rin ang kasama nitong isa pang babae.
Pero nawala na rin si Menandro at ang inakala naming si Nina. Mga ilang saglit pa ay nanumbalik ang katahimikan. Tanging ang paghingal namin ni Roque ang aming naririnig.
BINABASA MO ANG
Sutsot (Short Story)
FantasiLingid sa kaalaman ng kanilang superior officers, at taliwas sa provisions ng UP-DND Accord, pinasok ng isang pangkat ng ISAFP agents ang UP Diliman--sa College of Education--para dakpin ang isang professor na pinaghihinalaang recruiter ng mga NPA. ...