4

7 0 0
                                    

Nag-aabang si Maestrocampo sa labas ng makitid na hallway, nakahalukipkip ang mga braso sa dibdib. Nang makita niya kami ay umusad na siya patungo sa may hagdan sa gawing kanan habang tahimik kaming sumusunod, si Sir M. sa pagitan namin at hawak-hawak sa braso ni Paparan.

Nadaanan namin ang men's CR, at natigilan si Sir M. sa paglalakad.

"Pakiusap, maaari ba?" at napatingin siya sa CR.

Ngunit nagpatuloy lang sa pagkaladkad ni Paparan kay Sir. Naawa tuloy ako, kaya agad kong itinaas ang aking kamay kay Paparan habang lumingon kay Maestrocampo.

"Sarge? Iihi lang daw."

Napangiwi lang si Maestrocampo, pero dahan-dahan din siyang lumapit sa amin.

"Sige. Matrapik sa Commonwealth. Umihi na kayong lahat para diretso na tayo."

Nag-unahan ang iba sa pagpasok ng CR habang huli kami nina Paparan at Sir. Pagpasok namin sa loob, may tatlong urinals na ginagamit habang may dalawa pang cubicles na pawang nakasara. Naghintay pa kami para may mabakante, at ilang saglit lang ay lumabas si Dom sa dulong cubicle.

Tinulak ni Paparan si Sir patungo sa nabakanteng cubicle, at matapos mag-alinlangan ay pumasok din ito sa loob at marahang sinara ang pinto.

Sumunod na lumabas si Roque sa isa pang cubicle, kaya pumasok na rin si Paparan. Nang matapos naman si Catacutan sa isang urinal ay saka lang ako nakaihi. Di lumaon ay narinig kong nag-flush si Sir sa kanyang cubicle, kaya agad akong naghugas para abangan ang kanyang paglabas.

Natapos na si Maestrocampo sa unahang cubicle at huling lumabas si Paparan. Naghihintay naman sa may labas ng CR ang iba. Lahat kami ay nakatitig lang sa pintuan ng dulong cubicle. Umabot pa ng isang minuto, at napatingin na kami sa isa't isa. Dahil ako ang pinakamalapit, nagkusa na akong sumapit sa cubicle at kumatok sa pinto.

"Sir? Tara na."

Katahimikan.

Itinabig ako ni Paparan at hinampas ng ilang beses ang pinto ng cubicle.

Wala pa ring sumagot.

Walang karaka-raka, tinadyakan ni Paparan ang pinto, at tuluyan itong nabuksan at muntik pang kumalas sa mga bisagra nito.

Ngunit wala roon si Sir M.

Lahat kami ay napasilip sa loob, ngunit tanging naroon lang ay ang inidoro at isang lumang plywood na nakasandal sa pader. Hinawi kami ni Maestrocampo at tinitigan ang plywood. Pagkatapos ay inangat niya ito sa ibabaw, at doon, sa likod nito ay may isang mababaw at madilim na lagusan.

Namutla si Dom sa tabi ko. "Sarge, sorry, di ko napansin ang plywood na yan sa dilim."

At biglang nakatikim mula kay Maestrocampo ng malakas na batok si Dom, na halos ikabangga niya sa isang pader. Pagkatapos ay inilabas ni Maestrocampo ang cell phone at binuksan ang flashlight nito. Dumukwang siya at inilawan ang loob ng lagusan. Maikli lang ang natatanaw namin dahil bigla itong lumiko pakanan. Habang hawak ang phone ay inilabas niya ang kanyang baril at nagsimulang gumapang papasok. Sumunod sina Paparan at Roque habang nagbukas din ng cell phone si Menandro para mag-ilaw at pumasok din sa loob, si Catacutan bubuntut-buntot sa kanya at may hawak na baril.

Hinihimas pa rin ni Dom ang kanyang batok, pero di rin siya nag-atubili at agad na gumapang habang sinusundan ang ilaw ng mga nauna sa kanya. Napalingon ako sa paligid at napasilip sa labas ng CR, pero wala akong nakitang ibang tao. Ako ang huling pumasok sa lagusan.

Sutsot (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon